Saturday, March 01, 2008
Usapang Espasyo, Usapang Silid
I. Silid Ko, Kaharian Ko
Ito ang espasyo na matatawag kong akin at tanging akin lamang. Ako ang hari sa apat na sulok nito. Walang nakapapasok sa aking kaharian nang hindi humihingi sa akin ng pahintulot.

Sa gitna nang magugulong gamit – nagkalat na mga aklat, patung-patong na mga papel, at halu-halong mga damit; nangingibabaw ang payak kong kama na hindi ko na matandaan kung kailan ko huling inayos. Sa harap nito ay isang maliit na telebisyon na malimit masira dahil nag-ooverheat sa sobrang dalas na nakabukas (may mga pagkakataon kasing naiiwan ko itong bukas habang natutulog ako). Kapag sawa na ko sa mga palabas sa telebisyon, may laptop akong puwedeng kalikutin. Sa tabi ng kama ko sa gawing kanan, may maliit na lamesa at upuan na nagsisilbing study corner ngunit hindi ko naman nagagamit sapagkat sa kama na rin ako nag-aaral at iyon ay kung sinisipag ako. Pero madalas, hindi.

Anumang gapos at sakal ang nararamdaman ko sa dami ng mga alituntinin, batas, at kung anu-ano pang dapat sundin sa pang-araw-araw na buhay; para sa akin, lumalaya ako kapag pumapasok sa sariling silid. Dito, nagagawa ko ang kahit na anong naising gawin. Kumanta, sumayaw, magpatalon-talon, sumirko-sirko at iba pa – lahat iyon ay maaari kong gawin dahil wala namang hahadlang sa akin, hindi rin ako mahihiya sapagkat sinisiguro kong walang makakikita o makaririnig, iniaalis nito sa utak ko ang pag-iisip na nagmumukha na akong sira-ulo o baliw.

Nag-uumapaw din ang aking lakas ng loob sa tuwing nasa loob ng silid. Dahil nga hari ako nito, pakiramdam ko sa tuwing nasa sariling espasyo ay wala nang haharang pa sa akin. Naisasakatuparan at naipapahayag ko ang anumang nasa isip. Tulad nang sa pagsusulat, mas bukas at mas malikhain akong nakapagpapahayag at nakasusulat kapag sa silid ko ginawa ang isang sulatin. Isang parikala kung titingnan sapagkat nakakahon ako sa sariling silid na siyang sumisira naman sa mas malaking kahon ng pangamba at pag-aalala na may pupuna sa akin o sa kahon ng mga utos na marapat sundin.

At dahil nga kahon, maraming mga bagay na sa sariling silid ko lamang nagagawa. Kung iisipin kasi, nakukulong nito ang pagiging malikhain at malaya ko. Naiipit at naiipon lamang ito sa apat na sulok ng silid. Nalilimitahan tuloy nito ang mga gawaing komportable kong gawin sa labas ng silid. Kung sakal ang aking nararamdaman sa labas nito, pagkapiit naman ang sa loob.

Pero kakuntentuhan pa rin ang nararanasan ko sa sariling silid, sa sarili kong kaharian. Hinding hindi ko ito ipasasakop kahit kanino. Dahil kabalintunaan man, ito ang kahon ng aking kalayaan.

II. Tatlong Hari, Isang Silid
“Putang ina, pumapasok lang ako sa kuwarto namin kapag may kukuhanin ako o kapag matutulog na.” Iyan ang pabalang na sagot sa akin ni Abe* habang kinakapanayam ko siya patungkol sa silid nila. Wala kasi siyang itinuturing na pansariling silid. Sa halip, tatlo sila na naghahati-hati sa iisang kuwarto. Isang nakatatanda at isang nakababatang kapatid na parehong lalaki ang kasama niya.

Kani-kaniya silang kama sa loob ng silid pero sabi niya, wala rin itong naitutulong. Kakulangan sa privacy ang reklamo niya sa akin. Natatamo lamang daw niya ito sa tuwing papasok siya ng banyo o kapag wala ang kaniyang dalawang kapatid na kasama sa kuwarto. Sa tuwing wala ang dalawa, langit ang pakiramdam niya sa pag-iisa at pagsosolo sa silid.

Ito ang mga sandaling hindi niya pinalalampas. Kapag wala ang dalawa niyang kapatid, sinusulit niya ang bawat oras na mailalagi niya sa silid. Parang takam na takam na bata. Ngunit madalang iyon – madalang siya magkaroon ng pansariling oras sa silid, madalang lang niya maranasan ang pagmumuni-muni ng mag-isa.

Marami ring bagay ang hindi niya magawa sa loob ng kanilang silid. Dahil may kasama siya rito, hindi niya ito maiayos sa porma na gusto niya. Sabi pa niya, kahit ang simpleng paglilinis at pag-aayos ng mga gamit, hindi niya magawa sapagkat sadyang pabaya ang iba niyang kapatid. Kung aayusin man daw niya ito, pagdating o pagbalik niya sa kuwarto ay siguradong magulo na naman ang mga ito.

Tatlo silang hari ng kanilang silid. “Patas-patas ang lahat...” Sagot niya noong itanong ko kung may nangingibabaw ba sa kanilang tatlo. Dahil nga tatlo ang hari, palagiang may pagtatalo sa mga kapangyarihan ng bawat isa. Pinipilit naman daw nila na pagpantay-pantayin ang mga ito, nagkakasundo rin naman sila; pero lahat, dumadaan muna sa debate at pagalingan sa pangangatwiran. Walang nagdedesisyon nang mag-isa.

Ang pinakamahirap daw para sa kaniya, iyong pagkilala sa sarili. Wala siyang panahon para makilala ito ng sarilinan, wala siyang oras para makapanayam ang sarili, at higit sa lahat, wala siyang lugar para masaliksik ang loob at labas ng kaniyang katawan. Natawa na lang ako sa huli niyang mga kataga: “Kahit prinsipe na lang, o kahit alipin, o kahit wala nang titulo, basta kahit hindi na hari, at may sariling silid ako, para na akong nanalo sa Lotto.”

“Sana nga manalo ka sa Lotto…” sagot ko sa kaniya na nakangiti. “at hindi lang sariling silid ang maipapagawa mo, pati sariling bahay,” dagdag ko.

*Si Abe ay kaklase ko nang apat na taon sa hayskul. Paborito niya ang mga console at PC games at nauubos ang oras niya sa pag-iinternet. Kumukuha siya ng kursong BS Applied Physics sa UPLB. Maikokonsidera raw niya ang kaniyang sarili bilang neat freak at obsessive-compulsive. Mahilig siyang kumanta.
 
tinipa ni Bote. noong 6:00 PM | Permalink |


0 Comments: