Wednesday, May 14, 2008
Kung Bakit Ako Masaya
Alam mo ba?

Siyempre hindi pa, hindi ko pa naman sinasabi sa 'yo. Pero gustong-gusto ko na talagang sabihin. Sobra. Kasi alam mo, sobrang saya ko ngayon. 'Yung saya na gigising ako sa umaga na parang nakapuwesto na agad 'yung labi ko na nakangiti, kumbaga parang automatic, na parang hindi na bumabalik sa dating puwesto. Heto na, ayoko na patagalin pa, kasi kinikilig na ko sa sobrang saya. Wala lang, gusto ko lang magsulat ng masaya ngayon, kaya ililista ko ang mga dahilan kung bakit ako masaya, ngayong araw, noong mga nakalipas, at sa mga susunod pa na sandali.

Heto, heto. Huwag ka na magalit.

I. Masaya ako dahil sa kaniya.

Oo, tama ka. Chummy mode!

Masaya kasi nakatagpo ko siya, 'yung parang heto na, huli na 'to, at siya na talaga. 'Yung ganoong pakiramdam. 'Yun bang, wala nang hahanapin pa. Basta siya na, at hindi ko maipaliwanag kung bakit. Basta masaya ako dahil sa kaniya. Sobra.

II. Masaya ako dahil sa Norwegian Wood.

Unang libro ko ito ni Haruki Murakami, isang premyadong manunulat na Hapon. Napakahusay nang pagkakasulat at hindi ko maipahiwatig ang saya na binigay nito sa 'kin kahit na nalagasan ako ng limandaang piso, at binili ko ito kahit pulubi ako ngayong bakasyon.

Syet, sinasabi ko sa 'yo, sulit 'yung 500 bucks pare! E simulang pangungusap pa lang, ulam na. Hindi mo na titigilan ang pagbabasa nito, lalo na kung may hilig ka talaga sa panitikan.

Masaya ako sa pagbabasa nito, kahit na nalungkot ako sa mga nangyari sa tauhan. Palaisipan pa 'yung wakas, kaya hindi ko maintindihan kung ano dapat kong maramdaman. Tapos may mga pagkakataon pa na naiiyak na ko dahil nadadala ako nang kuwento. Oo puta, kung pasista ako, nawala na pagkalalaki ko! Pero masaya ko, kasi sobrang astig nitong libro. At bibili pa ko ng ibang libro niya, kahit na mamulubi ako, kasi masaya ako dahil nakabasa na ako ng isang nobela niya, at hindi ito ang huli.

III. Masaya ako dahil sa paglipat ng kurso.

Oo, sa wakas ultra mega syet.

Teka, teka, gusto ko pa magmura ng mas malakas.

Putang-ina!!! Yahoo! Nakalipat na ko ng kurso!

Nasa Malikhaing Pagsulat na rin ako sa wakas, matapos ang isang taong paghihintay. Akala ko wala nang pag-asa, hanggang noong nakaraang linggo, tinawagan ako para mag-eksam at para sa panayam. Hayun, nagpunta ako.

E di 'yun! Nag-eksam ako. Mahirap na madali. May mga tanong kasi na mahirap sagutin, katulad nang kung ano para sa akin ang pagiging "malikhain." Pero pinilit ko naman lahat sagutin sa buong kakayahan ko. Pagtapos ng eksam, kinapanayam na agad ako. 'Yung isa, prof ko dati, tapos 'yung isa, prof na sikat ding manunulat. E di parang joke time 'yung interbyu! Kasi magkakakilala na kami halos, at pang-miss universe pa 'yung mga tanong. Todo sagot naman ako ala studious at masipag na bata. Nagustuhan naman nila 'yung mga sagot ko.

Tapos ng interbyu, tinanong ko kung babalik pa ko para sa resulta. Ang sabi nila, hindi na, kasi pasok na raw ako. Doon ako sumabog sa tuwa! Parang hindi lang palakpak 'yung nagawa nung tenga ko, parang sumayaw pa siya, kumanta, at nagpapiyesta! Nakakatuwa talaga, dahil sa wakas, nasa gustong kurso na ako.

Kaya paalam mga elitista sa sikolohiya. Sa mga kinaiinisan ko roon, pakyu kayo sa earth. Pero sa mga kaibigan ko, hanggang sa muling pagkikita.

Pasensya sobrang daming mura, ganoon ako 'pag masaya!

Gusto ko lang din i-share 'yung salawikain kong moderno na base sa mga krisis na nagaganap sa bansa ngayon. Kasama ito sa eksam. At masaya ako kaya ko ito iseshare, kahit na negatibo ito. Wala lang, trip lang, bakit ba, masaya ako e. Heto:

"Kung hindi maagap pumila at lumabas,
tiyak sa hapag walang bigas."

"Ang pagtaas ng presyo ng gasolina at mga bilihin,
simula nang pagpapapogi para sa 2010."

at

"Problema sa kuryente dapat palakihin,
para lumulubhan kahirapan hindi mapansin."

E di ayun. Alam mo na kung bakit ako masaya. At dahil sobrang saya ko talaga, at gusto kitang isama sa kasiyahan ko, bibigyan kita ng isang malaking hamburger!


 
tinipa ni Bote. noong 2:53 PM | Permalink |


0 Comments: