Ang pag-alala sa iyo,
ngayon, ay pagtingin
sa kalangitan ‘pag gabi.
Kahilera ng nangingibabaw
na buwan, isa kang bituwin –
minsa’y kumukurap,
kalimita’y nilalamon ng dilim.
Labing pitong na taon na
buhat ng tinawag ka ng lupa
o ng langit, o ng kung sinong
‘di namin kilala. At ang mga
nakatukod na larawan
sa ibabaw ng telebisyon ko
sa kuwarto, oo – tanging iyon na lang
ang iilang iniwan mo sa akin.
Magkahalong lapot ng hiya
at pasalamat ang kalituhang
nararamdaman ‘pagkat
hindi naman talaga tayo
nagkasama, hindi tayo lubos
na nagkakilala.
Pero walang lumalangoy
sa hinagap ko na salitang limot.
‘Pagkat sa mga ganitong
panahon, sa mga araw
na kuba ako sa bagabag
at hirap at problema,
nananangis ako sa’yo.
Sa mga ganitong panahon,
hiling ko’y nandito ka,
upang madama ko sana
ang iyong paghinga
sa aking tabi, sa aking pisngi
nang malamang nandiyan ka;
kailangan ko ng Ina,
hinahanap-hanap kita.