Wednesday, June 04, 2008
Bago Na
Paumahin sa lahat ng mambabasa (feeling!) pero ipinasasara na itong blog ko. Masyado raw itong malisyoso at mapanghamak, hindi raw ito naging sensitibo. Ipinasasara na ito sa lalong madaling panahon at kung hindi raw ay baka ako pa ang madehado.

Charing.

Maglilipat lang ako. May mga post kasi ako rito na parang musmos 'yung gumawa, nakakahiya, at gusto ko na rin magpalit anyo kasi kung tutuusin, ang mahigit dalawang taon na blog na ito ay uugod-ugod na.

Kaya para sa mga bagong kuwentuhan at kung anu-ano pang walang kakuwenta-kuwentang bagay, dito na lang kayo pumunta:

labasngkahon.i.ph

Salamat salamat!
 
tinipa ni Bote. noong 11:12 AM | Permalink | 1 comments
Wednesday, May 14, 2008
Kung Bakit Ako Masaya
Alam mo ba?

Siyempre hindi pa, hindi ko pa naman sinasabi sa 'yo. Pero gustong-gusto ko na talagang sabihin. Sobra. Kasi alam mo, sobrang saya ko ngayon. 'Yung saya na gigising ako sa umaga na parang nakapuwesto na agad 'yung labi ko na nakangiti, kumbaga parang automatic, na parang hindi na bumabalik sa dating puwesto. Heto na, ayoko na patagalin pa, kasi kinikilig na ko sa sobrang saya. Wala lang, gusto ko lang magsulat ng masaya ngayon, kaya ililista ko ang mga dahilan kung bakit ako masaya, ngayong araw, noong mga nakalipas, at sa mga susunod pa na sandali.

Heto, heto. Huwag ka na magalit.

I. Masaya ako dahil sa kaniya.

Oo, tama ka. Chummy mode!

Masaya kasi nakatagpo ko siya, 'yung parang heto na, huli na 'to, at siya na talaga. 'Yung ganoong pakiramdam. 'Yun bang, wala nang hahanapin pa. Basta siya na, at hindi ko maipaliwanag kung bakit. Basta masaya ako dahil sa kaniya. Sobra.

II. Masaya ako dahil sa Norwegian Wood.

Unang libro ko ito ni Haruki Murakami, isang premyadong manunulat na Hapon. Napakahusay nang pagkakasulat at hindi ko maipahiwatig ang saya na binigay nito sa 'kin kahit na nalagasan ako ng limandaang piso, at binili ko ito kahit pulubi ako ngayong bakasyon.

Syet, sinasabi ko sa 'yo, sulit 'yung 500 bucks pare! E simulang pangungusap pa lang, ulam na. Hindi mo na titigilan ang pagbabasa nito, lalo na kung may hilig ka talaga sa panitikan.

Masaya ako sa pagbabasa nito, kahit na nalungkot ako sa mga nangyari sa tauhan. Palaisipan pa 'yung wakas, kaya hindi ko maintindihan kung ano dapat kong maramdaman. Tapos may mga pagkakataon pa na naiiyak na ko dahil nadadala ako nang kuwento. Oo puta, kung pasista ako, nawala na pagkalalaki ko! Pero masaya ko, kasi sobrang astig nitong libro. At bibili pa ko ng ibang libro niya, kahit na mamulubi ako, kasi masaya ako dahil nakabasa na ako ng isang nobela niya, at hindi ito ang huli.

III. Masaya ako dahil sa paglipat ng kurso.

Oo, sa wakas ultra mega syet.

Teka, teka, gusto ko pa magmura ng mas malakas.

Putang-ina!!! Yahoo! Nakalipat na ko ng kurso!

Nasa Malikhaing Pagsulat na rin ako sa wakas, matapos ang isang taong paghihintay. Akala ko wala nang pag-asa, hanggang noong nakaraang linggo, tinawagan ako para mag-eksam at para sa panayam. Hayun, nagpunta ako.

E di 'yun! Nag-eksam ako. Mahirap na madali. May mga tanong kasi na mahirap sagutin, katulad nang kung ano para sa akin ang pagiging "malikhain." Pero pinilit ko naman lahat sagutin sa buong kakayahan ko. Pagtapos ng eksam, kinapanayam na agad ako. 'Yung isa, prof ko dati, tapos 'yung isa, prof na sikat ding manunulat. E di parang joke time 'yung interbyu! Kasi magkakakilala na kami halos, at pang-miss universe pa 'yung mga tanong. Todo sagot naman ako ala studious at masipag na bata. Nagustuhan naman nila 'yung mga sagot ko.

Tapos ng interbyu, tinanong ko kung babalik pa ko para sa resulta. Ang sabi nila, hindi na, kasi pasok na raw ako. Doon ako sumabog sa tuwa! Parang hindi lang palakpak 'yung nagawa nung tenga ko, parang sumayaw pa siya, kumanta, at nagpapiyesta! Nakakatuwa talaga, dahil sa wakas, nasa gustong kurso na ako.

Kaya paalam mga elitista sa sikolohiya. Sa mga kinaiinisan ko roon, pakyu kayo sa earth. Pero sa mga kaibigan ko, hanggang sa muling pagkikita.

Pasensya sobrang daming mura, ganoon ako 'pag masaya!

Gusto ko lang din i-share 'yung salawikain kong moderno na base sa mga krisis na nagaganap sa bansa ngayon. Kasama ito sa eksam. At masaya ako kaya ko ito iseshare, kahit na negatibo ito. Wala lang, trip lang, bakit ba, masaya ako e. Heto:

"Kung hindi maagap pumila at lumabas,
tiyak sa hapag walang bigas."

"Ang pagtaas ng presyo ng gasolina at mga bilihin,
simula nang pagpapapogi para sa 2010."

at

"Problema sa kuryente dapat palakihin,
para lumulubhan kahirapan hindi mapansin."

E di ayun. Alam mo na kung bakit ako masaya. At dahil sobrang saya ko talaga, at gusto kitang isama sa kasiyahan ko, bibigyan kita ng isang malaking hamburger!


 
tinipa ni Bote. noong 2:53 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, May 08, 2008
Bilang Batang Manunulat
Ilang tanong para sa Penster.ph, isang site ng mga bago at propesyonal na manunulat ng bansa. Susubukan ko itong sagutin bago mag-eksam palipat ng kurso sa Malikhaing Pagsulat.

1. Since our site values pseudonyms, what does your username mean, at least to you?

- akoitosibote? Wala, ako naman talaga si Bote. Bote bilang palayaw sa apelyido namin. Kumbaga, tradisyon na pinagpatuloy ko lang. Siguro may makahihinuha na nito.

2. How long have you been writing?

- Nasa ikalimang baitang ako sa elementarya noong magsimula akong magsulat para sa pahayagan namin. Nasa ikaanim ako noong nakaranas akong lumaban para sa National Schools Press Conference. Mga ikatlong taon ko sa hayskul bago ko natutunan na may puso pala ako para sa mga malikhaing akda.

3. Why do you write?

- Siyempre noong una, cathartic o para sa pansariling kasiyahan at fulfilment. Pero ngayon, madalas, nababasa ko ang mga isinusulat ko bilang pansira sa mga pinaniniwalaang totoo ng nakararami.

4. In what way does your avatar relate to you?

- Larawan ko nung bata ako yung avatar ko. Iconic yung kuha e, gustung-gusto ko yung puwesto ko na may hawak pa ko na mahabang riple, tapos parang batang matanda yung dating. Mahilig ako sa mga batang parang matatanda na kumilos.

5. What is the frequency of your writing?

- Walang eksaktong panahon kung kailan ako nakapagsusulat e. Basta may idea, humaharap na ko sa kompyuter.

6. In the very virtues of writing, are you emotional or cerebral? If both, to what extent is your convergence?
- Pareho nga siguro. Lamang siguro yung pagiging cerebral sa paraang nalilimitahan ko yung pag-iral ng emosyon ko sa mga naisusulat ko.

7. Name books that influenced you the most.
- Ang Paboritong Libro ni Hudas ni Bob Ong para sa pagpapaunlad ng wika at pagdadala sa kabataan ng panitikan. The Pretenders ni F. Sionil Jose para sa mala-pelikulang daloy ng kuwento. Yung iba hindi na libro na nakaimpluwensiya sa akin e. Tulad ng kolum tuwing Lunes ni Ser Butch Dalisay sa The Philippine Star, ilang malilikhaing gawa sa Palanca, at iba pa.

8. Name the authors in your own Hall Of Fame.

- F. Sionil Jose, Jose Dalisay, Eric Gamalinda, Rogelio Sicat, Haruki Murakami(kahit hindi pa ko nakakabasa ng buong akda niya at nasa wishlist ko pa lang siya.)

9. To what extent do you believe in the power of words?
- Walang kasing lalim ang sugat na maaaring magawa ng mga salita.

10. Is there a certain scheme to your style of writing?
- Madalas sarkastiko ako sa mga naisusulat ko. May dating sa 'kin yung pagsulat na parang nagrereverse psychology.

11. What are your mannerisms while your writing?

- Hindi na ako nakapagsusulat sa papel, pero minsan, maiikling tula na lang. Mas sanay na ako sa harap ng kompyuter. Kailangan may ibang browser na nakabukas, para pag huminto panandalian yung ideya ko, may titingnan akong iba. Kailangan parang nagkukuyakoy yung dalawang tuhod ko.

12. Which sort of writing do you prefer: typing or handwriting? Why?

- Nasabi ko na, typing. Hindi ko alam, nakalakihan ko na siguro. Pero minsan nga, nakapagniniig pa rin yung bolpen at papel ko.

13. Does it bother you when someone asks you about yourself?

- Medyo, madalas pala. Malihim akong tao e, madalas, pabiro yung sagot ko.

14. Isn't it a fact that we only yield our thoughts totally to the people to whom we truly yield our bodies?

- Siguro pero hindi ako naniniwala. Nakakakuha tayo ng ideya doon, pero hindi naman ito absolute. May iba pa namang napagkukuhanan ng mga ideya.

15. If you believe in such, what do you think is the chief obstacle to the transparency of writer to reader and vice versa?

- Para sa akin, ang responsibilidad lang ng manunulat ay ang magsulat at magsulat ng totoo sa sarili. Wala na itong responsibilidad sa mambabasa niya. Nasa bumabasa na lang kung paano niya magugustuhan o di magugustuhan ang isang akda.

16. As a human who writes, what is the Truth for you?
- Ang katotohanan ay
hiwalay sa lahat ng itinatakda ng lipunan.

17. Can't a truth be expressed independently of the person who expresses it?

- May kakayahan ang tao na gawin lahat, maging ang magtakip.

18. Are you sure that you know everything there is to know about yourself? Have you ever been tempted by psychoanalysis?

- Hanggang sa ngayon, binabasa ko pa rin ang sarili ko. Hindi ko alam kung may pagkakataong matatapos ang pagbasa ng isang tao sa kaniyang sarili. Hindi rin ako Freudian e, pero may paghanga ako sa psychoanalytic theories niya.

19. In writing, what would be your greatest project if given enough time and resource?

- Nobela o kahit koleksiyon ng mga tula. Nobela o aklat ng mga tula na mababasa at matatanggap ng lahat at hindi ng mga nakapag-aral lang.

20. What is your view about inspiration?

- Walang nabuong mahusay at katanggap-tanggap nang walang inspirasyon.

21. What is happiness for you? Are you happy with your life?

- Ang pagiging masaya ay pagiging kuntento. Kuntento naman ako sa ngayon.

22. Is there anything you want to change in the way you’re writing right now?

- Gusto ko pa mapagyaman pa yung bokabularyo ko. Siyempre, kaunting basa pa.

23. Besides visual art, how do you apply perspective in your writings?

- Kulturang popular!

24. How do you live these days?

- Paulit-ulit. Paminsan nagsasawa, pero nakatitiis pa naman.

25. If music occupies a large place in your life, what for you are the best music to recommend?
- Kadikit ng panulat? Foreign? Amy Winehouse at A Perfect Circle. Local? Up Dharma Down at Radioactive Sago Project. Masarap magsulat habang nakikinig ng jazzy mysterious aura.

26. What is art? Is there a highest form of art?
- Ang sining ay para sa lahat, ang sining ay para sa nakararami. Malikhaing paraan ng pagsasabi ng katotohanan.

27. Admiration: is that a feeling you are familiar with? How do you spark as an admirer?

- Hindi naman umaabot sa pagkastalker.

28. How do you come up with ideas? Do you apply automatic writing?

- Biglaan. Paminsan kahit isang linya lang o isang salita, naiisip ko na 'to bilang materyal panulat.

29. How do you label you own style of writing?

- Sarkastiko, patawa, reverse psychology na paeffect.

30. Do you believe that writing saves lives or friends in that sense? How/Why?

- Siguro. May mga pagsulat na therapeutic, tulad ng ilang spoken word at poetry reading therapy ni Ser Vim Nadera.

31. What can you suggest to budding writers?

- Sa ngayon naman, budding writer pa rin ako. Sulat pa at basa lang nang basa.

32. Have you been published/ won in a national or any literary contest? When and where? What’s the feeling of being recognized in a such a way?
- Hindi pa kaya hindi ko alam ang pakiramdam. Hindi ko kasi alam kung maituturing na literary contest yung mga Schools Press Conference sa Journalism noong elementarya ko. Kung oo, masaya yun. Self Contentment.

33. Does writing need commitment?

- Oo naman, katulad ng lahat bahay na pinag-iigihan.

34.Who are best writers in the country for you at this day?
- Eugene Evasco, Vlad Gonzales (bias sa mga propesor? ha-ha.) Mykel Andrada. Allan Popa. F. Sionil Jose.

35. What is the role of Penster to you? Does it have the standards of a good literary site? What are your suggestions.
- Gusto ko yung workshop sa net style nito. Ayos, para sa katulad naming baguhang manunulat.

36. Having your first book, what would it be like? Title/Cover/Agenda/Price?
- Hindi ko pa 'to naiisip, pero babalitaan kita pag meron na.

37. What is your mission in writing?
- Makapagpamulat.
 
tinipa ni Bote. noong 7:19 PM | Permalink | 1 comments
Thursday, April 17, 2008
Alam ko na ngayon
kung bakit may salitang tadhana -
sadya kasing may mga pangyayari,
kung saan ang pagkatugma-tugma
ng bawat elemento ng pagkakataon,
ay hindi na
kapani-paniwala.

Katulad nating dalawa.
Na sa tuwi-tuwina'y iniisip ko
na itinakdang magsama,
kung hindi man
magkatuluyang talaga.

Kumbaga
,
matagal
na itong inihahabi
pero hindi nating dalawa
kundi ng mga nangyaring
maaaring humulma.

Hindi natin ito naramdaman.

Parang maaliwalas na hangin
sa maalinsangang hardin.

Parang mahinahong ambon
sa mainit na maghapon.

Hindi ito nagkataon.
 
tinipa ni Bote. noong 3:44 PM | Permalink | 0 comments
Wednesday, April 09, 2008
Iboykot ang Olympics!
 
tinipa ni Bote. noong 2:15 PM | Permalink | 0 comments
Saturday, March 01, 2008
Usapang Espasyo, Usapang Silid
I. Silid Ko, Kaharian Ko
Ito ang espasyo na matatawag kong akin at tanging akin lamang. Ako ang hari sa apat na sulok nito. Walang nakapapasok sa aking kaharian nang hindi humihingi sa akin ng pahintulot.

Sa gitna nang magugulong gamit – nagkalat na mga aklat, patung-patong na mga papel, at halu-halong mga damit; nangingibabaw ang payak kong kama na hindi ko na matandaan kung kailan ko huling inayos. Sa harap nito ay isang maliit na telebisyon na malimit masira dahil nag-ooverheat sa sobrang dalas na nakabukas (may mga pagkakataon kasing naiiwan ko itong bukas habang natutulog ako). Kapag sawa na ko sa mga palabas sa telebisyon, may laptop akong puwedeng kalikutin. Sa tabi ng kama ko sa gawing kanan, may maliit na lamesa at upuan na nagsisilbing study corner ngunit hindi ko naman nagagamit sapagkat sa kama na rin ako nag-aaral at iyon ay kung sinisipag ako. Pero madalas, hindi.

Anumang gapos at sakal ang nararamdaman ko sa dami ng mga alituntinin, batas, at kung anu-ano pang dapat sundin sa pang-araw-araw na buhay; para sa akin, lumalaya ako kapag pumapasok sa sariling silid. Dito, nagagawa ko ang kahit na anong naising gawin. Kumanta, sumayaw, magpatalon-talon, sumirko-sirko at iba pa – lahat iyon ay maaari kong gawin dahil wala namang hahadlang sa akin, hindi rin ako mahihiya sapagkat sinisiguro kong walang makakikita o makaririnig, iniaalis nito sa utak ko ang pag-iisip na nagmumukha na akong sira-ulo o baliw.

Nag-uumapaw din ang aking lakas ng loob sa tuwing nasa loob ng silid. Dahil nga hari ako nito, pakiramdam ko sa tuwing nasa sariling espasyo ay wala nang haharang pa sa akin. Naisasakatuparan at naipapahayag ko ang anumang nasa isip. Tulad nang sa pagsusulat, mas bukas at mas malikhain akong nakapagpapahayag at nakasusulat kapag sa silid ko ginawa ang isang sulatin. Isang parikala kung titingnan sapagkat nakakahon ako sa sariling silid na siyang sumisira naman sa mas malaking kahon ng pangamba at pag-aalala na may pupuna sa akin o sa kahon ng mga utos na marapat sundin.

At dahil nga kahon, maraming mga bagay na sa sariling silid ko lamang nagagawa. Kung iisipin kasi, nakukulong nito ang pagiging malikhain at malaya ko. Naiipit at naiipon lamang ito sa apat na sulok ng silid. Nalilimitahan tuloy nito ang mga gawaing komportable kong gawin sa labas ng silid. Kung sakal ang aking nararamdaman sa labas nito, pagkapiit naman ang sa loob.

Pero kakuntentuhan pa rin ang nararanasan ko sa sariling silid, sa sarili kong kaharian. Hinding hindi ko ito ipasasakop kahit kanino. Dahil kabalintunaan man, ito ang kahon ng aking kalayaan.

II. Tatlong Hari, Isang Silid
“Putang ina, pumapasok lang ako sa kuwarto namin kapag may kukuhanin ako o kapag matutulog na.” Iyan ang pabalang na sagot sa akin ni Abe* habang kinakapanayam ko siya patungkol sa silid nila. Wala kasi siyang itinuturing na pansariling silid. Sa halip, tatlo sila na naghahati-hati sa iisang kuwarto. Isang nakatatanda at isang nakababatang kapatid na parehong lalaki ang kasama niya.

Kani-kaniya silang kama sa loob ng silid pero sabi niya, wala rin itong naitutulong. Kakulangan sa privacy ang reklamo niya sa akin. Natatamo lamang daw niya ito sa tuwing papasok siya ng banyo o kapag wala ang kaniyang dalawang kapatid na kasama sa kuwarto. Sa tuwing wala ang dalawa, langit ang pakiramdam niya sa pag-iisa at pagsosolo sa silid.

Ito ang mga sandaling hindi niya pinalalampas. Kapag wala ang dalawa niyang kapatid, sinusulit niya ang bawat oras na mailalagi niya sa silid. Parang takam na takam na bata. Ngunit madalang iyon – madalang siya magkaroon ng pansariling oras sa silid, madalang lang niya maranasan ang pagmumuni-muni ng mag-isa.

Marami ring bagay ang hindi niya magawa sa loob ng kanilang silid. Dahil may kasama siya rito, hindi niya ito maiayos sa porma na gusto niya. Sabi pa niya, kahit ang simpleng paglilinis at pag-aayos ng mga gamit, hindi niya magawa sapagkat sadyang pabaya ang iba niyang kapatid. Kung aayusin man daw niya ito, pagdating o pagbalik niya sa kuwarto ay siguradong magulo na naman ang mga ito.

Tatlo silang hari ng kanilang silid. “Patas-patas ang lahat...” Sagot niya noong itanong ko kung may nangingibabaw ba sa kanilang tatlo. Dahil nga tatlo ang hari, palagiang may pagtatalo sa mga kapangyarihan ng bawat isa. Pinipilit naman daw nila na pagpantay-pantayin ang mga ito, nagkakasundo rin naman sila; pero lahat, dumadaan muna sa debate at pagalingan sa pangangatwiran. Walang nagdedesisyon nang mag-isa.

Ang pinakamahirap daw para sa kaniya, iyong pagkilala sa sarili. Wala siyang panahon para makilala ito ng sarilinan, wala siyang oras para makapanayam ang sarili, at higit sa lahat, wala siyang lugar para masaliksik ang loob at labas ng kaniyang katawan. Natawa na lang ako sa huli niyang mga kataga: “Kahit prinsipe na lang, o kahit alipin, o kahit wala nang titulo, basta kahit hindi na hari, at may sariling silid ako, para na akong nanalo sa Lotto.”

“Sana nga manalo ka sa Lotto…” sagot ko sa kaniya na nakangiti. “at hindi lang sariling silid ang maipapagawa mo, pati sariling bahay,” dagdag ko.

*Si Abe ay kaklase ko nang apat na taon sa hayskul. Paborito niya ang mga console at PC games at nauubos ang oras niya sa pag-iinternet. Kumukuha siya ng kursong BS Applied Physics sa UPLB. Maikokonsidera raw niya ang kaniyang sarili bilang neat freak at obsessive-compulsive. Mahilig siyang kumanta.
 
tinipa ni Bote. noong 6:00 PM | Permalink | 0 comments
Tuesday, February 05, 2008
Sobrang Pagod na Ko, Gusto Ko nang Sumuko, Napapaisip Tuloy Ako Patungkol sa Kinabukasan Mode
I.
Hindi ako makakilos nang maayos.

Nanakit ang braso, hita, binti, leeg, putang-ina, basta, nananakit ang buong katawan ko. Napamura tuloy ako nang biglaan. Nagsisipag kasi ako sa PE ko ngayon - Philippine Games. Akala ko noong una, sobrang dali lang, 'yung walang pagod, ayaw na ayaw ko kasi ng pawis na pawis sa unibersidad o kaya uuwi ako nang nanggigitata. Anak ng teteng, para rin pala akong nag-PE ng basketball, minsan nga, mas pagod pa ko kaysa sa kalabaw.

Pero masaya rin naman kahit papaano, may bonding 'yung section namin. Minsan lang 'yung ganoon sa unibersidad, kaya nakatutuwa kapag may napapasukan akong ganoong seksyon. Konti lang kasi iyong masasabi kong tunay na kaibigan sa buong lawak ng peyups.

II.
Hindi ako makapag-isip nang maayos.

Hindi dahil sa masakit ang katawan ko. Nagkasabay-sabay kasi 'yung mga dapat kong gawin - papers, exams, papers, exams. Noong simula nang semestre, masaya ako, kasi akala ko wala na akong mga exam na poproblemahin. Sabi ko pa noon, ayos lang kahit maraming papers, kayang-kaya - akala ko lang pala.

Ngayon, nagsisisi na ko. Ayoko na nga e, gusto ko nang sumuko, yumuko, umiyak; gusto ko na lang manalangin sa harap nang napakarami kong deadlines na hinahabol o hahabulin. Pakiramdam ko hindi ko na kaya 'yung pressure, puputok na nga ata 'yung parang sports bag sa ilalim ng mata ko, oo, 'pag nakikita ko iyong sarili ko sa salamin, parang eye bag lang 'yung mapapansin. Pakiramdam ko, konti na lang, awtomatiko nang madidiskaril 'yung bawat laman sa katawan ko. Kusa na 'tong hihinto, tatapos titiklop ako - parang laruang robot.

III.
Hindi ko tuloy maiwasang isipin ang kinabukasan.

Sa mga ganitong panahon kasi, napapareality check ako. Tinitingnan ko 'yung sarili ko papalayo. Kumbaga, tinitingnan ko 'yung sarili ko, 'yung totoong ako, na nakatayo sa malayo, at 'yung ako, bilang manonood nang sarili ko, nakatingin lang, nagmamasid.

Inspiradong-inspirado ako ngayon magsulat. Ngayon kasi, ramdam kong mas bukas iyong mundo ng mga manunulat kaysa noon. Mas nakakapag-usap kami nang mga katulad kong batang manunulat, mas nakikilala ko sila, mas nakakakuha ko nang inspirasyon at estilo.

Pero sa kabilang banda, mas napapaisip ako kung may kinabukasan ako sa larangan. Basta ang alam ko, tapat ako sa sarili ko, at pursigido ako.

Bahala na si Batman.
 
tinipa ni Bote. noong 4:52 PM | Permalink | 0 comments
Panuto
I. Pagbuo:

Kakailanganin ng isang Bote set.
  1. Ipagdugtong-dugtong ang maninipis na braso, binti, at katawan.
  2. Idikit din sa ulo ang mahaba, manipis, at tuyong buhok.
  3. Bihisan ng t-shirt, maong, at tsinelas.

II. Pamumuhay:

  1. Siguraduhing nagbabiyahe mula C____ hanggang UP. Panatalihing pagod at matamlay.
  2. Paggamitin ng computer limang oras kada-araw.
  3. Panoorin ng TV apat na oras kada-araw.
  4. Patulugin tatlong oras kada-araw.
  5. Huwag kaliligtaang palagiang painumin ng softdrinks.

Babala: Awtomatikong sasabog at sasambulat ang bawat piyesa kung hindi susundin sa pinakapinong detalye ang panuto sa taas. Batteries not included.

 
tinipa ni Bote. noong 4:44 PM | Permalink | 0 comments
Tuesday, January 22, 2008
Nakaw
Parang magnanakaw
na mabilis
umalis
,
nawala,
ang binhi na
sabay natin ipinunla
.

Wala itong iniwan
kundi bakas
ng pagtakas
at ang ala-ala
ng ating
nakalipas
.
 
tinipa ni Bote. noong 3:20 PM | Permalink | 0 comments
Tuesday, December 18, 2007
Dahil makata ka,
isinilang ka bilang ‘sang manlalakbay
dagat at bundok ay nasa iyong kamay.
Saan man ang iyong naising puntahan,
‘wag mangamba, kalawaka’y ‘yong tahanan.

‘Sang arkitekto ka ring maituturing,
pagbuo ng tugma’y sa’yo hinihiling.
Lahat ng sukat ay alam mo ang lihim;
pagtayo ng saknong, ‘kaw ang dapat sundin.

Ikaw rin, makata, ay ‘sang kusinero;
dahil tula ang iyong ipiniprito
at niluluto. Dahil mga sahog mo
ang wika’t salitang pagkain ng tao.

Anu’t ano pa man ang ‘yong mga balak,
hindi ka dapat lamunin ng bagabag.
Dahil diyos ka ng sariling mundo at
walang makapipigil sa’yo’t aawat.

‘Di ka dapat matakot kahit kanino
,
dahil walang sinumang haharang sa’yo.
‘Pagkat sa mundo ng tula’y sarili mo
ang pinakamakapangyarihang tao
.
 
tinipa ni Bote. noong 10:12 AM | Permalink | 0 comments
Sunday, December 09, 2007
Makabong Atake sa Katutubong Tanaga at Tradisyonal na Pasyon
Ulam

Pag-aaral ay ulam,
sa una'y matatakam;
'pag sobra'y anong suklam -
parang luwang bubble gum.

Nasaan?

Aba, ina naming Gloria,
ikaw ba ay nandiyan pa?
Bansa'y maraming problema
ngunit ang iyong inuna
ay bakasyon sa Europa.
 
tinipa ni Bote. noong 12:10 PM | Permalink | 0 comments
Friday, November 30, 2007
Gatas
I.
Ang pag-ibig at libog
ay gatas na de-lata,
malabnaw at malapot,
evaporada o condensada.

II.
Gatas din na de-lata
ang paghanap ng kapareha
,
Sa pagpili ng kasama?
Carnation o Alaska.
 
tinipa ni Bote. noong 12:30 PM | Permalink | 0 comments
Friday, November 23, 2007
Si Macho Gwapito, ang Superstar, at ako.

[Unang tula sa Palihan I, MPs 110. Labingdalawang pantig, tugmang isahan]

Kwento ng Tatay ko, kamukha raw niya
si Rico J. Puno ‘nung s’ya’y binata pa.
Sa buhok, sa bigote, pati sa porma,
nabihag si Nanay, sila’y nag-asawa.

Sa pagsasama nila ako’y nabuo,
katangian nila’y sa akin naghalo.
Sa sinapupunan ako ay naglaro,
sumipa-sipa pa, lumangoy sa dugo.

Napaisip sila kung ano ang ngalan
ng batang lumalaki na nga sa tiyan.
Hanggang pumasok kay Nanay, sa isipan
niya, tatak nga ng pagiging Noranian
.

Si Nora Aunor na kaniyang idolo,
doon gustong itulad ang pangalan ko.
Nora nga ang tumapos sa pagtatalo
sa kung ano ang tawag sa batang bago
.

Subalit nagulat na nga lang ang lahat,
pagkat lalaki ang biglang sumambulat.
Balak na pangalan ay hindi na lapat,
kaya sa papel, Noah ang isinulat.

 
tinipa ni Bote. noong 2:49 PM | Permalink | 0 comments
Wednesday, October 24, 2007
Listahan sa Isipan
1. Sembreak; makipagkita, makipagkuwentuhan, makipag-inuman sa mga kaklase noong hayskul.

2. Sembreak; pahinga sa bahay (tulog, tulog, tulog); manood ng mga pinipiliit tapusing palabas(Yakitate! Japan, Beauty and the Geek, at kung anu-ano pang chummy reality shows).

3. Sembreak; walang pasok, walang baon, walang pera, magtipid.

4. Sembreak; walang aral, magDotA ng magDotA, maniryoso sa DotA.

5. Maglaan ng panahon sa pagsulat, sa pagbasa ng ilang piling akda, sa pag-iisip para sa ikalawang semestre, sa mga gurong pipiliin, sa paglipat ng kurso.

6. Piliting sumulat ng maikling kuwento (futuristic sana pero may pa-effect na social concern) o kahit ng tula, basta piliting sumulat ng pormal na akda na maaaring ipasa.

7. Maghanap ng kasama na magworkshop ng inaalagaang kuwento.

8. Maghasa at magpraktis sa Rubik's Cube, magresearch ng iba pang mas maikling moves; solve, solve, solve.

9. Ihabi ng maigi ang mga nasa listahan, piliting tuparin.
 
tinipa ni Bote. noong 1:09 PM | Permalink | 0 comments
Monday, October 22, 2007
Sa Dentista
Dati, isang beses isang buwan nagpupunta ako sa dentista ko para magpaayos ng braces(oo, may bakal ako sa ngipin). Isang beses kada-buwan pinapalitan ang rubber nito, pinuputol ng kaunti iyong alambre, at nililinis ng maigi ang mga ngipin ko. Mabait 'yung dentista ko, para sa 'kin, hindi lang kasi siya dentista, parang counselor na rin. Dati nga, tinulungan niya akong mag-isip ng kurso para sa kolehiyo. 'Yung minsan sa isang buwan na iyon, nararamdaman kong malinis ako.

Mag-iisang taon na siguro ng huli akong magpunta sa dentista ko. Alam kong nakadidiri pero hindi na ako pumupunta. Tinatamad ako. O siguro natatakot na rin. Kapag kasi nagpapa-adjust ako ng braces, matinding sakit ang tinitiis ko. Mahirap ngumuya, nagtitiyaga ako sa Lucky Me! Supreme La Paz Batchoy, at nangingiyak ako sa dami ng singaw na sumusulpot sa gilid ng bibig ko. Nahihiya rin kasi ako sa kaniya. Para kasing 'pag tinitingnan ng dentista 'yung mga ngipin o bibig ng isang tao, tinititigan din niya 'yung kaluluwa nito. Nabibisto lahat, nahuhulaan ang pagkatao, nalalaman ang mga pinaggagagawa nito.

Hindi ko alam kung pupunta pa ako sa dentista ko. Pero siguro naman, oo. Nararamdaman ko na rin naman kasing parang bibigay 'yung mga kabit-kabit na bakal sa bibig ko. At 'di lang iyon, ramdam ko rin kasing rumurupok na ang pagkatao ko. Baka marami siyang maitulong.
 
tinipa ni Bote. noong 3:34 PM | Permalink | 0 comments
Monday, October 08, 2007
Opel
Ang pag-alala sa iyo,
ngayon, ay pagtingin
sa kalangitan ‘pag gabi.
Kahilera ng nangingibabaw
na buwan, isa kang bituwin
minsa’y kumukurap,
kalimita’y nilalamon ng dilim.

Labing pitong na taon na
buhat ng tinawag ka ng lupa
o ng langit, o ng kung sinong
‘di namin kilala. At ang mga
nakatukod na larawan
sa ibabaw ng telebisyon ko
sa kuwarto, oo – tanging iyon na lang
ang iilang iniwan mo sa akin.

Magkahalong lapot ng hiya
at pasalamat ang kalituhang
nararamdaman ‘pagkat
hindi naman talaga tayo
nagkasama, hindi tayo lubos
na nagkakilala.

Pero walang lumalangoy
sa hinagap ko na salitang limot.
‘Pagkat sa mga ganitong
panahon, sa mga araw
na kuba ako sa bagabag
at hirap at problema,
nananangis ako sa’yo.

Sa mga ganitong panahon,
hiling ko’y nandito ka,
upang madama ko sana
ang iyong paghinga
sa aking tabi, sa aking pisngi
nang malamang nandiyan ka;
kailangan ko ng Ina,
hinahanap-hanap kita.
 
tinipa ni Bote. noong 12:58 PM | Permalink | 0 comments
Saturday, September 15, 2007
Buong Pagkukumbabang Paghahambing: Liriko at Tugtugang Abay/Sago kontra Hale/Cueshe
Nadodomina ng tugtugang combo (banda; karaniwa'y pumapasok sa genre na rock o iniisip ng marami na rock; madalas binubuo ng isang gitara, isang baho, isang taga-tambol, at isang taga-awit na kung minsa'y taga-sigaw) ang bawat estasyon ng Filipino (puwede ring Pilipino) sa radyo, telebisyon, at sa iba't iba pang medium ng komunikasyon. Hindi na maitatanggi ang bumugsong mainit na pagtanggap ng mga tagapakinig na Filipino sa OPM (kolokyal sa kadahilanang ang etnikong tugtuging Filipino raw dapat ang tunay na OPM) at sinasabing ang mga banda ang bumubuhay at nagpananatili nito sa kasalukuyan.

Bilang masugid na tagasubaybay ng ganitong uri ng tugtugan, nakapupuna ako ng malaking pagkakaiba pagdating sa atake ng bawat banda sa kanilang musika. Napakalawak ng tugtugan ng bandang Filipino at ninais kong pumili ng ilan (dalawang pares ng tig-dalawa na may hindi nalalayong kaugnayan sa katambal) para ikumpara at ipasok sa kontekstong pampanitikang Filipino.

Ang mga bandang napili ko ay ang Radioactive Sago Project, maipapasok sa tugtugang jazz; ang bandang Dong Abay, alternatibo; at ang kabilang pares ay ang bandang Hale at Cueshe, sinasabi at tinatawag na banda sa Pogi Rock; estetikong taguri na isinama ang esensya ng rock bilang musika.

Una kong nais suriin ay ang pagkakaiba sa kanilang mga tunog o tugtog. Ang Sago na hindi naman nagpapakahon sa jazz ngunit ipinapasok din dito ng marami, ay isa sa mga banda sa kasalukuyan na marami ang kasapi o bumubuo. May horn o wind instruments ang banda, at ang harmonya at tunog ng bawat instrumento ay mapapansing iniaayon at ibinabagay sa liriko o mensaheng kanilang ipinaaabot. Ang bandang Dong Abay nama'y sumusunod sa tugtog ng mga banda noong dekada 90, alternatibo at nakatuon sa gitara at baho ang musika.

Sa kabilang banda, ang Hale at Cueshe (pinagsasama ko dahil sa hindi maitatangging pagkakapareho ng dalawa), na malaki ang fan-base na karaniwa'y mga bata o tineydyer na Filipino, ay kadalasang malungkot at malamya ang musika at tunog. Nakakahon ang dalawang bandang ito sa umiiral na uso, kung saan patok na patok ang mga awitin tungkol sa pagdadalamhati, pagrereklamo, problema, at iba pa.

Ang isang malaking pagkakaiba ng apat ay pumapasok sa usapin ng liriko at panulaan. Isa itong mahalagang elemento sa bawat awit - ang mensaheng nakapaloob, ipinaaabot, at ipinababatid. Maaari siguro sabihing nakalalamang na agad dito ang unang dalawang banda (Sago at Dong Abay) sa kadahilanang kilalang makata ang mga bokalista o frontman nito. Si Lourd de Veyra, bilang isang Palanca award winning na makata sa Ingles; at si Dong Abay, na nagtapos ng kursong pampanitikan. Lamang din ang naunang dalawa pagdating sa mensahe. Umaabot kasi sa diskursong panlipunan ang mga liriko ng dalawa, isang halimbawa ay ang Bombardment ni Dong Abay, at ang Gusto Ko ng Baboy ng Sago. Heto ang sipi sa ilang liriko:

May baboy na matalino, may baboy na bobo, may
Baboy na macho.
May baboy na seksi, may baboy na bakla, may
Baboy na mahirap, may baboy na mayaman.
Mas baboy ka pag mayaman ka. may baboy na
Businessman, maybaboy na musikero, may baboy
Na makata, may baboy na basketball player, may
Baboy na baranggay tanod, may baboy na
Konsehal, may baboy na mayor, may baboy na
Congressman, may baboy na pulis, may baboy na
Teacher na nagtuturo ng kung anu-anong klaseng
Kababuyan.

Kung titingnan naman sa kabilang banda, ang mga liriko at titik ng mga awitin ng Hale at Cueshe ay, para sa akin, hindi ko maipaliwanag kung paano mahihinuha. Kung susuriin kasi, maaaring ang atake nila sa pagbuo ng awitin (o ang kanilang mindset) ay ang bumenta (ng album) at kumita; kung kaya't naisasakripisyo dito ang mga lirikong makabuluhan (konkreto, may ideya, at bukod sa lahat - maliwanag) at may nasasabi sa kalagayang panlipunan. Heto ang putol na liriko ng isang kanta ng Hale:

You're still as beautiful as I saw you
You're lovely like the way I want you to
Release these thoughts about you like I do
Corrupt your mind, I will explore your mind


Agad makikita at mapapansin ang kaibahan.

Maaaring sabihin na isang kahungkagan ang pagkukumpara ko sapagkat magkaiba naman ang dalawang pares. Wala naman akong galit o masamang intensyon laban sa mga tagapagtaguyod ng tinatawag na Pogi rock na kinabibilangan ng Hale at Cueshe, ang nais ko lang naman ay magliwanag ng ilang bagay. Mayroon kasing mga nagsasabi at nagtatalo kung sino ang mas magaling at mas dapat pakinggan, mali ito. Hindi sila dapat pinagtatambal.

Bilang mababaw na konklusyon, masasabi sigurong nasa pagtingin (atake sa tagapakinig) ng mga musikero ang pagkakaiba. Sa ganang ito mababanggit na ang isang pares ay nakaayon sa pagbibigay ng diskurso sa mga usaping napapanahon, at ang isa ay nakasentro sa kita at benta.

Ang pagtatambal at pagkukumpara ay nasa makikinig pa rin.
 
tinipa ni Bote. noong 12:31 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, September 13, 2007
Masamang Pakiramdam
Masama ang pakiramdam ko.

Hindi matigil ang paglabas ng sipon sa ilong ko. Namumula na nga at napakahapdi na sa makailang ulit kong pagsinga. Hindi naman kasi ako mahilig uminom ng gamot, marami naman kasing nagpapatunay na may kakayahan ang ating katawan na pagalingin ang sarili nito ng kusa. Basang-basa na 'yung panyo ko, pero hindi ko sigurado kung dahil sa sipon, pakiramdam ko kasi, nasa isip ko na lang na may sipon akong isisinga, para kasing hangin na lang iyong isinisinga ko.

Pero basa talaga 'yung panyo ko.

At masama talaga ang pakiramdam ko.

Hindi na ito dahil sa inirereklamo kong sipon. Hindi rin dahil sa basang-basa na ang panyo ko. Kung tutuusin nga, ayoko na itong sabihin, kasi ayaw ko nang magreklamo. Ayoko kasing mapuno na lang ng reklamo itong blog ko, masyadong marami na akong ganoong post, at higit sa lahat, ayokong matawag na reklamador.

Ngayon, oo ngayon mismo, sa mga oras na itinitipa ko itong sulatin na ito sa isang shop sa UP Shopping Center, oo kasabay nito, ay ang pagtakas ko sa isang sabjek. Hindi ako pumasok sa first class ko (ayoko nang banggitin kung ano) dahil may sama ako ng loob, doon, sa klase, sa sarili ko bilang mag-aaral ng klaseng iyon, sa propesora ko bilang taga-gabay sa mga mag-aaral niya sa naturang klase. Alam kong malabo, pero, masama kasi talaga ang pakiramdam ko.

Sa mga ganitong panahon, palagi kong naiisip (palagi, hindi ito ang unang pagkakataon na nararamdaman ko ang aking nararamdaman sa ngayon) na baka wala nang puwang ang lipunan kong ginagalawan para sa akin. Naiisip ko kasing baka puwede naman na wala ako, na hindi ako kawalan. Alam ko, malabo, hindi konkreto, malihim ako, bastardo ako, palalo ako, heretic ako, mamamatay din ako; pero, masama kasi talaga ang pakiramdam ko.

Lumuluwag ang paniniksik ng dibdib ko (wow, romanticist!) sa tuwing nakapagtitipa ako. Dito ko na lang kasi naichachannel (wow, elitist!) ang mga bagay na bumabagabag sa 'kin. Para akong nagpapacounsel, para akong kumakausap ng kaibigan, kahit na, pantasya lang ito, at gawa-gawa lang ng makata, kuwentista, blogger, ang iniisip nitong audience o mambabasa.

Hindi ko alam, kung tulad ng sakit na estetiko o pisikal ng katawan, hindi ko alam kung may kakayahan ang katawan kong pagalingin sarili nito kontra sa sama ng kalooban ko, literal. At kung uumpisahan ko namang uminom ng gamot, kung susubukan kong sanayin ang sarili kong uminom ng gamot, huli na ako - wala ng gamot sa sakit na nararamdaman ko.
 
tinipa ni Bote. noong 9:12 AM | Permalink | 0 comments
Wednesday, September 05, 2007
Balitang Makata: Balitalinhaga
Ulo ng balita
ay pinasabog na bata,
mahihirap na kawawa,
at konggresistang nakahilata.

Katawan ng balita ay
artistang naghiwalay,
mga ani na nangamamatay,
at Pangulong mataray.

Putol ang katawan
ng balita. Sa commercial idinaan:
Game shows, pampalaki ng pakwan,
at mga elitistang nag-iinuman.

Binti ng balita ay kuwento
ng buong mundo.
Giyera sa Iraq, sa 'Pinas, sa Sulu o Senado,
giyera sa puso at isip ng mga tao.

Kaluluwa ng balita
ay hindi na nga sariwa.
Malansa at malata,
sa sensasyonalismo bilasa.
 
tinipa ni Bote. noong 9:50 AM | Permalink | 0 comments
Saturday, August 25, 2007
Bagong Tugtog
Ang bagong naririnig na background music ngayon nitong aking blog (kung naririnig n'yo man) ay ang kantang Gloomy Sunday na base sa ilang urban legends ay tinatawag ding "The Hungarian Suicide Song" (1933). Makailang beses nang na-ban ang awit sa iba't-ibang estasyon sa radyo sapagkat masyado raw itong masalimuot at malungkot ang ipinahahatid na mensahe. Sinasabi ng ilang mga haka-haka na ito ay naging inspirasyon upang magpakamatay ang ilang mga katao, lalo na sa Europa. Sa kabila ng mga kuwento, makailang beses na ring naisalin ang kanta. Itong aking pinili ay bersyon ni Billie Holiday(1941), isang jazz performance artist sa Amerika. Ito ang lyrics ng awitin:

Sunday is gloomy,

My hours are slumberless
Dearest the shadows
I live with are numberless
Little white flowers
Will never awaken you
Not where the black coaches
Sorrow has taken you
Angels have no thoughts
Of ever returning you
Wouldn’t they be angry
If I thought of joining you?

Gloomy sunday

Gloomy is sunday,
With shadows I spend it all
My heart and I
Have decided to end it all
Soon there’ll be candles
And prayers that are said I know
But let them not weep
Let them know that I’m glad to go
Death is no dream
For in death I’m caressin’ you
With the last breath of my soul
I’ll be blessin’ you

Gloomy sunday

Dreaming, I was only dreaming
I wake and I find you asleep
In the deep of my heart here
Darling I hope
That my dream never haunted you
My heart is tellin’ you
How much I wanted you

Gloomy sunday
 
tinipa ni Bote. noong 5:25 PM | Permalink | 0 comments
Friday, August 24, 2007
Wow!
Bagong template, lumang laman. Gusto ko lang nang bagong bihis, kahit na sobrang chummy ng desayn, mas maaliwalas naman kaysa noon. Hindi ko alam kung representasyon ito sa kung ano ang nabago sa akin, basta, heto muna ang pagtitiyagaan.

Mamimiss ko 'yung dating template.
 
tinipa ni Bote. noong 5:20 PM | Permalink | 0 comments
Pahapyaw sa Sarili

Ako
ay mahilig
magsalita mag-isa,

sa biyahe, sa MRT,
ay pinipilit
maging masaya.

Subalit nalulumbay,
'pag naaalalang wala na,
ang billboard ni Roxanne Guinoo sa EDSA.
 
tinipa ni Bote. noong 1:02 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, August 09, 2007
Tula(n)
Tunghayan mo ang lupa,
uhaw na uhaw sa bawat
patak ng ulang luha sa mata
ng mga nanunuyong sikmura.

Tunghayan mo ang langit,
na namumugto sa agos ng tubig -
ulan, luha, na nagpapatahan
sa iyak ng mga nangangailangan.

Tunghayan mo ang iyong sarili,
na nawiwili sa pagmamasid
ng naglalarong lupa at langit
at mistulang batang naiinggit.
 
tinipa ni Bote. noong 9:11 AM | Permalink | 0 comments
Tuesday, August 07, 2007
Lasing
Minsan na lang tayo magkausap, hindi na nga tayo halos nagkikita. Matagal na rin pala ang nakalipas. Naalala ko noon, iniwanan natin ang lahat sa salitang mahirap.

Hindi ko alam kung lasing ka na no'n, kung epekto na iyon ng ininom nating Black Label na tinakas mo mula sa tukador ng tatay mo dahil sabi mo rebelde ka. Hindi ako naniwala, hindi kita pinaniwalaan, hindi ko naman kasi alam ang ibig sabihin ng salitang rebelde.

Hindi ko alam kung lasing ka na no'n, kung lasing ka na sa mga mababangong salitang pilit kong ipinakakain ko sa'yo. Sabi mo busog ka na, pero hindi ako tumigil, pinilit ko ang sarili ko sa natatanaw kong maliit na patlang sa puso mo. Akala ko liwanag 'yung nakikita kong tumatagos mula doon, mali pala ako, sumuka ka tuloy.

Hindi ko talaga alam kung lasing ka na, kaya naglakas loob na akong magtanong. "Naparami ka na ata, nahihilo ka na ba?" sabi ko ng marahan. Tiningnan mo lang ako - mata sa mata, isip sa isip, puso sa puso, kaluluwa sa kaluluwa. Nagsasalita iyong mga mata mo, hindi ko maintindihan, pero mukhang sinasang-ayunan ito ng puso at isip mo, tumatango kasi sila sa bawat kislap ng paningin mo. Pero biglang nagkalas ang titigan natin, hindi ako nakakilos, iginalaw mo bahagya pababa ang mukha mo, biglaan kang nagsalita, sa mahina mong boses. "Hindi ako nahihilo, hindi nahihilo ang isang rebelde." Tapos, sumuka ka.
 
tinipa ni Bote. noong 1:58 PM | Permalink | 0 comments
Saturday, August 04, 2007
Wowowee!
Sa Luzon , sa Visayas, at sa Mindanao;
saan man sulok ng mundo,
hahatakin ko kayo,
mang-uuto sila, sa bawat isa,
at maghahatid ng huwad na ligaya.

Kadugo, kababayan, at kapamilya
sa bawat sulok ng mundo
na may Pilipino, ito'y para sa inyo
kanluraning kapitalismo

ang nakatago naming papremyo.

Wowowee sinong 'di mawiwili,
dahil sa game na 'to 'di maiisip magsisi.
Wowowee naloloko ang marami,
sa pera umiikot ang Wowowee!

Sa loob at labas ng ating bansa,
saan ka man nagmumula
pang-uuto lumalala,
kasama ko kayo na magpapaloko,
ganyan kung mangapital
ang kapamilya mo. (Wowowee!)


Wowowee sinong 'di mawiwili,
dahil sa game na 'to, pinepeke ang swerte,
Wowowee nauuto ang marami,
ika'y laging talo sa Wowowee,
'pagkat naloko ka ng Wowowee.

Wowowee! Wowowee! Wowowee!
 
tinipa ni Bote. noong 1:04 PM | Permalink | 0 comments
Friday, July 27, 2007
Mula Quezon Avenue hanggang Taft Avenue at ang Kanluranisasyong Filipino
Nagsimula lahat sa MRT.

'Dun sa istasyon sa Cubao,
biglang sumakay iyong dalawang mamaw,
at nag-ingay, nagbulalas ng kung anu-ano;
nagtinginan tuloy 'yung nagsisiksikang mga tao.

Kung anu-ano ba naman 'yung pinagsasabi,
kesyo marketing daw ang the way to be.
Aba, akalain mong pa-ingles ingles pa 'yung dalawa
nagpupumiling, nagpapaka-elitista.

Tapos 'yung isa, pinoy na pinoy 'yung hitsura,
E akalain mong slang at may thwang pa ang bola.
Hindi ko lang masabi, hindi bagay, 'astang matalino,
halatang-halata naman kung ano ang totoo.

Gusto ko sanang isagaw:
'tangina naman p're, ang kalabaw
hindi dog food ang kinakain,
damo! Paki subukang manalamin!


'Pinas kasi ngayon, pinamumunuan
ng burgis-elitista, laging mayayaman;
Umuungol sa buong bayan ang kapatilismo nila,
dukha'y saling-pusa lang, binubusalan ng awa.

Kaya 'yung dating pango, iyong dating sunog,
Hayun, na kay Vicky Belo, nagpapahubog;
Walang ginawa 'kundi magpabango, nagmamaskara,
luhod kay Joe; ang kaluluwa, kultura'y ibinenta.

Ayoko mang magmukmok, ayoko ding makialam,
ang kaso e hindi mo maiiwasang masuklam --
'pag nakakita ka ng naturalisadong Pinoy, kayumanggi, sarat,
sa Pilipinas, na halik sa Kanluran ang sinasatsat.

Para sa lahat.
 
tinipa ni Bote. noong 2:42 PM | Permalink | 1 comments
Tuesday, July 10, 2007
(Hindi) Totoong Pag-ibig
[Unang tikim sa maikling futuristic fiction sa filipino]

Linuwagan n'ya ang kaniyang pagkakayakap sa 'kin para makapagsalita.

Wala kaming kasama kundi puro kotse. Oo, walang tao sa paligid. Kami lang, kami ang may-ari sa oras, kami ang may hawak sa mundo. Sinabi n'ya na masaya siya dahil nagkita na rin kami sa wakas. Kami na matagal ng nagkakilanlan, nagkausap, at nagkamabutihan ngunit hindi pa nagkikita. Oo, kaming dalawa'y may matagal nang nadarama para sa isa't isa.

Ibinalik ko naman sa kaniya ang nararamdaman kong galak na hindi maipaliwanag. Sino ba naman kasing matinong tao ang mag-iisip na makadadaumpalad at makakaibigan n'ya ang isang tulad ni Kat. Si Kat Alano na dating pinanonood ko lang sa telebisyon. Si Kat na artista, video jockey, at tv host.

Itinuturing akong hibang at mataas-ang-ambisyon ng mga kaibigan ko sa t'wing binabanggit ko ang tungkol kay Kat. Hindi sila naniniwalang nakuha ko ang cellphone number niya sa hindi inaasahang pagkakataon at kagulat-gulat din naman ang pagreply n'ya sa panimulang teks ko. Mas lalong kahunghangan para sa aking mga kaibigan ang mga sumunod na nangyari. Ikinuwento ko nang lahat - ang exchange of emails, phone calls, at pictures na ipinapadala namin sa isa't isa.

Marahil maituturing na kahibangan nga ang mga nabanggit ko, kung titingnan sa pananaw nila. Pero 'eto ako ngayon, yakap-yakap at kadaumpalad ang matagal ko nang ninanais makita - ang matagal ko nang gustong mahawakan.

Kita ko ang tuwa sa mga mata ni Kat. Kumikislap ito nang 'di tulad ng kislap 'nun sa telebisyon - may kaalinsabay itong pintig ng puso. Hindi ko nga mapigil ang aking sarili. At sa pag-igting ng bumubugso kong damdamin ay paglapit din ng mga labi ko sa kaniya, ang katuparan ng aking pangarap...

*Lights Open*
*Curtain Closes*

Ubos na ang limampung piso ko para sa sampung minutong palabas. Unang subok sa Cinemaginary, isang sineng nagpapalabas ng anumang pantasya't ambisyon ng nanonood na hindi nito maabot sa reyalidad. Tapos na ang sampung minutong pagtakas sa katotohanan, at ngayon, balik sa pagkakagapos sa posas na tinatawag na buhay.
 
tinipa ni Bote. noong 1:13 PM | Permalink | 0 comments
Tuesday, July 03, 2007
Pagbabahagi
[Ang sumusunod ay tula mula sa aklat na Sifting Through the Madness for the Word, the Line, the Way ni Charles Bukowski. Una kong nabasa ang tula ng pahiramin ako ng kopya ng isang kaibigan mula sa klase niya kay Propesor Jun Cruz Reyes (Malikhaing Pagsulat 170), at mula noon, ito na ang unang binabasa kong akda tuwing umaga. Naisip ko lang na mas mainam na ibahagi ito dito.]

So you want to be a writer?

if it doesn't come bursting out of you
in spite of everything,
don't do it
.
unless it comes unasked out of your
heart and your mind and your mouth
and your gut,
don't do it.
if you have to sit for hours
staring at your computer screen
or hunched over your
typewriter
searching for words,
don't do it.
if you're doing it for money or
fame,
don't do it
.
if you're doing it because you want
women in your bed,
don't do it.
if you have to sit there and
rewrite it again and again,
don't do it.
if it's hard work just thinking about doing it,
don't do it
.
if you're trying to write like somebody
else,
forget about it.

if you have to wait for it to roar out of
you,
then wait patiently.
if it never does roar out of you,
do something else.

if you first have to read it to your wife
or your girlfriend or your boyfriend
or your parents or to anybody at all,
you're not ready
.

don't be like so many writers,
don't be like so many thousands of
people who call themselves writers
,
don't be dull and boring and
pretentious, don't be consumed with self-
love.
the libraries of the world have
yawned themselves to
sleep
over your kind.
don't add to that.
don't do it.
unless it comes out of
your soul like a rocket,
unless being still would
drive you to madness or
suicide or murder,
don't do it
.
unless the sun inside you is
burning your gut,
don't do it.

when it is truly time,
and if you have been chosen,
it will do it by
itself and it will keep on doing it
until you die or it dies in you
.

there is no other way.

and there never was.
 
tinipa ni Bote. noong 5:06 PM | Permalink | 0 comments
Saturday, June 30, 2007
Pagbubulay-bulay
Marami akong planong hindi ko maisagawa at hindi ko matupad-tupad. Marami akong iniisip na hinihipan na lang ng hangin at nabubura na sa kawalan. Hindi ko alam kung ano ang pumipigil sa 'kin, siguro takot ako sa kung anuman ang maaaring mangyari.

Mula pa nung pumasok ako sa unibersidad, nasa ugat na ng mga utak ko ang plano kong lumipat ng kurso. Hindi ko naman itinatakwil ang sikolohiya, lalong-lalo namang hindi ko kinaiinisan ang kurso. Pero hindi ko lang talaga makita ang sarili ko sa linyang ito balang araw. Gustuhin ko mang lumipat sa kursong malikhaing pagsulat, may mga bagay pa din na maaaring sabihing humahadlang. May mga entidad na gusto akong magabogasya, mayroon din namang hindi nakakakita ng kinabukasan sa huli.

Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang pagtingin nila sa kursong Filipino o sa kursong ang medium ay Filipino - lalo na ngayong lumalabas sa estatiko na wala ng kumukuha ng kursong Filipino, Malikhaing Pagsulat, o Araling Filipino sa UPCAT. Siguro hindi din masisisi ang mga pumipili ng kurso, siguro hindi ko din sila masisisi sa kawalan ng kagustuhan nila sa mga kursong nabanggit. Talaga sigurong umiikot na ang utak ng marami sa atin sa maka-kanluranin at maka-ekonomikong ideolohiya. Wala nga sigurong dapat sisisihin.

Nakalulungkot man, mahirap baguhin ang hatol ng mga tao sa isa nga daw Ikatlong Lipunang papaunlad. Hindi mababalikwas ang kanilang desisyon. Kaliwa't kanan man, kung saan ka man tumingin, sa kalakhang Maynila, kahit sa mga pangprobinsyang kolehiyo, hindi maitatanggi ang dami ng kumukuha sa kursong maiaahon daw sila sa kahirapan - sa kursong makatutulong daw sa bayan habang naglilingkod sa ibang bansa.

Bilang mag-aaaral sa unibersidad, at iskolar ng pamahalaan - ng bayan, isang matatawag na responsibilidad siguro ang paglilingkod muna namin sa bansa, bago maglingkod sa iba at isipin ang aming sarili. Marahil dapat itong pumatong sa kahit sinong Pilipinong nagtatapos sa mataas na paaralan. Natatagong utang na loob sa bayan.

Ngayong ikalawang taon ko na sa kursong sikolohiya, hindi pa rin nagbabago ang desisyon kong lumipat sa malikhaing pagsulat. Sabihin man ng iba na hindi ko iniisip ang kinabukasan ko, ng aking magiging pamilya, wala na akong maidadahilan pa - wala na akong maisasagot. Basta ang alam ko, ang nananaig sa akin, mas mahalaga ang kakuntentuhan kaysa sa kayamanan.
 
tinipa ni Bote. noong 2:32 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, June 28, 2007
Kung magmamahal ka,
siguraduhing sa taong
pag-ibig ay ilalaan -
buong puso at walang hanggan.
Dahil 'pag dumating ang panahong
ikaw ay iiwanan,
para kang nag-iisang patlang
sa madilim na lansangang
wala ng dadaan.
 
tinipa ni Bote. noong 4:34 PM | Permalink | 0 comments
Monday, June 25, 2007
Bakit may ganito?
Yey! Nanalo si Kat sa MTV Vj Hunt 2007. Dapat magdiwang.
 
tinipa ni Bote. noong 5:08 PM | Permalink | 0 comments
Tuesday, June 12, 2007
Maikling Rebyu-rebyuhan
Macarthur
97 Pages
Visual Printing Enterprises
** 2/5


Hindi ko alam kung maitatawag na nobela ang bagong aklat na isinulat ng kilalang-kilala na ngayon(iniisip kong isa na s'ya sa mga tinatangala sa Popular Literature) na si Bob Ong; maaari sigurong ikonsidera na novelette ito, o maaaring mahaba-habang maikling kuwento, kung mayroon mang ganoon.

Malayo ang libro sa apat o limang librong naunang inilabas ni Ginoong Ong. Dito, pinilit niya na magkuwento(kung sakali ngang kuwento ito, ang detalye sa loob ng sanaysay) at gumawa ng prosa. Gaya nga ng sinabi ko, hindi mabuo ang kuwento sa isip ko. Malabo ang pagkakabuo ng istorya. Tinangka n'yang paikutin ang istorya sa apat na magkakaibigan, ngunit nabigo naman s'yang pagpantay-pantayin ang lebel nito.

Non-linear ang kuwento at walang sinusundang pattern. Mabilis ang takbo nito at parang iniiwanan na lang ang ginagawa ng may-akdang mga gulo o trahedya. Kung hindi man iniiwanan ay tinatakasan ito sa pamamagitan ng mabilisang paglipat sa ibang buhay. Malabo rin ang pagkakadetalye at paggamit ng mga salita. May mga pagkakataon din na pilit ang pagpapatawa at hindi na akma ang mga salita at paggamit ng pang-uri sa sitwasyon.

Inaamin kong medyo nadismaya(pilit na translayon ng nadisappoint) ako sa bagong librong ito ni Ginoong Ong. Mas maigi sigurong tumutok na lang s'ya sa pagsulat ng mga sanaysay. Sa halagang isandaang piso, at kung ika'y isang panatiko ni Bob Ong; maaari ko sigurong ipayo na bilhin mo itong aklat na ito. Ngunit kung ikaw naman ay isang malaking panatiko ng literaturang pormal sa Filipino ay marami pang ibang libro na maaaring umubos ng oras mo, pumukaw ng atensyon, at magbukas ng isip.
 
tinipa ni Bote. noong 4:17 PM | Permalink | 0 comments
Wednesday, May 23, 2007
Paano ba malalaman
kung kumakalam ang tiyan?
'Yung parang kumukulo ba,
'yung parang humihilam?
Pareho lang pala ang ramdam
'pag umiibig, may suklam;
saya, alimuom ng kahirapan.
 
tinipa ni Bote. noong 2:39 PM | Permalink | 0 comments
Pagbabago
[Paglalaro muli sa maikling-maikling kuwento.]

Oo, sasabihin ko na sa'yo.

Nitong mga nagdaang araw, napansin kong nagbabago na ang pagtingin mo sa 'kin. Gusto sana kitang tapatin, pero hindi ko naman alam kung paano kita kakausapin.

'Yung dati mong pagtingin at pagaruga, hindi ko na ramdam ngayon. 'Yung dati mong pagmamalasakit [pagdala ng pagkain, paghaplos, pagkausap] -- lahat 'yun, hindi ko na nararanasan. Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang lahat, o baka, kailan natapos ang lahat.

Wala na akong magagawa, may iba na sigurong pumupukaw ng atensyon mo. Ganito na lang siguro ang pakay ko sa mundo -- at ang tanging hiling ko na lang, huling nais ko sa lahat, ay huwag akong patayin at kainin ng kung sinu-sino, lalo na, ikaw.
 
tinipa ni Bote. noong 1:41 PM | Permalink | 0 comments
Monday, May 21, 2007
Pagtanda, Pagtanda
Hindi ko maintindihan
ang ibig sabihin
ng edad.

Nakakatuwa 'yung
tatay ko, hindi n'ya
kasi ako inabutan.

Mahaba ako matulog,
maaga s'yang umaalis,
tineks na lang n'ya ko.

Nakakatuwa din
'yung mga dati kong kaklase.
Tineks din nila ako.

Pero, malabo pa din para
sa 'kin, ang kahalagahan
ng pagtanda.

Para sa akin, ito
ay sangkalan ng pagmamarka,
ng kaibahan sa isa't isa.

Hindi ko maintindihan,
ang kahalagahan at
importansya nito.

Parang kahapon lang
naman, diecisiete
lang ako.
 
tinipa ni Bote. noong 11:59 AM | Permalink | 0 comments
Monday, May 14, 2007
Eleksyon
Lone Keys.
 
tinipa ni Bote. noong 1:01 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, May 10, 2007
Tulong? Too long?

 
tinipa ni Bote. noong 1:12 PM | Permalink | 0 comments
Sunday, May 06, 2007
Halala(n)ang Pag-asa
I.
Palapit na ang eleksyon,
palapit na ang halalan.
Marami nang naglulustay ng kayamanan,
nang pangako, sayang hindi ako nakapagrehistro.

II.
Sayang talaga. Hindi ako umabot,
isang linggo pa kasi tapos ng eleksyon
ako tutuntong sa tinatawag nilang
tamang edad. Nakakainis.

III.
Ang dami nanamang pangako. Sa tv,
sa radyo, kahit sa friendster, may mga
pulitiko ng nagbubulalas ng kumukulong
pangako ng kayamanan at kaayusan.

IV.
Ang tanong, bakit mayroon pang mga
naniniwala? Bakit may sumasampalataya?
Hindi ako nawawalan ng pag-asa, pero
wala lang talaga akong tiwala.

V.
Nakakalungkot man isipin, sarilihan na
ang labanan. Siguro meron pa namang
hindi lang sarili nila ang iniisip, siguro
meron pa ring nagmamalasakit. Siguro, 'asan?

VI.
Nasa sinapupunan pa? Naglalaro pa
sa lansangan? Nagpapakadalubhasa sa
kolehiyo? ? Tinapon sa basura? O baka
nasa isip pa lang ng dalawang tao?

VII.
Nakakatawang isipin na ang maaaring sumalba
sa atin, 'yung mag-aangat sa estado (tutupad ng pangarap etc.),
eh baka pinabayaan ng lumangoy mag-isa at mamatay.
Maaaring wala na, maaaring limot na. Magisip-isip ka.
 
tinipa ni Bote. noong 2:33 PM | Permalink | 0 comments