Monday, October 22, 2007
Sa Dentista
Dati, isang beses isang buwan nagpupunta ako sa dentista ko para magpaayos ng braces(oo, may bakal ako sa ngipin). Isang beses kada-buwan pinapalitan ang rubber nito, pinuputol ng kaunti iyong alambre, at nililinis ng maigi ang mga ngipin ko. Mabait 'yung dentista ko, para sa 'kin, hindi lang kasi siya dentista, parang counselor na rin. Dati nga, tinulungan niya akong mag-isip ng kurso para sa kolehiyo. 'Yung minsan sa isang buwan na iyon, nararamdaman kong malinis ako.

Mag-iisang taon na siguro ng huli akong magpunta sa dentista ko. Alam kong nakadidiri pero hindi na ako pumupunta. Tinatamad ako. O siguro natatakot na rin. Kapag kasi nagpapa-adjust ako ng braces, matinding sakit ang tinitiis ko. Mahirap ngumuya, nagtitiyaga ako sa Lucky Me! Supreme La Paz Batchoy, at nangingiyak ako sa dami ng singaw na sumusulpot sa gilid ng bibig ko. Nahihiya rin kasi ako sa kaniya. Para kasing 'pag tinitingnan ng dentista 'yung mga ngipin o bibig ng isang tao, tinititigan din niya 'yung kaluluwa nito. Nabibisto lahat, nahuhulaan ang pagkatao, nalalaman ang mga pinaggagagawa nito.

Hindi ko alam kung pupunta pa ako sa dentista ko. Pero siguro naman, oo. Nararamdaman ko na rin naman kasing parang bibigay 'yung mga kabit-kabit na bakal sa bibig ko. At 'di lang iyon, ramdam ko rin kasing rumurupok na ang pagkatao ko. Baka marami siyang maitulong.
 
tinipa ni Bote. noong 3:34 PM | Permalink |


0 Comments: