Wednesday, June 04, 2008
Bago Na
Paumahin sa lahat ng mambabasa (feeling!) pero ipinasasara na itong blog ko. Masyado raw itong malisyoso at mapanghamak, hindi raw ito naging sensitibo. Ipinasasara na ito sa lalong madaling panahon at kung hindi raw ay baka ako pa ang madehado.

Charing.

Maglilipat lang ako. May mga post kasi ako rito na parang musmos 'yung gumawa, nakakahiya, at gusto ko na rin magpalit anyo kasi kung tutuusin, ang mahigit dalawang taon na blog na ito ay uugod-ugod na.

Kaya para sa mga bagong kuwentuhan at kung anu-ano pang walang kakuwenta-kuwentang bagay, dito na lang kayo pumunta:

labasngkahon.i.ph

Salamat salamat!
 
tinipa ni Bote. noong 11:12 AM | Permalink | 1 comments
Wednesday, May 14, 2008
Kung Bakit Ako Masaya
Alam mo ba?

Siyempre hindi pa, hindi ko pa naman sinasabi sa 'yo. Pero gustong-gusto ko na talagang sabihin. Sobra. Kasi alam mo, sobrang saya ko ngayon. 'Yung saya na gigising ako sa umaga na parang nakapuwesto na agad 'yung labi ko na nakangiti, kumbaga parang automatic, na parang hindi na bumabalik sa dating puwesto. Heto na, ayoko na patagalin pa, kasi kinikilig na ko sa sobrang saya. Wala lang, gusto ko lang magsulat ng masaya ngayon, kaya ililista ko ang mga dahilan kung bakit ako masaya, ngayong araw, noong mga nakalipas, at sa mga susunod pa na sandali.

Heto, heto. Huwag ka na magalit.

I. Masaya ako dahil sa kaniya.

Oo, tama ka. Chummy mode!

Masaya kasi nakatagpo ko siya, 'yung parang heto na, huli na 'to, at siya na talaga. 'Yung ganoong pakiramdam. 'Yun bang, wala nang hahanapin pa. Basta siya na, at hindi ko maipaliwanag kung bakit. Basta masaya ako dahil sa kaniya. Sobra.

II. Masaya ako dahil sa Norwegian Wood.

Unang libro ko ito ni Haruki Murakami, isang premyadong manunulat na Hapon. Napakahusay nang pagkakasulat at hindi ko maipahiwatig ang saya na binigay nito sa 'kin kahit na nalagasan ako ng limandaang piso, at binili ko ito kahit pulubi ako ngayong bakasyon.

Syet, sinasabi ko sa 'yo, sulit 'yung 500 bucks pare! E simulang pangungusap pa lang, ulam na. Hindi mo na titigilan ang pagbabasa nito, lalo na kung may hilig ka talaga sa panitikan.

Masaya ako sa pagbabasa nito, kahit na nalungkot ako sa mga nangyari sa tauhan. Palaisipan pa 'yung wakas, kaya hindi ko maintindihan kung ano dapat kong maramdaman. Tapos may mga pagkakataon pa na naiiyak na ko dahil nadadala ako nang kuwento. Oo puta, kung pasista ako, nawala na pagkalalaki ko! Pero masaya ko, kasi sobrang astig nitong libro. At bibili pa ko ng ibang libro niya, kahit na mamulubi ako, kasi masaya ako dahil nakabasa na ako ng isang nobela niya, at hindi ito ang huli.

III. Masaya ako dahil sa paglipat ng kurso.

Oo, sa wakas ultra mega syet.

Teka, teka, gusto ko pa magmura ng mas malakas.

Putang-ina!!! Yahoo! Nakalipat na ko ng kurso!

Nasa Malikhaing Pagsulat na rin ako sa wakas, matapos ang isang taong paghihintay. Akala ko wala nang pag-asa, hanggang noong nakaraang linggo, tinawagan ako para mag-eksam at para sa panayam. Hayun, nagpunta ako.

E di 'yun! Nag-eksam ako. Mahirap na madali. May mga tanong kasi na mahirap sagutin, katulad nang kung ano para sa akin ang pagiging "malikhain." Pero pinilit ko naman lahat sagutin sa buong kakayahan ko. Pagtapos ng eksam, kinapanayam na agad ako. 'Yung isa, prof ko dati, tapos 'yung isa, prof na sikat ding manunulat. E di parang joke time 'yung interbyu! Kasi magkakakilala na kami halos, at pang-miss universe pa 'yung mga tanong. Todo sagot naman ako ala studious at masipag na bata. Nagustuhan naman nila 'yung mga sagot ko.

Tapos ng interbyu, tinanong ko kung babalik pa ko para sa resulta. Ang sabi nila, hindi na, kasi pasok na raw ako. Doon ako sumabog sa tuwa! Parang hindi lang palakpak 'yung nagawa nung tenga ko, parang sumayaw pa siya, kumanta, at nagpapiyesta! Nakakatuwa talaga, dahil sa wakas, nasa gustong kurso na ako.

Kaya paalam mga elitista sa sikolohiya. Sa mga kinaiinisan ko roon, pakyu kayo sa earth. Pero sa mga kaibigan ko, hanggang sa muling pagkikita.

Pasensya sobrang daming mura, ganoon ako 'pag masaya!

Gusto ko lang din i-share 'yung salawikain kong moderno na base sa mga krisis na nagaganap sa bansa ngayon. Kasama ito sa eksam. At masaya ako kaya ko ito iseshare, kahit na negatibo ito. Wala lang, trip lang, bakit ba, masaya ako e. Heto:

"Kung hindi maagap pumila at lumabas,
tiyak sa hapag walang bigas."

"Ang pagtaas ng presyo ng gasolina at mga bilihin,
simula nang pagpapapogi para sa 2010."

at

"Problema sa kuryente dapat palakihin,
para lumulubhan kahirapan hindi mapansin."

E di ayun. Alam mo na kung bakit ako masaya. At dahil sobrang saya ko talaga, at gusto kitang isama sa kasiyahan ko, bibigyan kita ng isang malaking hamburger!


 
tinipa ni Bote. noong 2:53 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, May 08, 2008
Bilang Batang Manunulat
Ilang tanong para sa Penster.ph, isang site ng mga bago at propesyonal na manunulat ng bansa. Susubukan ko itong sagutin bago mag-eksam palipat ng kurso sa Malikhaing Pagsulat.

1. Since our site values pseudonyms, what does your username mean, at least to you?

- akoitosibote? Wala, ako naman talaga si Bote. Bote bilang palayaw sa apelyido namin. Kumbaga, tradisyon na pinagpatuloy ko lang. Siguro may makahihinuha na nito.

2. How long have you been writing?

- Nasa ikalimang baitang ako sa elementarya noong magsimula akong magsulat para sa pahayagan namin. Nasa ikaanim ako noong nakaranas akong lumaban para sa National Schools Press Conference. Mga ikatlong taon ko sa hayskul bago ko natutunan na may puso pala ako para sa mga malikhaing akda.

3. Why do you write?

- Siyempre noong una, cathartic o para sa pansariling kasiyahan at fulfilment. Pero ngayon, madalas, nababasa ko ang mga isinusulat ko bilang pansira sa mga pinaniniwalaang totoo ng nakararami.

4. In what way does your avatar relate to you?

- Larawan ko nung bata ako yung avatar ko. Iconic yung kuha e, gustung-gusto ko yung puwesto ko na may hawak pa ko na mahabang riple, tapos parang batang matanda yung dating. Mahilig ako sa mga batang parang matatanda na kumilos.

5. What is the frequency of your writing?

- Walang eksaktong panahon kung kailan ako nakapagsusulat e. Basta may idea, humaharap na ko sa kompyuter.

6. In the very virtues of writing, are you emotional or cerebral? If both, to what extent is your convergence?
- Pareho nga siguro. Lamang siguro yung pagiging cerebral sa paraang nalilimitahan ko yung pag-iral ng emosyon ko sa mga naisusulat ko.

7. Name books that influenced you the most.
- Ang Paboritong Libro ni Hudas ni Bob Ong para sa pagpapaunlad ng wika at pagdadala sa kabataan ng panitikan. The Pretenders ni F. Sionil Jose para sa mala-pelikulang daloy ng kuwento. Yung iba hindi na libro na nakaimpluwensiya sa akin e. Tulad ng kolum tuwing Lunes ni Ser Butch Dalisay sa The Philippine Star, ilang malilikhaing gawa sa Palanca, at iba pa.

8. Name the authors in your own Hall Of Fame.

- F. Sionil Jose, Jose Dalisay, Eric Gamalinda, Rogelio Sicat, Haruki Murakami(kahit hindi pa ko nakakabasa ng buong akda niya at nasa wishlist ko pa lang siya.)

9. To what extent do you believe in the power of words?
- Walang kasing lalim ang sugat na maaaring magawa ng mga salita.

10. Is there a certain scheme to your style of writing?
- Madalas sarkastiko ako sa mga naisusulat ko. May dating sa 'kin yung pagsulat na parang nagrereverse psychology.

11. What are your mannerisms while your writing?

- Hindi na ako nakapagsusulat sa papel, pero minsan, maiikling tula na lang. Mas sanay na ako sa harap ng kompyuter. Kailangan may ibang browser na nakabukas, para pag huminto panandalian yung ideya ko, may titingnan akong iba. Kailangan parang nagkukuyakoy yung dalawang tuhod ko.

12. Which sort of writing do you prefer: typing or handwriting? Why?

- Nasabi ko na, typing. Hindi ko alam, nakalakihan ko na siguro. Pero minsan nga, nakapagniniig pa rin yung bolpen at papel ko.

13. Does it bother you when someone asks you about yourself?

- Medyo, madalas pala. Malihim akong tao e, madalas, pabiro yung sagot ko.

14. Isn't it a fact that we only yield our thoughts totally to the people to whom we truly yield our bodies?

- Siguro pero hindi ako naniniwala. Nakakakuha tayo ng ideya doon, pero hindi naman ito absolute. May iba pa namang napagkukuhanan ng mga ideya.

15. If you believe in such, what do you think is the chief obstacle to the transparency of writer to reader and vice versa?

- Para sa akin, ang responsibilidad lang ng manunulat ay ang magsulat at magsulat ng totoo sa sarili. Wala na itong responsibilidad sa mambabasa niya. Nasa bumabasa na lang kung paano niya magugustuhan o di magugustuhan ang isang akda.

16. As a human who writes, what is the Truth for you?
- Ang katotohanan ay
hiwalay sa lahat ng itinatakda ng lipunan.

17. Can't a truth be expressed independently of the person who expresses it?

- May kakayahan ang tao na gawin lahat, maging ang magtakip.

18. Are you sure that you know everything there is to know about yourself? Have you ever been tempted by psychoanalysis?

- Hanggang sa ngayon, binabasa ko pa rin ang sarili ko. Hindi ko alam kung may pagkakataong matatapos ang pagbasa ng isang tao sa kaniyang sarili. Hindi rin ako Freudian e, pero may paghanga ako sa psychoanalytic theories niya.

19. In writing, what would be your greatest project if given enough time and resource?

- Nobela o kahit koleksiyon ng mga tula. Nobela o aklat ng mga tula na mababasa at matatanggap ng lahat at hindi ng mga nakapag-aral lang.

20. What is your view about inspiration?

- Walang nabuong mahusay at katanggap-tanggap nang walang inspirasyon.

21. What is happiness for you? Are you happy with your life?

- Ang pagiging masaya ay pagiging kuntento. Kuntento naman ako sa ngayon.

22. Is there anything you want to change in the way you’re writing right now?

- Gusto ko pa mapagyaman pa yung bokabularyo ko. Siyempre, kaunting basa pa.

23. Besides visual art, how do you apply perspective in your writings?

- Kulturang popular!

24. How do you live these days?

- Paulit-ulit. Paminsan nagsasawa, pero nakatitiis pa naman.

25. If music occupies a large place in your life, what for you are the best music to recommend?
- Kadikit ng panulat? Foreign? Amy Winehouse at A Perfect Circle. Local? Up Dharma Down at Radioactive Sago Project. Masarap magsulat habang nakikinig ng jazzy mysterious aura.

26. What is art? Is there a highest form of art?
- Ang sining ay para sa lahat, ang sining ay para sa nakararami. Malikhaing paraan ng pagsasabi ng katotohanan.

27. Admiration: is that a feeling you are familiar with? How do you spark as an admirer?

- Hindi naman umaabot sa pagkastalker.

28. How do you come up with ideas? Do you apply automatic writing?

- Biglaan. Paminsan kahit isang linya lang o isang salita, naiisip ko na 'to bilang materyal panulat.

29. How do you label you own style of writing?

- Sarkastiko, patawa, reverse psychology na paeffect.

30. Do you believe that writing saves lives or friends in that sense? How/Why?

- Siguro. May mga pagsulat na therapeutic, tulad ng ilang spoken word at poetry reading therapy ni Ser Vim Nadera.

31. What can you suggest to budding writers?

- Sa ngayon naman, budding writer pa rin ako. Sulat pa at basa lang nang basa.

32. Have you been published/ won in a national or any literary contest? When and where? What’s the feeling of being recognized in a such a way?
- Hindi pa kaya hindi ko alam ang pakiramdam. Hindi ko kasi alam kung maituturing na literary contest yung mga Schools Press Conference sa Journalism noong elementarya ko. Kung oo, masaya yun. Self Contentment.

33. Does writing need commitment?

- Oo naman, katulad ng lahat bahay na pinag-iigihan.

34.Who are best writers in the country for you at this day?
- Eugene Evasco, Vlad Gonzales (bias sa mga propesor? ha-ha.) Mykel Andrada. Allan Popa. F. Sionil Jose.

35. What is the role of Penster to you? Does it have the standards of a good literary site? What are your suggestions.
- Gusto ko yung workshop sa net style nito. Ayos, para sa katulad naming baguhang manunulat.

36. Having your first book, what would it be like? Title/Cover/Agenda/Price?
- Hindi ko pa 'to naiisip, pero babalitaan kita pag meron na.

37. What is your mission in writing?
- Makapagpamulat.
 
tinipa ni Bote. noong 7:19 PM | Permalink | 1 comments
Thursday, April 17, 2008
Alam ko na ngayon
kung bakit may salitang tadhana -
sadya kasing may mga pangyayari,
kung saan ang pagkatugma-tugma
ng bawat elemento ng pagkakataon,
ay hindi na
kapani-paniwala.

Katulad nating dalawa.
Na sa tuwi-tuwina'y iniisip ko
na itinakdang magsama,
kung hindi man
magkatuluyang talaga.

Kumbaga
,
matagal
na itong inihahabi
pero hindi nating dalawa
kundi ng mga nangyaring
maaaring humulma.

Hindi natin ito naramdaman.

Parang maaliwalas na hangin
sa maalinsangang hardin.

Parang mahinahong ambon
sa mainit na maghapon.

Hindi ito nagkataon.
 
tinipa ni Bote. noong 3:44 PM | Permalink | 0 comments
Wednesday, April 09, 2008
Iboykot ang Olympics!
 
tinipa ni Bote. noong 2:15 PM | Permalink | 0 comments
Saturday, March 01, 2008
Usapang Espasyo, Usapang Silid
I. Silid Ko, Kaharian Ko
Ito ang espasyo na matatawag kong akin at tanging akin lamang. Ako ang hari sa apat na sulok nito. Walang nakapapasok sa aking kaharian nang hindi humihingi sa akin ng pahintulot.

Sa gitna nang magugulong gamit – nagkalat na mga aklat, patung-patong na mga papel, at halu-halong mga damit; nangingibabaw ang payak kong kama na hindi ko na matandaan kung kailan ko huling inayos. Sa harap nito ay isang maliit na telebisyon na malimit masira dahil nag-ooverheat sa sobrang dalas na nakabukas (may mga pagkakataon kasing naiiwan ko itong bukas habang natutulog ako). Kapag sawa na ko sa mga palabas sa telebisyon, may laptop akong puwedeng kalikutin. Sa tabi ng kama ko sa gawing kanan, may maliit na lamesa at upuan na nagsisilbing study corner ngunit hindi ko naman nagagamit sapagkat sa kama na rin ako nag-aaral at iyon ay kung sinisipag ako. Pero madalas, hindi.

Anumang gapos at sakal ang nararamdaman ko sa dami ng mga alituntinin, batas, at kung anu-ano pang dapat sundin sa pang-araw-araw na buhay; para sa akin, lumalaya ako kapag pumapasok sa sariling silid. Dito, nagagawa ko ang kahit na anong naising gawin. Kumanta, sumayaw, magpatalon-talon, sumirko-sirko at iba pa – lahat iyon ay maaari kong gawin dahil wala namang hahadlang sa akin, hindi rin ako mahihiya sapagkat sinisiguro kong walang makakikita o makaririnig, iniaalis nito sa utak ko ang pag-iisip na nagmumukha na akong sira-ulo o baliw.

Nag-uumapaw din ang aking lakas ng loob sa tuwing nasa loob ng silid. Dahil nga hari ako nito, pakiramdam ko sa tuwing nasa sariling espasyo ay wala nang haharang pa sa akin. Naisasakatuparan at naipapahayag ko ang anumang nasa isip. Tulad nang sa pagsusulat, mas bukas at mas malikhain akong nakapagpapahayag at nakasusulat kapag sa silid ko ginawa ang isang sulatin. Isang parikala kung titingnan sapagkat nakakahon ako sa sariling silid na siyang sumisira naman sa mas malaking kahon ng pangamba at pag-aalala na may pupuna sa akin o sa kahon ng mga utos na marapat sundin.

At dahil nga kahon, maraming mga bagay na sa sariling silid ko lamang nagagawa. Kung iisipin kasi, nakukulong nito ang pagiging malikhain at malaya ko. Naiipit at naiipon lamang ito sa apat na sulok ng silid. Nalilimitahan tuloy nito ang mga gawaing komportable kong gawin sa labas ng silid. Kung sakal ang aking nararamdaman sa labas nito, pagkapiit naman ang sa loob.

Pero kakuntentuhan pa rin ang nararanasan ko sa sariling silid, sa sarili kong kaharian. Hinding hindi ko ito ipasasakop kahit kanino. Dahil kabalintunaan man, ito ang kahon ng aking kalayaan.

II. Tatlong Hari, Isang Silid
“Putang ina, pumapasok lang ako sa kuwarto namin kapag may kukuhanin ako o kapag matutulog na.” Iyan ang pabalang na sagot sa akin ni Abe* habang kinakapanayam ko siya patungkol sa silid nila. Wala kasi siyang itinuturing na pansariling silid. Sa halip, tatlo sila na naghahati-hati sa iisang kuwarto. Isang nakatatanda at isang nakababatang kapatid na parehong lalaki ang kasama niya.

Kani-kaniya silang kama sa loob ng silid pero sabi niya, wala rin itong naitutulong. Kakulangan sa privacy ang reklamo niya sa akin. Natatamo lamang daw niya ito sa tuwing papasok siya ng banyo o kapag wala ang kaniyang dalawang kapatid na kasama sa kuwarto. Sa tuwing wala ang dalawa, langit ang pakiramdam niya sa pag-iisa at pagsosolo sa silid.

Ito ang mga sandaling hindi niya pinalalampas. Kapag wala ang dalawa niyang kapatid, sinusulit niya ang bawat oras na mailalagi niya sa silid. Parang takam na takam na bata. Ngunit madalang iyon – madalang siya magkaroon ng pansariling oras sa silid, madalang lang niya maranasan ang pagmumuni-muni ng mag-isa.

Marami ring bagay ang hindi niya magawa sa loob ng kanilang silid. Dahil may kasama siya rito, hindi niya ito maiayos sa porma na gusto niya. Sabi pa niya, kahit ang simpleng paglilinis at pag-aayos ng mga gamit, hindi niya magawa sapagkat sadyang pabaya ang iba niyang kapatid. Kung aayusin man daw niya ito, pagdating o pagbalik niya sa kuwarto ay siguradong magulo na naman ang mga ito.

Tatlo silang hari ng kanilang silid. “Patas-patas ang lahat...” Sagot niya noong itanong ko kung may nangingibabaw ba sa kanilang tatlo. Dahil nga tatlo ang hari, palagiang may pagtatalo sa mga kapangyarihan ng bawat isa. Pinipilit naman daw nila na pagpantay-pantayin ang mga ito, nagkakasundo rin naman sila; pero lahat, dumadaan muna sa debate at pagalingan sa pangangatwiran. Walang nagdedesisyon nang mag-isa.

Ang pinakamahirap daw para sa kaniya, iyong pagkilala sa sarili. Wala siyang panahon para makilala ito ng sarilinan, wala siyang oras para makapanayam ang sarili, at higit sa lahat, wala siyang lugar para masaliksik ang loob at labas ng kaniyang katawan. Natawa na lang ako sa huli niyang mga kataga: “Kahit prinsipe na lang, o kahit alipin, o kahit wala nang titulo, basta kahit hindi na hari, at may sariling silid ako, para na akong nanalo sa Lotto.”

“Sana nga manalo ka sa Lotto…” sagot ko sa kaniya na nakangiti. “at hindi lang sariling silid ang maipapagawa mo, pati sariling bahay,” dagdag ko.

*Si Abe ay kaklase ko nang apat na taon sa hayskul. Paborito niya ang mga console at PC games at nauubos ang oras niya sa pag-iinternet. Kumukuha siya ng kursong BS Applied Physics sa UPLB. Maikokonsidera raw niya ang kaniyang sarili bilang neat freak at obsessive-compulsive. Mahilig siyang kumanta.
 
tinipa ni Bote. noong 6:00 PM | Permalink | 0 comments
Tuesday, February 05, 2008
Sobrang Pagod na Ko, Gusto Ko nang Sumuko, Napapaisip Tuloy Ako Patungkol sa Kinabukasan Mode
I.
Hindi ako makakilos nang maayos.

Nanakit ang braso, hita, binti, leeg, putang-ina, basta, nananakit ang buong katawan ko. Napamura tuloy ako nang biglaan. Nagsisipag kasi ako sa PE ko ngayon - Philippine Games. Akala ko noong una, sobrang dali lang, 'yung walang pagod, ayaw na ayaw ko kasi ng pawis na pawis sa unibersidad o kaya uuwi ako nang nanggigitata. Anak ng teteng, para rin pala akong nag-PE ng basketball, minsan nga, mas pagod pa ko kaysa sa kalabaw.

Pero masaya rin naman kahit papaano, may bonding 'yung section namin. Minsan lang 'yung ganoon sa unibersidad, kaya nakatutuwa kapag may napapasukan akong ganoong seksyon. Konti lang kasi iyong masasabi kong tunay na kaibigan sa buong lawak ng peyups.

II.
Hindi ako makapag-isip nang maayos.

Hindi dahil sa masakit ang katawan ko. Nagkasabay-sabay kasi 'yung mga dapat kong gawin - papers, exams, papers, exams. Noong simula nang semestre, masaya ako, kasi akala ko wala na akong mga exam na poproblemahin. Sabi ko pa noon, ayos lang kahit maraming papers, kayang-kaya - akala ko lang pala.

Ngayon, nagsisisi na ko. Ayoko na nga e, gusto ko nang sumuko, yumuko, umiyak; gusto ko na lang manalangin sa harap nang napakarami kong deadlines na hinahabol o hahabulin. Pakiramdam ko hindi ko na kaya 'yung pressure, puputok na nga ata 'yung parang sports bag sa ilalim ng mata ko, oo, 'pag nakikita ko iyong sarili ko sa salamin, parang eye bag lang 'yung mapapansin. Pakiramdam ko, konti na lang, awtomatiko nang madidiskaril 'yung bawat laman sa katawan ko. Kusa na 'tong hihinto, tatapos titiklop ako - parang laruang robot.

III.
Hindi ko tuloy maiwasang isipin ang kinabukasan.

Sa mga ganitong panahon kasi, napapareality check ako. Tinitingnan ko 'yung sarili ko papalayo. Kumbaga, tinitingnan ko 'yung sarili ko, 'yung totoong ako, na nakatayo sa malayo, at 'yung ako, bilang manonood nang sarili ko, nakatingin lang, nagmamasid.

Inspiradong-inspirado ako ngayon magsulat. Ngayon kasi, ramdam kong mas bukas iyong mundo ng mga manunulat kaysa noon. Mas nakakapag-usap kami nang mga katulad kong batang manunulat, mas nakikilala ko sila, mas nakakakuha ko nang inspirasyon at estilo.

Pero sa kabilang banda, mas napapaisip ako kung may kinabukasan ako sa larangan. Basta ang alam ko, tapat ako sa sarili ko, at pursigido ako.

Bahala na si Batman.
 
tinipa ni Bote. noong 4:52 PM | Permalink | 0 comments
Panuto
I. Pagbuo:

Kakailanganin ng isang Bote set.
  1. Ipagdugtong-dugtong ang maninipis na braso, binti, at katawan.
  2. Idikit din sa ulo ang mahaba, manipis, at tuyong buhok.
  3. Bihisan ng t-shirt, maong, at tsinelas.

II. Pamumuhay:

  1. Siguraduhing nagbabiyahe mula C____ hanggang UP. Panatalihing pagod at matamlay.
  2. Paggamitin ng computer limang oras kada-araw.
  3. Panoorin ng TV apat na oras kada-araw.
  4. Patulugin tatlong oras kada-araw.
  5. Huwag kaliligtaang palagiang painumin ng softdrinks.

Babala: Awtomatikong sasabog at sasambulat ang bawat piyesa kung hindi susundin sa pinakapinong detalye ang panuto sa taas. Batteries not included.

 
tinipa ni Bote. noong 4:44 PM | Permalink | 0 comments
Tuesday, January 22, 2008
Nakaw
Parang magnanakaw
na mabilis
umalis
,
nawala,
ang binhi na
sabay natin ipinunla
.

Wala itong iniwan
kundi bakas
ng pagtakas
at ang ala-ala
ng ating
nakalipas
.
 
tinipa ni Bote. noong 3:20 PM | Permalink | 0 comments
Tuesday, December 18, 2007
Dahil makata ka,
isinilang ka bilang ‘sang manlalakbay
dagat at bundok ay nasa iyong kamay.
Saan man ang iyong naising puntahan,
‘wag mangamba, kalawaka’y ‘yong tahanan.

‘Sang arkitekto ka ring maituturing,
pagbuo ng tugma’y sa’yo hinihiling.
Lahat ng sukat ay alam mo ang lihim;
pagtayo ng saknong, ‘kaw ang dapat sundin.

Ikaw rin, makata, ay ‘sang kusinero;
dahil tula ang iyong ipiniprito
at niluluto. Dahil mga sahog mo
ang wika’t salitang pagkain ng tao.

Anu’t ano pa man ang ‘yong mga balak,
hindi ka dapat lamunin ng bagabag.
Dahil diyos ka ng sariling mundo at
walang makapipigil sa’yo’t aawat.

‘Di ka dapat matakot kahit kanino
,
dahil walang sinumang haharang sa’yo.
‘Pagkat sa mundo ng tula’y sarili mo
ang pinakamakapangyarihang tao
.
 
tinipa ni Bote. noong 10:12 AM | Permalink | 0 comments
Sunday, December 09, 2007
Makabong Atake sa Katutubong Tanaga at Tradisyonal na Pasyon
Ulam

Pag-aaral ay ulam,
sa una'y matatakam;
'pag sobra'y anong suklam -
parang luwang bubble gum.

Nasaan?

Aba, ina naming Gloria,
ikaw ba ay nandiyan pa?
Bansa'y maraming problema
ngunit ang iyong inuna
ay bakasyon sa Europa.
 
tinipa ni Bote. noong 12:10 PM | Permalink | 0 comments
Friday, November 30, 2007
Gatas
I.
Ang pag-ibig at libog
ay gatas na de-lata,
malabnaw at malapot,
evaporada o condensada.

II.
Gatas din na de-lata
ang paghanap ng kapareha
,
Sa pagpili ng kasama?
Carnation o Alaska.
 
tinipa ni Bote. noong 12:30 PM | Permalink | 0 comments
Friday, November 23, 2007
Si Macho Gwapito, ang Superstar, at ako.

[Unang tula sa Palihan I, MPs 110. Labingdalawang pantig, tugmang isahan]

Kwento ng Tatay ko, kamukha raw niya
si Rico J. Puno ‘nung s’ya’y binata pa.
Sa buhok, sa bigote, pati sa porma,
nabihag si Nanay, sila’y nag-asawa.

Sa pagsasama nila ako’y nabuo,
katangian nila’y sa akin naghalo.
Sa sinapupunan ako ay naglaro,
sumipa-sipa pa, lumangoy sa dugo.

Napaisip sila kung ano ang ngalan
ng batang lumalaki na nga sa tiyan.
Hanggang pumasok kay Nanay, sa isipan
niya, tatak nga ng pagiging Noranian
.

Si Nora Aunor na kaniyang idolo,
doon gustong itulad ang pangalan ko.
Nora nga ang tumapos sa pagtatalo
sa kung ano ang tawag sa batang bago
.

Subalit nagulat na nga lang ang lahat,
pagkat lalaki ang biglang sumambulat.
Balak na pangalan ay hindi na lapat,
kaya sa papel, Noah ang isinulat.

 
tinipa ni Bote. noong 2:49 PM | Permalink | 0 comments
Wednesday, October 24, 2007
Listahan sa Isipan
1. Sembreak; makipagkita, makipagkuwentuhan, makipag-inuman sa mga kaklase noong hayskul.

2. Sembreak; pahinga sa bahay (tulog, tulog, tulog); manood ng mga pinipiliit tapusing palabas(Yakitate! Japan, Beauty and the Geek, at kung anu-ano pang chummy reality shows).

3. Sembreak; walang pasok, walang baon, walang pera, magtipid.

4. Sembreak; walang aral, magDotA ng magDotA, maniryoso sa DotA.

5. Maglaan ng panahon sa pagsulat, sa pagbasa ng ilang piling akda, sa pag-iisip para sa ikalawang semestre, sa mga gurong pipiliin, sa paglipat ng kurso.

6. Piliting sumulat ng maikling kuwento (futuristic sana pero may pa-effect na social concern) o kahit ng tula, basta piliting sumulat ng pormal na akda na maaaring ipasa.

7. Maghanap ng kasama na magworkshop ng inaalagaang kuwento.

8. Maghasa at magpraktis sa Rubik's Cube, magresearch ng iba pang mas maikling moves; solve, solve, solve.

9. Ihabi ng maigi ang mga nasa listahan, piliting tuparin.
 
tinipa ni Bote. noong 1:09 PM | Permalink | 0 comments
Monday, October 22, 2007
Sa Dentista
Dati, isang beses isang buwan nagpupunta ako sa dentista ko para magpaayos ng braces(oo, may bakal ako sa ngipin). Isang beses kada-buwan pinapalitan ang rubber nito, pinuputol ng kaunti iyong alambre, at nililinis ng maigi ang mga ngipin ko. Mabait 'yung dentista ko, para sa 'kin, hindi lang kasi siya dentista, parang counselor na rin. Dati nga, tinulungan niya akong mag-isip ng kurso para sa kolehiyo. 'Yung minsan sa isang buwan na iyon, nararamdaman kong malinis ako.

Mag-iisang taon na siguro ng huli akong magpunta sa dentista ko. Alam kong nakadidiri pero hindi na ako pumupunta. Tinatamad ako. O siguro natatakot na rin. Kapag kasi nagpapa-adjust ako ng braces, matinding sakit ang tinitiis ko. Mahirap ngumuya, nagtitiyaga ako sa Lucky Me! Supreme La Paz Batchoy, at nangingiyak ako sa dami ng singaw na sumusulpot sa gilid ng bibig ko. Nahihiya rin kasi ako sa kaniya. Para kasing 'pag tinitingnan ng dentista 'yung mga ngipin o bibig ng isang tao, tinititigan din niya 'yung kaluluwa nito. Nabibisto lahat, nahuhulaan ang pagkatao, nalalaman ang mga pinaggagagawa nito.

Hindi ko alam kung pupunta pa ako sa dentista ko. Pero siguro naman, oo. Nararamdaman ko na rin naman kasing parang bibigay 'yung mga kabit-kabit na bakal sa bibig ko. At 'di lang iyon, ramdam ko rin kasing rumurupok na ang pagkatao ko. Baka marami siyang maitulong.
 
tinipa ni Bote. noong 3:34 PM | Permalink | 0 comments
Monday, October 08, 2007
Opel
Ang pag-alala sa iyo,
ngayon, ay pagtingin
sa kalangitan ‘pag gabi.
Kahilera ng nangingibabaw
na buwan, isa kang bituwin
minsa’y kumukurap,
kalimita’y nilalamon ng dilim.

Labing pitong na taon na
buhat ng tinawag ka ng lupa
o ng langit, o ng kung sinong
‘di namin kilala. At ang mga
nakatukod na larawan
sa ibabaw ng telebisyon ko
sa kuwarto, oo – tanging iyon na lang
ang iilang iniwan mo sa akin.

Magkahalong lapot ng hiya
at pasalamat ang kalituhang
nararamdaman ‘pagkat
hindi naman talaga tayo
nagkasama, hindi tayo lubos
na nagkakilala.

Pero walang lumalangoy
sa hinagap ko na salitang limot.
‘Pagkat sa mga ganitong
panahon, sa mga araw
na kuba ako sa bagabag
at hirap at problema,
nananangis ako sa’yo.

Sa mga ganitong panahon,
hiling ko’y nandito ka,
upang madama ko sana
ang iyong paghinga
sa aking tabi, sa aking pisngi
nang malamang nandiyan ka;
kailangan ko ng Ina,
hinahanap-hanap kita.
 
tinipa ni Bote. noong 12:58 PM | Permalink | 0 comments
Saturday, September 15, 2007
Buong Pagkukumbabang Paghahambing: Liriko at Tugtugang Abay/Sago kontra Hale/Cueshe
Nadodomina ng tugtugang combo (banda; karaniwa'y pumapasok sa genre na rock o iniisip ng marami na rock; madalas binubuo ng isang gitara, isang baho, isang taga-tambol, at isang taga-awit na kung minsa'y taga-sigaw) ang bawat estasyon ng Filipino (puwede ring Pilipino) sa radyo, telebisyon, at sa iba't iba pang medium ng komunikasyon. Hindi na maitatanggi ang bumugsong mainit na pagtanggap ng mga tagapakinig na Filipino sa OPM (kolokyal sa kadahilanang ang etnikong tugtuging Filipino raw dapat ang tunay na OPM) at sinasabing ang mga banda ang bumubuhay at nagpananatili nito sa kasalukuyan.

Bilang masugid na tagasubaybay ng ganitong uri ng tugtugan, nakapupuna ako ng malaking pagkakaiba pagdating sa atake ng bawat banda sa kanilang musika. Napakalawak ng tugtugan ng bandang Filipino at ninais kong pumili ng ilan (dalawang pares ng tig-dalawa na may hindi nalalayong kaugnayan sa katambal) para ikumpara at ipasok sa kontekstong pampanitikang Filipino.

Ang mga bandang napili ko ay ang Radioactive Sago Project, maipapasok sa tugtugang jazz; ang bandang Dong Abay, alternatibo; at ang kabilang pares ay ang bandang Hale at Cueshe, sinasabi at tinatawag na banda sa Pogi Rock; estetikong taguri na isinama ang esensya ng rock bilang musika.

Una kong nais suriin ay ang pagkakaiba sa kanilang mga tunog o tugtog. Ang Sago na hindi naman nagpapakahon sa jazz ngunit ipinapasok din dito ng marami, ay isa sa mga banda sa kasalukuyan na marami ang kasapi o bumubuo. May horn o wind instruments ang banda, at ang harmonya at tunog ng bawat instrumento ay mapapansing iniaayon at ibinabagay sa liriko o mensaheng kanilang ipinaaabot. Ang bandang Dong Abay nama'y sumusunod sa tugtog ng mga banda noong dekada 90, alternatibo at nakatuon sa gitara at baho ang musika.

Sa kabilang banda, ang Hale at Cueshe (pinagsasama ko dahil sa hindi maitatangging pagkakapareho ng dalawa), na malaki ang fan-base na karaniwa'y mga bata o tineydyer na Filipino, ay kadalasang malungkot at malamya ang musika at tunog. Nakakahon ang dalawang bandang ito sa umiiral na uso, kung saan patok na patok ang mga awitin tungkol sa pagdadalamhati, pagrereklamo, problema, at iba pa.

Ang isang malaking pagkakaiba ng apat ay pumapasok sa usapin ng liriko at panulaan. Isa itong mahalagang elemento sa bawat awit - ang mensaheng nakapaloob, ipinaaabot, at ipinababatid. Maaari siguro sabihing nakalalamang na agad dito ang unang dalawang banda (Sago at Dong Abay) sa kadahilanang kilalang makata ang mga bokalista o frontman nito. Si Lourd de Veyra, bilang isang Palanca award winning na makata sa Ingles; at si Dong Abay, na nagtapos ng kursong pampanitikan. Lamang din ang naunang dalawa pagdating sa mensahe. Umaabot kasi sa diskursong panlipunan ang mga liriko ng dalawa, isang halimbawa ay ang Bombardment ni Dong Abay, at ang Gusto Ko ng Baboy ng Sago. Heto ang sipi sa ilang liriko:

May baboy na matalino, may baboy na bobo, may
Baboy na macho.
May baboy na seksi, may baboy na bakla, may
Baboy na mahirap, may baboy na mayaman.
Mas baboy ka pag mayaman ka. may baboy na
Businessman, maybaboy na musikero, may baboy
Na makata, may baboy na basketball player, may
Baboy na baranggay tanod, may baboy na
Konsehal, may baboy na mayor, may baboy na
Congressman, may baboy na pulis, may baboy na
Teacher na nagtuturo ng kung anu-anong klaseng
Kababuyan.

Kung titingnan naman sa kabilang banda, ang mga liriko at titik ng mga awitin ng Hale at Cueshe ay, para sa akin, hindi ko maipaliwanag kung paano mahihinuha. Kung susuriin kasi, maaaring ang atake nila sa pagbuo ng awitin (o ang kanilang mindset) ay ang bumenta (ng album) at kumita; kung kaya't naisasakripisyo dito ang mga lirikong makabuluhan (konkreto, may ideya, at bukod sa lahat - maliwanag) at may nasasabi sa kalagayang panlipunan. Heto ang putol na liriko ng isang kanta ng Hale:

You're still as beautiful as I saw you
You're lovely like the way I want you to
Release these thoughts about you like I do
Corrupt your mind, I will explore your mind


Agad makikita at mapapansin ang kaibahan.

Maaaring sabihin na isang kahungkagan ang pagkukumpara ko sapagkat magkaiba naman ang dalawang pares. Wala naman akong galit o masamang intensyon laban sa mga tagapagtaguyod ng tinatawag na Pogi rock na kinabibilangan ng Hale at Cueshe, ang nais ko lang naman ay magliwanag ng ilang bagay. Mayroon kasing mga nagsasabi at nagtatalo kung sino ang mas magaling at mas dapat pakinggan, mali ito. Hindi sila dapat pinagtatambal.

Bilang mababaw na konklusyon, masasabi sigurong nasa pagtingin (atake sa tagapakinig) ng mga musikero ang pagkakaiba. Sa ganang ito mababanggit na ang isang pares ay nakaayon sa pagbibigay ng diskurso sa mga usaping napapanahon, at ang isa ay nakasentro sa kita at benta.

Ang pagtatambal at pagkukumpara ay nasa makikinig pa rin.
 
tinipa ni Bote. noong 12:31 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, September 13, 2007
Masamang Pakiramdam
Masama ang pakiramdam ko.

Hindi matigil ang paglabas ng sipon sa ilong ko. Namumula na nga at napakahapdi na sa makailang ulit kong pagsinga. Hindi naman kasi ako mahilig uminom ng gamot, marami naman kasing nagpapatunay na may kakayahan ang ating katawan na pagalingin ang sarili nito ng kusa. Basang-basa na 'yung panyo ko, pero hindi ko sigurado kung dahil sa sipon, pakiramdam ko kasi, nasa isip ko na lang na may sipon akong isisinga, para kasing hangin na lang iyong isinisinga ko.

Pero basa talaga 'yung panyo ko.

At masama talaga ang pakiramdam ko.

Hindi na ito dahil sa inirereklamo kong sipon. Hindi rin dahil sa basang-basa na ang panyo ko. Kung tutuusin nga, ayoko na itong sabihin, kasi ayaw ko nang magreklamo. Ayoko kasing mapuno na lang ng reklamo itong blog ko, masyadong marami na akong ganoong post, at higit sa lahat, ayokong matawag na reklamador.

Ngayon, oo ngayon mismo, sa mga oras na itinitipa ko itong sulatin na ito sa isang shop sa UP Shopping Center, oo kasabay nito, ay ang pagtakas ko sa isang sabjek. Hindi ako pumasok sa first class ko (ayoko nang banggitin kung ano) dahil may sama ako ng loob, doon, sa klase, sa sarili ko bilang mag-aaral ng klaseng iyon, sa propesora ko bilang taga-gabay sa mga mag-aaral niya sa naturang klase. Alam kong malabo, pero, masama kasi talaga ang pakiramdam ko.

Sa mga ganitong panahon, palagi kong naiisip (palagi, hindi ito ang unang pagkakataon na nararamdaman ko ang aking nararamdaman sa ngayon) na baka wala nang puwang ang lipunan kong ginagalawan para sa akin. Naiisip ko kasing baka puwede naman na wala ako, na hindi ako kawalan. Alam ko, malabo, hindi konkreto, malihim ako, bastardo ako, palalo ako, heretic ako, mamamatay din ako; pero, masama kasi talaga ang pakiramdam ko.

Lumuluwag ang paniniksik ng dibdib ko (wow, romanticist!) sa tuwing nakapagtitipa ako. Dito ko na lang kasi naichachannel (wow, elitist!) ang mga bagay na bumabagabag sa 'kin. Para akong nagpapacounsel, para akong kumakausap ng kaibigan, kahit na, pantasya lang ito, at gawa-gawa lang ng makata, kuwentista, blogger, ang iniisip nitong audience o mambabasa.

Hindi ko alam, kung tulad ng sakit na estetiko o pisikal ng katawan, hindi ko alam kung may kakayahan ang katawan kong pagalingin sarili nito kontra sa sama ng kalooban ko, literal. At kung uumpisahan ko namang uminom ng gamot, kung susubukan kong sanayin ang sarili kong uminom ng gamot, huli na ako - wala ng gamot sa sakit na nararamdaman ko.
 
tinipa ni Bote. noong 9:12 AM | Permalink | 0 comments
Wednesday, September 05, 2007
Balitang Makata: Balitalinhaga
Ulo ng balita
ay pinasabog na bata,
mahihirap na kawawa,
at konggresistang nakahilata.

Katawan ng balita ay
artistang naghiwalay,
mga ani na nangamamatay,
at Pangulong mataray.

Putol ang katawan
ng balita. Sa commercial idinaan:
Game shows, pampalaki ng pakwan,
at mga elitistang nag-iinuman.

Binti ng balita ay kuwento
ng buong mundo.
Giyera sa Iraq, sa 'Pinas, sa Sulu o Senado,
giyera sa puso at isip ng mga tao.

Kaluluwa ng balita
ay hindi na nga sariwa.
Malansa at malata,
sa sensasyonalismo bilasa.
 
tinipa ni Bote. noong 9:50 AM | Permalink | 0 comments
Saturday, August 25, 2007
Bagong Tugtog
Ang bagong naririnig na background music ngayon nitong aking blog (kung naririnig n'yo man) ay ang kantang Gloomy Sunday na base sa ilang urban legends ay tinatawag ding "The Hungarian Suicide Song" (1933). Makailang beses nang na-ban ang awit sa iba't-ibang estasyon sa radyo sapagkat masyado raw itong masalimuot at malungkot ang ipinahahatid na mensahe. Sinasabi ng ilang mga haka-haka na ito ay naging inspirasyon upang magpakamatay ang ilang mga katao, lalo na sa Europa. Sa kabila ng mga kuwento, makailang beses na ring naisalin ang kanta. Itong aking pinili ay bersyon ni Billie Holiday(1941), isang jazz performance artist sa Amerika. Ito ang lyrics ng awitin:

Sunday is gloomy,

My hours are slumberless
Dearest the shadows
I live with are numberless
Little white flowers
Will never awaken you
Not where the black coaches
Sorrow has taken you
Angels have no thoughts
Of ever returning you
Wouldn’t they be angry
If I thought of joining you?

Gloomy sunday

Gloomy is sunday,
With shadows I spend it all
My heart and I
Have decided to end it all
Soon there’ll be candles
And prayers that are said I know
But let them not weep
Let them know that I’m glad to go
Death is no dream
For in death I’m caressin’ you
With the last breath of my soul
I’ll be blessin’ you

Gloomy sunday

Dreaming, I was only dreaming
I wake and I find you asleep
In the deep of my heart here
Darling I hope
That my dream never haunted you
My heart is tellin’ you
How much I wanted you

Gloomy sunday
 
tinipa ni Bote. noong 5:25 PM | Permalink | 0 comments
Friday, August 24, 2007
Wow!
Bagong template, lumang laman. Gusto ko lang nang bagong bihis, kahit na sobrang chummy ng desayn, mas maaliwalas naman kaysa noon. Hindi ko alam kung representasyon ito sa kung ano ang nabago sa akin, basta, heto muna ang pagtitiyagaan.

Mamimiss ko 'yung dating template.
 
tinipa ni Bote. noong 5:20 PM | Permalink | 0 comments
Pahapyaw sa Sarili

Ako
ay mahilig
magsalita mag-isa,

sa biyahe, sa MRT,
ay pinipilit
maging masaya.

Subalit nalulumbay,
'pag naaalalang wala na,
ang billboard ni Roxanne Guinoo sa EDSA.
 
tinipa ni Bote. noong 1:02 PM | Permalink | 0 comments
Wednesday, August 15, 2007
PUNKS ka ba? Oo, ikaw ang hanap namin!
Ang pangkat namin sa Anthropology 10 mula sa Unibersidad ng Pilipinas - Diliman ay naghahanap ng isang grupo ng punks na maaaring magpa-interview at sumagot ng tanong tungkol sa buhay punks sa Pilipinas. Huwag kayong mag-alala, informal interview ito at sisiguraduhin naming hindi namin matatapakan at/o rerespetuhin namin ang privacy ninyo.

Kung sa tingin mo ikaw o kayo na ang hanap namin, huwag nang magdalawang-isip pa. Para sa iba pang impormasyon at mga tanong puwede kang magteks sa numero bilang - 09156902987. O ano? Teks na!
 
tinipa ni Bote. noong 7:17 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, August 09, 2007
Tula(n)
Tunghayan mo ang lupa,
uhaw na uhaw sa bawat
patak ng ulang luha sa mata
ng mga nanunuyong sikmura.

Tunghayan mo ang langit,
na namumugto sa agos ng tubig -
ulan, luha, na nagpapatahan
sa iyak ng mga nangangailangan.

Tunghayan mo ang iyong sarili,
na nawiwili sa pagmamasid
ng naglalarong lupa at langit
at mistulang batang naiinggit.
 
tinipa ni Bote. noong 9:11 AM | Permalink | 0 comments
Tuesday, August 07, 2007
Lasing
Minsan na lang tayo magkausap, hindi na nga tayo halos nagkikita. Matagal na rin pala ang nakalipas. Naalala ko noon, iniwanan natin ang lahat sa salitang mahirap.

Hindi ko alam kung lasing ka na no'n, kung epekto na iyon ng ininom nating Black Label na tinakas mo mula sa tukador ng tatay mo dahil sabi mo rebelde ka. Hindi ako naniwala, hindi kita pinaniwalaan, hindi ko naman kasi alam ang ibig sabihin ng salitang rebelde.

Hindi ko alam kung lasing ka na no'n, kung lasing ka na sa mga mababangong salitang pilit kong ipinakakain ko sa'yo. Sabi mo busog ka na, pero hindi ako tumigil, pinilit ko ang sarili ko sa natatanaw kong maliit na patlang sa puso mo. Akala ko liwanag 'yung nakikita kong tumatagos mula doon, mali pala ako, sumuka ka tuloy.

Hindi ko talaga alam kung lasing ka na, kaya naglakas loob na akong magtanong. "Naparami ka na ata, nahihilo ka na ba?" sabi ko ng marahan. Tiningnan mo lang ako - mata sa mata, isip sa isip, puso sa puso, kaluluwa sa kaluluwa. Nagsasalita iyong mga mata mo, hindi ko maintindihan, pero mukhang sinasang-ayunan ito ng puso at isip mo, tumatango kasi sila sa bawat kislap ng paningin mo. Pero biglang nagkalas ang titigan natin, hindi ako nakakilos, iginalaw mo bahagya pababa ang mukha mo, biglaan kang nagsalita, sa mahina mong boses. "Hindi ako nahihilo, hindi nahihilo ang isang rebelde." Tapos, sumuka ka.
 
tinipa ni Bote. noong 1:58 PM | Permalink | 0 comments
Saturday, August 04, 2007
Wowowee!
Sa Luzon , sa Visayas, at sa Mindanao;
saan man sulok ng mundo,
hahatakin ko kayo,
mang-uuto sila, sa bawat isa,
at maghahatid ng huwad na ligaya.

Kadugo, kababayan, at kapamilya
sa bawat sulok ng mundo
na may Pilipino, ito'y para sa inyo
kanluraning kapitalismo

ang nakatago naming papremyo.

Wowowee sinong 'di mawiwili,
dahil sa game na 'to 'di maiisip magsisi.
Wowowee naloloko ang marami,
sa pera umiikot ang Wowowee!

Sa loob at labas ng ating bansa,
saan ka man nagmumula
pang-uuto lumalala,
kasama ko kayo na magpapaloko,
ganyan kung mangapital
ang kapamilya mo. (Wowowee!)


Wowowee sinong 'di mawiwili,
dahil sa game na 'to, pinepeke ang swerte,
Wowowee nauuto ang marami,
ika'y laging talo sa Wowowee,
'pagkat naloko ka ng Wowowee.

Wowowee! Wowowee! Wowowee!
 
tinipa ni Bote. noong 1:04 PM | Permalink | 0 comments
Friday, July 27, 2007
Mula Quezon Avenue hanggang Taft Avenue at ang Kanluranisasyong Filipino
Nagsimula lahat sa MRT.

'Dun sa istasyon sa Cubao,
biglang sumakay iyong dalawang mamaw,
at nag-ingay, nagbulalas ng kung anu-ano;
nagtinginan tuloy 'yung nagsisiksikang mga tao.

Kung anu-ano ba naman 'yung pinagsasabi,
kesyo marketing daw ang the way to be.
Aba, akalain mong pa-ingles ingles pa 'yung dalawa
nagpupumiling, nagpapaka-elitista.

Tapos 'yung isa, pinoy na pinoy 'yung hitsura,
E akalain mong slang at may thwang pa ang bola.
Hindi ko lang masabi, hindi bagay, 'astang matalino,
halatang-halata naman kung ano ang totoo.

Gusto ko sanang isagaw:
'tangina naman p're, ang kalabaw
hindi dog food ang kinakain,
damo! Paki subukang manalamin!


'Pinas kasi ngayon, pinamumunuan
ng burgis-elitista, laging mayayaman;
Umuungol sa buong bayan ang kapatilismo nila,
dukha'y saling-pusa lang, binubusalan ng awa.

Kaya 'yung dating pango, iyong dating sunog,
Hayun, na kay Vicky Belo, nagpapahubog;
Walang ginawa 'kundi magpabango, nagmamaskara,
luhod kay Joe; ang kaluluwa, kultura'y ibinenta.

Ayoko mang magmukmok, ayoko ding makialam,
ang kaso e hindi mo maiiwasang masuklam --
'pag nakakita ka ng naturalisadong Pinoy, kayumanggi, sarat,
sa Pilipinas, na halik sa Kanluran ang sinasatsat.

Para sa lahat.
 
tinipa ni Bote. noong 2:42 PM | Permalink | 1 comments
Tuesday, July 10, 2007
(Hindi) Totoong Pag-ibig
[Unang tikim sa maikling futuristic fiction sa filipino]

Linuwagan n'ya ang kaniyang pagkakayakap sa 'kin para makapagsalita.

Wala kaming kasama kundi puro kotse. Oo, walang tao sa paligid. Kami lang, kami ang may-ari sa oras, kami ang may hawak sa mundo. Sinabi n'ya na masaya siya dahil nagkita na rin kami sa wakas. Kami na matagal ng nagkakilanlan, nagkausap, at nagkamabutihan ngunit hindi pa nagkikita. Oo, kaming dalawa'y may matagal nang nadarama para sa isa't isa.

Ibinalik ko naman sa kaniya ang nararamdaman kong galak na hindi maipaliwanag. Sino ba naman kasing matinong tao ang mag-iisip na makadadaumpalad at makakaibigan n'ya ang isang tulad ni Kat. Si Kat Alano na dating pinanonood ko lang sa telebisyon. Si Kat na artista, video jockey, at tv host.

Itinuturing akong hibang at mataas-ang-ambisyon ng mga kaibigan ko sa t'wing binabanggit ko ang tungkol kay Kat. Hindi sila naniniwalang nakuha ko ang cellphone number niya sa hindi inaasahang pagkakataon at kagulat-gulat din naman ang pagreply n'ya sa panimulang teks ko. Mas lalong kahunghangan para sa aking mga kaibigan ang mga sumunod na nangyari. Ikinuwento ko nang lahat - ang exchange of emails, phone calls, at pictures na ipinapadala namin sa isa't isa.

Marahil maituturing na kahibangan nga ang mga nabanggit ko, kung titingnan sa pananaw nila. Pero 'eto ako ngayon, yakap-yakap at kadaumpalad ang matagal ko nang ninanais makita - ang matagal ko nang gustong mahawakan.

Kita ko ang tuwa sa mga mata ni Kat. Kumikislap ito nang 'di tulad ng kislap 'nun sa telebisyon - may kaalinsabay itong pintig ng puso. Hindi ko nga mapigil ang aking sarili. At sa pag-igting ng bumubugso kong damdamin ay paglapit din ng mga labi ko sa kaniya, ang katuparan ng aking pangarap...

*Lights Open*
*Curtain Closes*

Ubos na ang limampung piso ko para sa sampung minutong palabas. Unang subok sa Cinemaginary, isang sineng nagpapalabas ng anumang pantasya't ambisyon ng nanonood na hindi nito maabot sa reyalidad. Tapos na ang sampung minutong pagtakas sa katotohanan, at ngayon, balik sa pagkakagapos sa posas na tinatawag na buhay.
 
tinipa ni Bote. noong 1:13 PM | Permalink | 0 comments
Tuesday, July 03, 2007
Pagbabahagi
[Ang sumusunod ay tula mula sa aklat na Sifting Through the Madness for the Word, the Line, the Way ni Charles Bukowski. Una kong nabasa ang tula ng pahiramin ako ng kopya ng isang kaibigan mula sa klase niya kay Propesor Jun Cruz Reyes (Malikhaing Pagsulat 170), at mula noon, ito na ang unang binabasa kong akda tuwing umaga. Naisip ko lang na mas mainam na ibahagi ito dito.]

So you want to be a writer?

if it doesn't come bursting out of you
in spite of everything,
don't do it
.
unless it comes unasked out of your
heart and your mind and your mouth
and your gut,
don't do it.
if you have to sit for hours
staring at your computer screen
or hunched over your
typewriter
searching for words,
don't do it.
if you're doing it for money or
fame,
don't do it
.
if you're doing it because you want
women in your bed,
don't do it.
if you have to sit there and
rewrite it again and again,
don't do it.
if it's hard work just thinking about doing it,
don't do it
.
if you're trying to write like somebody
else,
forget about it.

if you have to wait for it to roar out of
you,
then wait patiently.
if it never does roar out of you,
do something else.

if you first have to read it to your wife
or your girlfriend or your boyfriend
or your parents or to anybody at all,
you're not ready
.

don't be like so many writers,
don't be like so many thousands of
people who call themselves writers
,
don't be dull and boring and
pretentious, don't be consumed with self-
love.
the libraries of the world have
yawned themselves to
sleep
over your kind.
don't add to that.
don't do it.
unless it comes out of
your soul like a rocket,
unless being still would
drive you to madness or
suicide or murder,
don't do it
.
unless the sun inside you is
burning your gut,
don't do it.

when it is truly time,
and if you have been chosen,
it will do it by
itself and it will keep on doing it
until you die or it dies in you
.

there is no other way.

and there never was.
 
tinipa ni Bote. noong 5:06 PM | Permalink | 0 comments
Saturday, June 30, 2007
Pagbubulay-bulay
Marami akong planong hindi ko maisagawa at hindi ko matupad-tupad. Marami akong iniisip na hinihipan na lang ng hangin at nabubura na sa kawalan. Hindi ko alam kung ano ang pumipigil sa 'kin, siguro takot ako sa kung anuman ang maaaring mangyari.

Mula pa nung pumasok ako sa unibersidad, nasa ugat na ng mga utak ko ang plano kong lumipat ng kurso. Hindi ko naman itinatakwil ang sikolohiya, lalong-lalo namang hindi ko kinaiinisan ang kurso. Pero hindi ko lang talaga makita ang sarili ko sa linyang ito balang araw. Gustuhin ko mang lumipat sa kursong malikhaing pagsulat, may mga bagay pa din na maaaring sabihing humahadlang. May mga entidad na gusto akong magabogasya, mayroon din namang hindi nakakakita ng kinabukasan sa huli.

Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang pagtingin nila sa kursong Filipino o sa kursong ang medium ay Filipino - lalo na ngayong lumalabas sa estatiko na wala ng kumukuha ng kursong Filipino, Malikhaing Pagsulat, o Araling Filipino sa UPCAT. Siguro hindi din masisisi ang mga pumipili ng kurso, siguro hindi ko din sila masisisi sa kawalan ng kagustuhan nila sa mga kursong nabanggit. Talaga sigurong umiikot na ang utak ng marami sa atin sa maka-kanluranin at maka-ekonomikong ideolohiya. Wala nga sigurong dapat sisisihin.

Nakalulungkot man, mahirap baguhin ang hatol ng mga tao sa isa nga daw Ikatlong Lipunang papaunlad. Hindi mababalikwas ang kanilang desisyon. Kaliwa't kanan man, kung saan ka man tumingin, sa kalakhang Maynila, kahit sa mga pangprobinsyang kolehiyo, hindi maitatanggi ang dami ng kumukuha sa kursong maiaahon daw sila sa kahirapan - sa kursong makatutulong daw sa bayan habang naglilingkod sa ibang bansa.

Bilang mag-aaaral sa unibersidad, at iskolar ng pamahalaan - ng bayan, isang matatawag na responsibilidad siguro ang paglilingkod muna namin sa bansa, bago maglingkod sa iba at isipin ang aming sarili. Marahil dapat itong pumatong sa kahit sinong Pilipinong nagtatapos sa mataas na paaralan. Natatagong utang na loob sa bayan.

Ngayong ikalawang taon ko na sa kursong sikolohiya, hindi pa rin nagbabago ang desisyon kong lumipat sa malikhaing pagsulat. Sabihin man ng iba na hindi ko iniisip ang kinabukasan ko, ng aking magiging pamilya, wala na akong maidadahilan pa - wala na akong maisasagot. Basta ang alam ko, ang nananaig sa akin, mas mahalaga ang kakuntentuhan kaysa sa kayamanan.
 
tinipa ni Bote. noong 2:32 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, June 28, 2007
Kung magmamahal ka,
siguraduhing sa taong
pag-ibig ay ilalaan -
buong puso at walang hanggan.
Dahil 'pag dumating ang panahong
ikaw ay iiwanan,
para kang nag-iisang patlang
sa madilim na lansangang
wala ng dadaan.
 
tinipa ni Bote. noong 4:34 PM | Permalink | 0 comments
Monday, June 25, 2007
Bakit may ganito?
Yey! Nanalo si Kat sa MTV Vj Hunt 2007. Dapat magdiwang.
 
tinipa ni Bote. noong 5:08 PM | Permalink | 0 comments
Tuesday, June 12, 2007
Maikling Rebyu-rebyuhan
Macarthur
97 Pages
Visual Printing Enterprises
** 2/5


Hindi ko alam kung maitatawag na nobela ang bagong aklat na isinulat ng kilalang-kilala na ngayon(iniisip kong isa na s'ya sa mga tinatangala sa Popular Literature) na si Bob Ong; maaari sigurong ikonsidera na novelette ito, o maaaring mahaba-habang maikling kuwento, kung mayroon mang ganoon.

Malayo ang libro sa apat o limang librong naunang inilabas ni Ginoong Ong. Dito, pinilit niya na magkuwento(kung sakali ngang kuwento ito, ang detalye sa loob ng sanaysay) at gumawa ng prosa. Gaya nga ng sinabi ko, hindi mabuo ang kuwento sa isip ko. Malabo ang pagkakabuo ng istorya. Tinangka n'yang paikutin ang istorya sa apat na magkakaibigan, ngunit nabigo naman s'yang pagpantay-pantayin ang lebel nito.

Non-linear ang kuwento at walang sinusundang pattern. Mabilis ang takbo nito at parang iniiwanan na lang ang ginagawa ng may-akdang mga gulo o trahedya. Kung hindi man iniiwanan ay tinatakasan ito sa pamamagitan ng mabilisang paglipat sa ibang buhay. Malabo rin ang pagkakadetalye at paggamit ng mga salita. May mga pagkakataon din na pilit ang pagpapatawa at hindi na akma ang mga salita at paggamit ng pang-uri sa sitwasyon.

Inaamin kong medyo nadismaya(pilit na translayon ng nadisappoint) ako sa bagong librong ito ni Ginoong Ong. Mas maigi sigurong tumutok na lang s'ya sa pagsulat ng mga sanaysay. Sa halagang isandaang piso, at kung ika'y isang panatiko ni Bob Ong; maaari ko sigurong ipayo na bilhin mo itong aklat na ito. Ngunit kung ikaw naman ay isang malaking panatiko ng literaturang pormal sa Filipino ay marami pang ibang libro na maaaring umubos ng oras mo, pumukaw ng atensyon, at magbukas ng isip.
 
tinipa ni Bote. noong 4:17 PM | Permalink | 0 comments
Wednesday, May 23, 2007
Paano ba malalaman
kung kumakalam ang tiyan?
'Yung parang kumukulo ba,
'yung parang humihilam?
Pareho lang pala ang ramdam
'pag umiibig, may suklam;
saya, alimuom ng kahirapan.
 
tinipa ni Bote. noong 2:39 PM | Permalink | 0 comments
Pagbabago
[Paglalaro muli sa maikling-maikling kuwento.]

Oo, sasabihin ko na sa'yo.

Nitong mga nagdaang araw, napansin kong nagbabago na ang pagtingin mo sa 'kin. Gusto sana kitang tapatin, pero hindi ko naman alam kung paano kita kakausapin.

'Yung dati mong pagtingin at pagaruga, hindi ko na ramdam ngayon. 'Yung dati mong pagmamalasakit [pagdala ng pagkain, paghaplos, pagkausap] -- lahat 'yun, hindi ko na nararanasan. Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang lahat, o baka, kailan natapos ang lahat.

Wala na akong magagawa, may iba na sigurong pumupukaw ng atensyon mo. Ganito na lang siguro ang pakay ko sa mundo -- at ang tanging hiling ko na lang, huling nais ko sa lahat, ay huwag akong patayin at kainin ng kung sinu-sino, lalo na, ikaw.
 
tinipa ni Bote. noong 1:41 PM | Permalink | 0 comments
Monday, May 21, 2007
Pagtanda, Pagtanda
Hindi ko maintindihan
ang ibig sabihin
ng edad.

Nakakatuwa 'yung
tatay ko, hindi n'ya
kasi ako inabutan.

Mahaba ako matulog,
maaga s'yang umaalis,
tineks na lang n'ya ko.

Nakakatuwa din
'yung mga dati kong kaklase.
Tineks din nila ako.

Pero, malabo pa din para
sa 'kin, ang kahalagahan
ng pagtanda.

Para sa akin, ito
ay sangkalan ng pagmamarka,
ng kaibahan sa isa't isa.

Hindi ko maintindihan,
ang kahalagahan at
importansya nito.

Parang kahapon lang
naman, diecisiete
lang ako.
 
tinipa ni Bote. noong 11:59 AM | Permalink | 0 comments
Monday, May 14, 2007
Eleksyon
Lone Keys.
 
tinipa ni Bote. noong 1:01 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, May 10, 2007
Tulong? Too long?

 
tinipa ni Bote. noong 1:12 PM | Permalink | 0 comments
Sunday, May 06, 2007
Halala(n)ang Pag-asa
I.
Palapit na ang eleksyon,
palapit na ang halalan.
Marami nang naglulustay ng kayamanan,
nang pangako, sayang hindi ako nakapagrehistro.

II.
Sayang talaga. Hindi ako umabot,
isang linggo pa kasi tapos ng eleksyon
ako tutuntong sa tinatawag nilang
tamang edad. Nakakainis.

III.
Ang dami nanamang pangako. Sa tv,
sa radyo, kahit sa friendster, may mga
pulitiko ng nagbubulalas ng kumukulong
pangako ng kayamanan at kaayusan.

IV.
Ang tanong, bakit mayroon pang mga
naniniwala? Bakit may sumasampalataya?
Hindi ako nawawalan ng pag-asa, pero
wala lang talaga akong tiwala.

V.
Nakakalungkot man isipin, sarilihan na
ang labanan. Siguro meron pa namang
hindi lang sarili nila ang iniisip, siguro
meron pa ring nagmamalasakit. Siguro, 'asan?

VI.
Nasa sinapupunan pa? Naglalaro pa
sa lansangan? Nagpapakadalubhasa sa
kolehiyo? ? Tinapon sa basura? O baka
nasa isip pa lang ng dalawang tao?

VII.
Nakakatawang isipin na ang maaaring sumalba
sa atin, 'yung mag-aangat sa estado (tutupad ng pangarap etc.),
eh baka pinabayaan ng lumangoy mag-isa at mamatay.
Maaaring wala na, maaaring limot na. Magisip-isip ka.
 
tinipa ni Bote. noong 2:33 PM | Permalink | 0 comments
Friday, April 20, 2007
Mas Madali Gumawa ng Bata Kaysa Gumawa ng Tula
Masaya ang araw ko, kahit medyo masakit ang ulo, wala kasi
akong masyadong tulog, sinurpresa kasi namin ng mga kaklase
ko nung hayskul ang isa pa naming kaklase, debut kasi n’ya.
Masaya naman, binulaga namin s’ya sa bahay nila, with cakes
and candles and balloons and party hats pa ‘yun ha, kaya nga
sobrang tuwa n’ya eh, tapos diretso kami ng atc, alabang town
center ‘yun para sa hindi nakakakalam, at dumiretso kami sa
tgifriday’s para kumain sana, pero wala ng table para sa aming
labing-apat, kaya lumipat kami sa gerry’s grill tapos ‘dun na nga
nagpasyang chumibog. Masarap naman ang pagkain, dami ngang
inorder eh, may sisig, liempo, kare-kare, manok (‘yung gerry’s fried
chicken sobrang sarap) at madami pang iba. Siyempre todo kain
ako, at kami, double rice with ice cold pepsi bilang panulak.
Nakakatuwa nga eh, ‘yung mga babae papicture picture taking
na lang dun, ang ingay nga nila eh, may song number pa, parang
mini chorale, sabi pa nila – ‘nandirito kami ang barkada mong tunay
aawit sa’yo, sa lungkot o ligaya, hirap o ginhawa kami’y kasama.’

Medyo cheesy, chummy, at baduy nga eh pero ok na din naman,
wala namang pansinan ‘dun, kahit na pang-elitistang mall ‘yun.
‘Tapos lumamon s’yempre bayad(hindi ko alam kung magkano pero
sa tantiya ko medyo may kamahalan ‘yun) at naglakad na kami
palayo, kala ko nga uwian na eh, pero hindi pa pala, picture taking
moments pa at naghanap lang sila ng magandang background. Ayun
todo pose ‘yung mga kaklase kong babae, nakakatuwa
nga eh, ang lalaki na nila, at namin nga. Tapos sakay na kami ng
nirentahang van, nasabi ko na sa sarili ko na uwian na nga. Sabi ko
kay third na isa kong classmate na tulog ako sa kanila
kasi gabi na at mahirap ng umuwi, tapos nagsama pa ko ng isa pang
kaklase namin para hindi lang ako ‘yung magoovernight. Tapos ‘yun
bumaba na kami ng van, nagpaalam at dumiretso na sa bahay nina
third. Bumili kami ng 1.5 litres na coke at sprite at kropek para
may snack kami. Ayun lamon ulit kami. Masaya, kwentuhan,
ayaw nga magpatulog ang sobrang tawanan. Tapos madami pang
napag-usapan na hindi pwedeng ilagay sa walang kwentang tulang

ito dahil baka magalit si Chairman Laguardia sa ‘kin. Sa totoo,
gusto ko lang namang magsalaysay patungkol sa nangyari sa
sorpresang birthday blow-out, pero hindi ko alam kung paano ito
wawakasan. Ang hirap talaga gumawa ng tula, kaya sabi ko

kay third habang umiinom ng sprite at kumakain ng kropek –
‘mas madaling gumawa ng bata kaysa gumawa ng tula ngunit ang

responsibilidad ng una’y hindi nalalayo sa huli.’
Maaaring maraming sumalungat sa akin
pero tula ko ‘to at gumawa na lang kayo ng sarili ninyong tula o

pwede din siguro ng bata.
 
tinipa ni Bote. noong 10:29 AM | Permalink | 0 comments
Pagtatapos ng Panimula, Panimula ng Pagtatapos
Wala ng pagaagam-agam pa ang paniniwala kong mabilis talaga ang takbo ng panahon.

Hindi ako makapaniwala. Tapos na ang unang taon ko sa kolehiyo, ang unang taon ko sa unibersidad. Ito ‘yung taong puno ng kasiyahan, paghihirap, pagkukunwari, pagtatago, pamamasahe, pagrarason, pangangatwiran, at, sige na nga, seryosong pag-aaral. Inaamin ko, nasasabik ako at may bahid ng nostalgia ‘pag dumadapo sa isip ko ang unang taon sa unibersidad, nakakalungkot na mabilis matapos ang matulin ding nabuong mga pagkakaibigan; sa unibersidad nga kasi, ang pagiging magkaibigan at magkaklase ay kadalasang panandalian, dahil na din sa napakadaming kadahilanan.

Sa totoo, kapag naaalala ko ang unibersidad ngayong bakasyon, naaalala ko ‘yung panahong nag-aapply pa lang ako at kalalabas pa lang ng resulta ng upcat. Takot ako ‘nun. Sino ba namang limampung-kilong-labing-anim-na-taong-gulang na probinsiyano ang hindi malulula sa lawak ng unibersidad? Ang layo ng pagitan at taas ng mga gusali, ang lawak at haba ng mga daan, ang iba’t ibang lahi at etnisidad – ilan lang sa mga bagay na maaaring makapanggulat sa, ayon nga sa wikang peyups, isang freshie.

Naalala ko ‘nun, tandang-tanda ko ‘yung pakiramdam ko ‘nung mga unang buwan ko sa unibersidad. Ayokong maging freshie. Sa pagiging ganito kasi nagkakaroon ng konotasyon na mura pa ang itinigil mo sa peyups at wala ka pang masyadong alam, ‘yung parang lahat ng hindi “freshie” ay may responsibilidad at kapangyarihang turuan ka. Hindi ko nagustuhan ‘yun. Ang gusto ko kasi, ako na bahalang lumutas sa problema ko o sa mga bumabagabag sa ‘kin, ako na bahala sa sarili ko. Pero natiis ko naman, at hindi ako umarte na parang freshie. Nakakatuwa nga ‘yung mga minsang may mga kaklase akong napagkakamalan akong upper class. Ang sarap sa pakiramdam na iba ang dating ko, na hindi ako parang kuting na iniwan sa naiibang lugar.

Nakalulungkot din ‘pag naiisip ko na nahirapan akong magadjust sa unang semestre ko sa unibersidad. Inaamin ko, nahirapan ako. Napakadaming bagong bagay na dapat isa-isip at ipasok sa sirkulasyon. Hindi ganoon kaganda ang resulta ng mga grado ko. Hindi man ako tuluyang sumalampak sa balon ng kawalang kinabukasan, ay malungkot pa din ang gunita ko noon, hindi ko alam kung paano sasabihin sa mga kapamilya, hindi ko alam kung paano uumpisihan at tatapusin.

Pero hindi naman ako agad nagpadala sa pagkabigla. Nakabawi ako nitong sumunod na semestre. Matataas halos lahat ng grado ko, at may bonus pa, college scholar ako ngayong sem, na nangangahulugang 1.45 hanggang 1.75 ang gwa ko o general weighted average. Nakakatuwang nagbunga ang mga paghihirap ko, at salamat na din dahil mahuhusay ang mga propesor kong tunay na humubog at nagmulat sa akin – sa akin sa edukasyon sa unibersidad.

Nakalulungkot na baka hindi na muling magtagpo ng mga kaibigan at kaklaseng kahit papano’y naging kasangga ko sa loob ng isang taon. Nagpapasaya sa ‘kin ang gunita ng mga nakaraang aktibidad at klase, napapangiti ako ng mga kaganapan sa unibersidad.


Maraming salamat unibersidad naming mahal, maraming salamat sa lahat. Pero hindi pa tapos ang lahat, marahil, tapos na ang simula, ngunit marami pa rin akong dapat lakbayin at harapin, marami pa para sa hinahangad kong buong pusong kakuntentuhan. Salamat at hanggang sa pagbalik ko sa Hunyo.
 
tinipa ni Bote. noong 10:25 AM | Permalink | 0 comments
Sadomasokismo
Hinuli na nga ako at ginilitan.
Laman-loob, balahibo, tinanggalan.
Hinugasan, tinadtad nga ang katawan,
ininspeksyon ng walang kalaban-laban.

Buong katawan ko ay paralisado;
pakpak, binti, hita, hiwalay ang ulo.
Mistulan akong minolestya, ginulo;
kabalintunaan man, binaboy ako.

Binudburan ng harina, ng paminta,
ng suka, toyo, Tide Powder at iba pa.
Inilublob sa kumukulong Minola,
prinito, pinatuyo, at iniwan na.

Narinig kong sumigaw ang service cashier.
“Chicken Joy, 1 piece please!” wika n’yang matulin.
Dinampot ako’t inilagay sa madilim
na plastic styropore na may’ron pang kanin.

Dalian nga akong kinuha’t binuhat
ng isang service crew na agad naglakad.
“Here’s your order,” sambit n’ya ng mahagilap
si Customer 9 at ako’y inilapag.

Pinagmasdan n’ya ako at tinitigan,
pinira-piraso ang tadtad na laman.
Hiniwa’t dinip sa gravy na sawsawan,
sinubo’t hinulog na papuntang tiyan.

Napaisip na lang ako, natulala
habang sa intestines n’ya ay bumababa.
Masaklap man nga itong aking napala,
masaya na din ako ‘pagkat may natuwa
.
 
tinipa ni Bote. noong 10:13 AM | Permalink | 0 comments
Saturday, April 07, 2007
Hirap-hirap
[Paglalaro sa maikling-maikling kuwento.]

Hindi ba't makailang beses mo na ding tinangka na wakasan ang sinasabi mong masahol na buhay? Hindi ba't ilang beses ka na ding sumuko pero ano? Nabakla ka sa katotohanan. Puro ka kasi drawing. kahit hindi naman kagandahan.

Tapos 'eto ngayon? Sasabihin mong hindi mo na kaya ang hirap? Eh ano ba ang gusto mo? Puros kasarapan? Kasiyahan na lang palagi? Wala ka na ba talaga sa katinuan at ang natural na galaw ng mundo'y binabaliko't pinasisirit mo na lang sa baku-bako mong kukote? Wala kang magagawa dahil hindi natin alam ang susunod na mangyayari sa buhay natin. Hindi natin masisiguro ang sunod na hakbang.

Tapos umiyak ka ngayon. Ano bang hirap ang binubulalas mo? Ang pag pasan ng mga hirap at pasakit dito sa lupa, o ang literal na hirap na bumabalot dito ngayon sa lupa? Alam ko sawa ka na sa sardinas at sawa na din ako, kaya pwede, samahan mo muna ko?
 
tinipa ni Bote. noong 1:53 PM | Permalink | 0 comments
Friday, March 23, 2007
Tys and Salamats
[May 's' para cool.]

Matagal din akong hindi nakapagtipa. Namiss ko 'tong gawain na 'to. Ang totoo nawalan na ko ng panahon. Pero bago ang kadramahan, nais kong gamitin ang puwang na ito upang magpasalamat. Salamat dahil natapos na ang ikalawang semestre. Salamat sa mga propesor at propesorang nagmulat at humubog sa akin.

Prof. Ana. Thank you.

Prof. Vange. Thank you.

Prof. Jerry. Thank you.

Prof. Soledad. Thank you.

Prof. Eugene. Salamat ser.

Prof. Vlad. Salamat ser.
 
tinipa ni Bote. noong 4:09 PM | Permalink | 0 comments
Quotable-quotes Ngayong Semestre
"You know role playing?" - Prof. Tuazon, Psych101

"Magandang balita, may field trip tayo... [sumagot ang klase: san ser?] ...sa KNL![seryosong mukha + tawang mala-demonyo]" - Ser Eugene Evasco, PanPil17

"O kita n'yo na... ngayon pa lang nalilito na kayo sa kasarian n'yo." - Prof. Dalisay, SocSci3

"Concretize." - Prof. Los Banos, CW10

"Ang problema ng Pilipinas ay nasa kultura na, kayo, baka kaya n'yo pang ayusin." - Prof. Katigbak, Geog1

"Magpachummy-chummy naman kayo paminsan-minsan!" - Ser Vlad Gonzales, MPs10

"Gusto ko sanang malaman kung sa'n kayo magaling, sa kulturang popular ba o sa kasaysayan, pero wala eh." - Ser Eugene Evasco, PanPil17

"...kung gusto n'yo si Pilita Corales pa isama n'yo eh... tapos sisisid kayo sa dagat etc etc..." - Ser Vlad Gonzales, MPs10

"Wala sa unibersidad ang edukasyon! Ako? Nasa-UP magmula pre-school hanggang ngayong patapos na ko ng phd...pero hindi ako dito natuto.. natuto ako sa labas." - Ser Eugene Evasco, Panpil17
 
tinipa ni Bote. noong 3:53 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, February 08, 2007
Lipad, Lapid, Lipad
Kung sasakay ako ng flying kalesa,
si Lito Lapid ang gusto kong isama.
Maglalakbay kami sa'n man ang gusto n'ya,
pwede din siguro kaming mangampanya.

Sa Pampanga muna kami didiretso,
lilipad sa lahar na parang disyerto,
dadaan-daan sa mga bayan nito,
magsasaya, lilimutin ang senado.

At dahil nga ang English ni Lito'y palpak,
maghahanap kami ng makalulutas.
Problema n'ya sa wika'y dapat matibag,
upang speech sa kampanya'y hindi bumagsak.

Saan man nga kami tangayin ng hangin,
English tutor ang sunod na hahanapin.
Teacher ang hanap namin upang s'ya'y maging
English proficient at lalo pang gumaling.

Pagtapos ng lessons ay siguro naman
okey na kami para mangibangbayan.
Sa Estados Unidos, maging sa Japan,
Bush at kay Abe, makikipagkamayan.

Pagtigil ng trip namin sa buong mundo,
susubukan naming lumabas ng globo.
Mercury, Mars hanggang sa sulok ng Pluto,
magtataguan pa, magpapatintero.

Tapos ay babalik kami sa Manila
at makikipagkita sa barkada n'ya.
Kina Jinggoy, Bong, at iba pang artista,
magchichikihan tungkol sa pulitika.

Makati City ang huling dadaanan,
pagkampanya'y 'di namin kalilimutan.
'Di matatakot kahit kay Mayor Binay,
ano man, kahit Englishan pa ang laban.

Sa pagtapos nga ng trip naming dalawa
galing n'ya sa baril, titingnan ko muna
Patatamaan nami'y tig-sampung lata,
talo'y manonood ng Tatlong Baraha.
 
tinipa ni Bote. noong 1:27 PM | Permalink | 0 comments
Wednesday, January 31, 2007
Femur
Pinakamalaking buto
sa katawan ng sang tao.
Turo iyan ng titser ko
na madaldal, parang loro.

Nagulo ako, nagtanong.
Sabi kasi ng titser kong
isa, di lang to ang merong
mga butong nagkukumpol.

Sabi nya, di ba ang ubas
may mga buto ding imbak?
Kaya di dapat ihayag,
sa katawan lang to tiyak.

Nagdilim ang paningin ko,
tumayo ang balahibo.
Pakiramdam koy niloko,
sinalaulat ginulo.

Hinanap ko ang telephone,
at agad akong nagsumbong.
Buhay pa si Ernie Baron
non eh
, sa kanya nagtanong.

Nagwika nga agad ako,
at nashock sa sagot nito.

Bibigyan kita ng piso,
hanap ka nang kausap mo!
 
tinipa ni Bote. noong 8:52 PM | Permalink | 0 comments
Monday, December 11, 2006
Para sa Inyo
Malapit na muli ang bakasyon. Naamoy-amoy ko na ang aroma ng kapahingahan. Kinikilig na ko sa kasabikan. Nakakatuwa na nakakalungkot. Masaya kasi ngayong ikalawang semestre, masaya kasi ngayong hati ng taon. Galak ang hatid ng halos lahat ng kurso ko. Galak na nagbibigay sa 'kin ng kasiglahan upang bumangon t'wing umaga at pumasok.

At ngayong malamig na ang panahon, napapaisip ako. Napapatanong sa sarili, napapangiti na lang bigla sa kawalan.

Naiisip ko 'yung mga kaklase ko 'nung hayskul. 'Yung saya ng bawat isa, 'yung saya 'pag palapit na 'yung mga ganitong panahon. 'Yung lintik sa dalas na mga paggala, 'yung mga ngiti at tuwa ng kabataang walang alam kundi ang mga bagong bagay na isinusubo na lang sa kanila. Hindi ko alam ang termino sa filipino ng oxymoron, pero ang alam ko, ito ang pakiramdam ko ngayon. Hindi ko din alam ang termino sa filipino ng salitang nostalgia, pero ito din ang bumubulwa-bulwak sa puso't isipan ko ngayon. At para hiramin ang isang oxymoron ni G. Shakespeare - nostalgia is such sweet sorrow. And I'm loving it.

Nakakalungkot man isipin, pero siguro hindi na kami muling magkakasama-sama ng buong-buo. Pwera na lang siguro kung may sisipaging magyakag, o kaya nama'y magkagulo sa palasyo ng pangulo at nakansela ang klase ng isang buwan, isang buong buwan para magkaroon kami ng pagkakataon upang magkasama-sama at makadaumpalad muli ang isa't isa.

Seryoso at walang halong kadramahan.

Nakakasabik 'yung nakaraan. Sabi nga sa isang baduy slash bakya term - nakakamiss. Nakakamiss 'yung mga dati kong kaklase. Nakakamiss 'yung dating mga panahon at pagkakataon. Nakakamiss 'yung pawis ni Bilog, nakakamiss 'yung ngiti ni Totski, nakakamiss 'yung mala-kweba-sa-kwebang halakhak at pagsasalita ni Golda. Nakakamiss 'yung mga dating pang-aasar, panggagantso, 'yung dating mga panloloko. Nakakamiss 'yung tropang kubeta, nakakamiss 'yung tropa naming mga lalaki na walang alam gawin kundi tumambay, magkompyuter, at mang-asar. Nakakamiss lahat ng tao at pangyayari na lumipas.

Hindi lang estetiko ng tao o grupo ng tao 'yung hinahanap-hanap ko. Namimiss ko din 'yung lugar, 'yung paaralan na pinagsibulan namin. Namimiss ko 'yung lugar na nakasaksi ng pag-unlad namin, ng pagbagsak, ng pagtayo muli, at ng walang kamatayang pagngiti sa kabila ng pingas na damdamin.

Wala ng panahon para bumawi sa lipas ng mga kasalanan, wala ng oras para balikan pa ang mga nagdaang masasalimuot, mga nagdaang binahiran ng itim at pula. Nakakainis 'yung pakiramdam. Pakiramdam ng pagsisisi at kawalan ng katahimikan.

Pero kung saan man sila napadpad, at kung saan man kami mapunta, sana masaya sila, sana masaya kami. Sana, at siguro naman, walang makalimot. Sana walang magdamot sa oras. Masaya bumalik sa nakalipas, masaya bumalik sa pagkabata. Pero mahirap isipin na sa mundo ngayon, deklaradong imposible ang bumalik sa nakaraan.
 
tinipa ni Bote. noong 1:20 PM | Permalink | 0 comments
Monday, November 13, 2006
Tago
Nakakahiya
Hindi ko kasi alam kung hanggang kailan
Kung hanggang kailan maitatago
Kung kailan bibitaw sa pagkukubli

Nakakainis
Marami kasing pagkakataon
Pagkakataon para magbago't umayos
Pagkakataon para tumuwid ang taon

Nakakagulo
Samu't sari kasi ang mga daan
Mga daan patungong gusto ng kalamnan
Mga daan paakyat o pababa ng hagdan

Nakakahiya, nakakainis, nakakagulo
Mga bagay sa buhay ko ngayon
Sa buhay ko ngayong pagsasalawahan
Sa buhay ko ngayong direksyon ay liban
 
tinipa ni Bote. noong 1:26 PM | Permalink | 0 comments
OdaVeyra
Malupit na komento, malalim at napakamisteryosong boses. Sir Lourd de Veyra - ang taas mo. Swak na hurado sa labanan ng mga puros pangarap.
 
tinipa ni Bote. noong 1:22 PM | Permalink | 0 comments
Ma-
Matapos akong mag-dota buong sembreyk upang lunurin ang sama ng loob sa m11, ay buong ngiting nakabungad naman ngayong ang panibagong semestre ng pagkakataon at buhay. Masaya na din ako. Kahit papaano.

Masigla ako 'pag lunes at huwebes dahil masigla ang unang prop ko sa unang kurso. Kaaliw-aliw magturo si prop. ee. Katuwa-tuwa ang mga tanong, ang mga ideya. Nakakaamoy ako ng pagkahalina, ng pagsunod, ng mentor.

Maganda ang prop ko sa 101. Kahit na hindi ito ang inaasahan kong prop, masaya na din ako kasi bata pa s'ya, masaya na din ako kasi hindi s'ya terorista tulad ng iba. Marami lang dapat gawin at suriin, pero masaya kahit may mga conokids sa paligid. Hindi naman nakaaapekto.

Malamya ang prop ko sa g1. Mahina ang boses, at pa-syalow epek ang dating. Pero hindi naaalis sa isip ko na nakita ko na s'ya o nakasalamuha na dati. De javu?

Mahalimuyak 'pag martes. Masaya kasi may cw. Masaya kahit matrabaho.

Mabait ang prop ko at madaming magaganda sa klase ko sa ss3. Meron na ata akong nakikitang kursong iiyak ako 'pag 'sakaling hindi maiwasang lumiban. Insprirasyon sa pagpasok ng maaga.

Malakas ang tiyansang si prop-palanca-circle-slash-winner ang prop ko sa mps10. Masaya. Lalo na ngayong naghahanap ako ng kasama, ng kaisip.

Mananalig ako ngayong sem. At sana kaunting tsamba muli.
 
tinipa ni Bote. noong 1:07 PM | Permalink | 0 comments
Friday, October 20, 2006
Sabinila
Lugmok na ako, sabi nila
Bagsak na ako, sabi nila
Madilim ang tungo, walang makita
Walang mararating, parang tanga

Wala na ako, sabi nila
Tapos na ako, sabi nila
Ayaw magtiwala, lahat mawawala
Ubos na ang lahat, buong-buong binura

Limot na ako, sabi nila
Upos na ako, sabi nila
Hindi naghanda, lahat binalewala
Pikit na ang mata, diretso ang paa

Sira na ako, sabi nila
Sumabog na, sabi ng iba
Naghihinagpis, tumitingin sa tala
Sabi ng iba, sabi nila
 
tinipa ni Bote. noong 10:36 AM | Permalink | 0 comments
Wednesday, October 11, 2006
Blink
Ah... ang amoy ng kasawian.
 
tinipa ni Bote. noong 2:56 PM | Permalink | 0 comments
Saturday, September 23, 2006
Matagal
Matagal-tagal na din mula nung huli akong nagtipa. Hindi ko alam. Nagbago na ata ako. Nagbago na ata ang buhay ko. Siguro puspos lang ako sa kamalasan ng mga nagdaang-araw, marahil nakapagpapabaya na 'ko, baka nakatadhana lang talaga ang mga dapat maganap.

Matagal-tagal na din mula nung huli akong maglitanya. Hindi ko alam. Nauubusan at unti-unti na kasing nagiging hangin ang pag-asa ko. Pag-asa ko sa mga pamatay na Prop, sa panigil-hiningang Math 11. Pag-asa ko sa buhay. Sa buhay sa Peyups, sa buhay bilang isang labingpitong anyos na naghahangad mapabilis ang daloy ng tadhana. Hindi ata ako makapagtatapos ng tama, hindi ata ako makapagtatapos ng wasto.

Matagal-tagal na din mula nung huli akong mag-inarte at maglabas ng sama ng loob. Hindi ko alam. Masaya naman ako sa buhay ko ngayon. Masaya ko kasi malapit nang matapos ang isang semestre na dapat ng kalimutan. At ang tanging inaantay ko na lang, ay kung ano ang magiging kapalaran, at kung ano ang susunod na hakbang.

Matagal-tagal na din mula nung huli akong tumingin sa sarili ko. Hindi ko alam. Hindi na ako marunong mag-saya, bukod sa palagiang paglalaro nang nakakasamang Dota, wala na akong ginagawang iba para lumigaya, o mangiti, wala na akong gustong gawin pa. Hindi ko na nabibigyan ng pagkakilanlan ang sarili ko, hindi ko na binibigyan ng pag-asa na umunlad at mapaunlad ng panahon.

Matagal-tagal na din mula nung huli akong maging ganito. Hindi ko alam. Pero maginhawa ang pakiramdam ko.
 
tinipa ni Bote. noong 11:15 AM | Permalink | 0 comments
Sunday, September 03, 2006
To: From:
Minsan napipikon ako sa mga tao. Kay Justice Sec. Gonzalez na nagsimula ng walang kautak-utak na litanya, na nagudyok naman sa mga sitwasyong kami ang lumalabas na antagonista. Sabagay, lagi naman. Hindi ko alam kung 'sakali at kung tumindi pa ang sitwasyon, hindi ko alam kung matitiis ko pang hindi sumama sa sigaw at magtiis ng init ng araw. Pero pinipigilan pa din ako ng sarili ko. At sa lahat ng mga nagsalita, nambatikos, at nanira, na hindi nag-iisip, nilalahat at ginugrupo ang lahat ng bagay - salamat. Salamat, salamat, kasi lalo kami naging mapagmasid, lalo akong naging kritikal.

Sa mga nakikisawsaw kuno.

- Lugmok ang bayang tinatakpan n'yo ang kasalanan.
 
tinipa ni Bote. noong 12:57 PM | Permalink | 0 comments
Friday, August 18, 2006
Soup for the Soul
Isang gabi natuwa ako sa kabila ng kapaguran
Nagsabay ang dalawang nagtitinda ng balut sa daan
Tapos nagkatingininan, nagkumpasan ang parehong kamay
Nagpatagalan ng tayo, ng titig, mistulang mag-aaway

Dati pa, panahong wala pa 'kong alam, ay kumakain ako ng balut
Madalas bumili ang lolo ko 'nun dati, pampalakas daw ng katawan
Pero hindi ko kinakain 'yung kinawawang sisiw,
Naaawa kasi ako, hindi s'ya dumaan sa wastong demokrasya at paglilitis

Sabi nila kaya daw sa gabi tinitinda ang balut kasi pampasigla daw 'to at pampatayo
Pampatayo daw ng paninindigan upang maipaglaban ang sarili
Pampatayo daw ng mga istrakturang pangkawanggawa
Pampasigla daw kasi ito ng pagkatao

Pero bata pa lang ako, hindi ko na pinangarap maging balut,
Hindi ko na pinangarap na itinda sa gabi
Mas gusto kong maging taho, kasi ang taho
Mas ginugusto sa umaga, at naturalmente -


Mas gusto ko sa araw.
 
tinipa ni Bote. noong 11:30 AM | Permalink | 0 comments
Wednesday, August 09, 2006
Pag-asa ng Bayan na Naghihingalo sa Usok ng Kawalang Kaalaman
[Para kay Prof.AdV, Philo11, PH312]

Si Prop. Si Prop ang nagbibigay ng kulay at ng kaunting paso sa linggo-linggo naming puros trabaho at kabalintunaan. S'ya ang nagbibigay ng bagong kaaalaman, s'ya ang nagpapatakbo at nagpapadaloy ng likido na namumuo sa malawak at puro espasyong bagay sa pagitan ng mga tenga. Si Prop ang walang sawang nagpapahirap sa 'min, nagpapahirap pero sa katunayan ay pagtulong ang nais n'ya, hindi lang talaga namin alam ang pagitan ng pagtulong at pagpapahirap.

Si Prop. Si Prop ang may alam. Si Prop ang maraming alam. Mula sa kapanganakan ni Gali's hanggang sa pangulo daw natin sa kasalukuyan ay mamamata mo ang kahusayan sa kaalaman. Minsan iniisip ko nga kung paano nakamit ni Prop ang lahat ng nalalalaman n'ya, pero siguro naiiba lang talaga s'ya, siguro pinagpala si Prop.

Si Prop. Si Prop ang pinaniniwalaan ng lahat. Si Prop ang may sagot sa lahat ng katanungang bumabagabag sa malalabo nating pagkatao. S'ya ang makapagsasambit ng mga katagang ikatutuwa ng lahat. Minsan naiisip ko nga kung nasa kan'ya na ang lahat, siguro hindi pa lahat, pero muntik na.

Si Prop. Si Prop ang astig at ang bagets. Kahit na sa edad na may katagalan na sa lupa, hindi s'ya nahuhuli sa mga bagay na uso, mga bagay na mainit sa ngayon. Walang patawad si Prop, kahit Laguna Beach, ayos.

Si Prop. Si Prop ang matatag. Si Prop ang may napakatindi at labis-labis na paninindigan. Si Prop ang walang kinikilalang nakatataas na nilalalang, si Prop na hindi naniniwala sa kapangyarihang gumawa ng lahat ng bagay. Oo, atheist si Prop, pero hindi n'ya kami pinipilit na paniwalaan ang kaniyang pinaniniwalaan. At 'pag iniisip ko, tama rin talaga si Prop, "...kaya tayo hindi umuunlad kasi ano ginagawa nating mga Pinoy? Magsisimba sa umaga, magkukuwanwaring naniniwala tapos ano gagawin pagkatapos? Tataya sa Lotto at maghihintay ng himala. Wala, wala, hindi tayo uunlad sa paniniwala't mga himala..."

Si Prop. Si Prop na makapagsasalba. Kuwentuhan nga namin ng kaibigan ko sa klase, 'pag tumakbo si Prop sa pinakamataas na puwesto sa bansa, tiyak na tiyak, uusad ang bansa pataas. Si Prop ang maaaring may sagot sa mga problemang ilang kamatayan na ang nasaksihan, sa katunayan nga, at naniniwala kaming lahat, si Prop ang pag-asa ng bayan nating naghihingalo sa usok ng kawalang kaalaman.
 
tinipa ni Bote. noong 11:31 AM | Permalink | 0 comments
Saturday, July 22, 2006
Hindi Maisip
[Para kay Osikos-Opspaynayn]

Nagsasama ang bawat araw
Sumasara ang simulain ng kahapon
Lumilinaw ang mga lumang pagpanaw
Sumisibol ang pag-usad sa ngayon

Mga pagkakataong nais magsalita
Mga araw na gustong magdesisyon
Sa mga araw na pilit kumakawala
Sa mga pagkakataon na puros ambon

Maligaya sana kung marami
Masaya sana kung hindi nag-iisa
Malungkot 'pag kumukupas ang pagsali
Pighati 'pag nawala ang ala-ala

Hindi maisip ang sarili sa ganitong lagay
Hindi maabtan ng utak ang ganitong kalagayan
Totoong iba ang hanap ng kamay
Tamang iba ang dapat na tuonan

Sa dami ng balakid dapat sana noon pa
Sa bigat ng dala dapat kahapon pa inayos
Para 'di matulad sa ngayon, kulang na
Upang 'di magaya sa mali't panahon ay umagos

Sayang
 
tinipa ni Bote. noong 10:57 AM | Permalink | 0 comments
Thursday, July 06, 2006
Ins Ek
Tipaklong-slash-Politisyan : O? Langgam? Bakit parang tinatamad ka ata? Anong meron? May natapakan nanaman ba? May nasama sa kinakaing keyk? Ano? Magsalita ka Langgam!

Langgam : Wala, wala Kuraplong. Wala sa mga ibinulalas ng maasim mong dila ang may kahit kaunti mang katotohanan.

ConioKid-slash-Tipaklong : Huh? What's the problem ba kasi? Anong wrong? Can I make tulong in any way?

Langgam : Hindi GrassHoppy, wala. Gusto ko lang siguro *magrest*. Gusto ko lang... sundin ang sarili ko.

*Men in Black theme song*

[If you can't convince them, confuse them. - Harry S. Truman, 33rd US President]
 
tinipa ni Bote. noong 5:18 PM | Permalink | 0 comments
Monday, July 03, 2006
Tao Po
May paru-paro pa ring lumilyag-liyag sa puso at bituka ko na puwersahang hindi ako pinakakain at pinakakalma. Pero hindi ito tulad ng paru-paro ni Rustom Padilla na maaaring makapagudyok upang masabi ang katotohanan at makapanggulat nang napakaraming mga Pilipinong mahilig idikit ang kanilang tenga sa pader o pintuan. Hindi ako mapalagay. Hindi pa ako kuntento sa buhay at sa riles na tinutunton ko ngayon. Siguro, naninibago lang ako.

Hindi pa din pumapasok sa maliit kong utak kung bakit kailangang magseryoso, magsikap, at iwanan ng panandalian ang pagpaparaya. Hindi ako sanay na diinan ang isang bagay na matagal ko nang ginagawang magaan. Ayoko sanang lumabas na napakalalim pero, sana, ayoko na ng malaking espektasyon at paghahangad ng tagumpay o respeto.

Gusto kong maging iba, pero muli, hindi ko pinagtanggol ang sarili ko at hindi ko ipinaglaban ang kagustuhan ko na s'ya namang bumabalot sa matipuno kong karapatan. Hindi ko tinutulan at nagpakatuta ako.

Hindi ko naipaglaban, kaya paminsan, iniisip ko, kung tama lang ba na nakapasok ako at nananatili sa kung saan mang naroon ako ngayon at humuhugot ng kadalisayan? Naitatanong ko tuloy sa manipis kong sarili, kung at kung lamang, na naipaglaban ko ang una kong pagsabak sa mundo ng pagtayo sa sarili, ay mababago kaya ang kalagayan ko sa kasalukuyan? Magiging masaya kaya ako at magiging panatag?

Siguro may paru-paro pa rin, at sa kasong iyon, paru-paro na - ng paninindigan.

Pasubok sana.
 
tinipa ni Bote. noong 4:24 PM | Permalink | 0 comments
Saturday, June 24, 2006
Ol Kaps
[Para kay Kasaluks]

Kapos sa pera
'Wag maglakwatsa
Kapos sa isip
'Wag mainip
Ganyan ang buhay
Pinulbos na kulay
Pero minsan nabubura
'Lang'ya 'yoko sanang magmura, pero

Kapos sa puso
'Wag ngumuso
Kapos sa diskarte
Bawasan ang pag-arte
Kapos sa utak
Humawak ng tabak, maging tibak
Sumigaw ng kalayaan!
Sarili, bayan, 'wag pabayaan

Kapos sa lahat
Ba't kayo nagkalat?
Mag-aral ng mabuti
Ipasok lahat sa kokote
Teka, bakit ba ko nagsesermon?
Bakit parang lahat hinahamon?
Kapos na nga ako sa salita, pati sa gawa
Bigyan mo 'ko ng trabaho, nang makahinga
At sa himala'y 'di umasa
 
tinipa ni Bote. noong 4:27 PM | Permalink | 0 comments
Wednesday, June 21, 2006
Hotdog
[First journal entry for Eng 1 - MHV2 about my literacy history and still, trying hard.]

Carrying me at her womb, my mother used to read an array of books for she's a professor from a state university before. From huge accountancy books to small children's books, my mother thoroughly believed that starting exaggeratingly early gives the upper hand later. And even though she died when I was only 2 years old, she was granted the chance to listen to my first word, a compound one, "hotdog," which, as other members of my family told me, I heard and I grabbed from an old fast food chain commercial.

I learned to listen well at the same time as I learned to speak well. Capture one and you'll get the other, they say. I also learned to write, although lousily, letters and numbers at a juvenile age. Even though my mother left me early, my aunt carried the burden of teaching me to do things the right way. She taught me to spell common names of animals, simple words, up to the time that I could spell names of countries from Soviet Russia. She taught me the value of reading, and the golden materials for a young growing boy to read. I remember that I didn't have many action figures and matchbox cars to play with before, but I had books. I'd collected several fun-filled activity books back then, stiffly accepting the fact that I have to be contented with my older brother's used and wrecked-up toys.

As my age ascended, I was inclined in writing, even though I didn't write legibly enough. I loved writing. It became my passion. Many always say that if you love to write, then definitely you must've also love reading. Grasp the other and the other one will cling inherently, they also say. That approach didn't work for me. Although I had many books, it was all activity ones, books that didn't give you the drive to write, the force to start a journal with. For me it was the mass media medium that worked. I was hooked with the powerful force of television and radio, which substituted from my lack of reading materials. I learned from it, and it gave me the drive, the force, enabling me to write and gain experience with anything and everything under our blazing tropical sun.

Looking nostalgically back now, I learned the value of early literacy, inherited to me by my family, which gave it emphasis and a ton of weight. I learned that teachers and mentors, deserves the utmost admiration and respect, passing the mighty torch of being literate, and starting it at an early age.

I loved my childhood, I treasure it a lot. And even though it was painted by used and wrecked-up toys, I adored my activity and coloring books, it made me undoubtedly happy. And thanks to the new means of acquiring knowledge; it earned me a slot in the handful of vital and essential creatures that creates the better society. Maybe that's all we need after all, another "hotdog," to spark-up, nourish and cure the grumbling literacy of our starving country.
 
tinipa ni Bote. noong 2:28 PM | Permalink | 0 comments
Saturday, June 17, 2006
Ultra-Short Introduction to Eng1 MHV2: Trying Hard and Pushing Myself to the Edge of Humiliation Just to Write in Simple English
It's been seventeen years since I made my first cry, grew hair all-over my body, made friends, and laughed a lot in this crowded, dog-shaped archipelago called the Philippines. It's been seventeen long years and now it reached the point where I have to choose my path, set my goal, and enter bravely in the unique world called college. And as a bonus, I've been accepted to the semi-controversial and premiere state university in the whole country - UP Diliman.

I'm Bote - a happy-go lucky, internet freak, couch potato all mixed-up in a small and skinny body. I'm entering the realms of this university with a thick Caviteno accent and a shallow knowledge of English as a subject - the main reason why I chose to take this class.

It's been seventeen years now and I'm gearing up for all the challenges and risks ahead. And as you told us Ma'am, I'm now here in UP, I'm now in reality.
 
tinipa ni Bote. noong 6:16 PM | Permalink | 0 comments
Friday, June 16, 2006
Nagpakamakata # 2 : Pagiging Baguhan as Eskwela at sa Siksikan sa MRT sa Kabila ng Walang Katapusan at Patay na Patay na Ginintuang Oras
Masaya ako na medyo nahihilo
Nakapaninibago
Daming tao
Daming mga kulay na uso
Nakapangingilabot ang pag-usbong
Masaya ako mag-isa
Nahihilo ako sa dami ng dumaraan
Ngumingiti at tumitingala
Na parang walang nakikita't
Nakikipag-usap sa nagtatagong buwan
Ayos na sana ang lahat
Taas noo ang pagtanyag ko
Hindi pala lahat may utak
Matalino
Mayroon ding tamad
Kinulang sa sipag at hawak ay tabak
Sinisigaw ay kalayaan
Pagkapantay-pantay
Lahat ay nilalabanan
Saan man, anuman

Sabay alis

Parang mga kwan ang tao sa MRT
Walang'ya sobrang siksikan

Sobra sa ipitan
Sobra sa tulakan
Sobra sa kapitan
Sobra sa kabobohan
Ang mga pinoy nagpupumilit
Nagpupumilit na i-sardinas ang sarili
At igisa kasama ng mga kamatis at bawang
At kung anu-ano pang amoy ng sahog
Sa mahabang kawali na kabobohan din
Kabobohan din ang umiiral
Mistulang mauubos ang oras
Mistulang maagawan ng panahon
Lamangan ang laging nasa dulo ng isip
'Di man lang pinansin at sa halip
Nakipagbanggaan ng tadyang at balikat
Walang'ya talaga walang umaawat

Hindi tuloy ako makahinga ng ayos
Hindi ako makahinga
At halos hindi na ako humihinga
Hindi talaga
Hindi ako makahinga
Wala na
Ubos na ang hangin
Hindi ako makahinga
Mabigat ang dibdib
At iniipit ang mga baga
Wala ng hangin
Walang buhay
Hindi makahinga
Hindi makalanghap
Hindi na, wala na
Walang pag-asa
 
tinipa ni Bote. noong 6:03 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, June 08, 2006
Dyip # 2 : Panibagong Saynbord
Isang daan apatnapu't walong libo siyam na raan at dalawampung oras na akong humihinga at patuloy na sumisiksik sa masikip at mainit nating lugar na kung tawagin ay mundo. Naigugol ko na ang mayorya ng dalawang libo at dalawang daan na araw ko sa paaaralan upang may matutunan at magkaroon ng kaunting kaalaman sa siyensiya - at lalo na sa kamunduhan. Sa labing pitong taon kong hininga dito sa magulong sanlibutan ay labing isa dito ang ginamit ko sa pag-ubos ng taba sa paggawa ng mga takdang-araling at walang kabuluhang mga proyekto. Unang taon ko na sa kolehiyo at parang unang aklat muli ng buhay ko. Ikot.

Panibagong yugto ng buhay. Panibagong liwanag at pag-asa. Mistulang pinagbigyan muli ako, sa mga kamalian at katangahang nagawa, sa mga pagaaksaya ng mahalagang oras, sa pagdudumi ng sarili kong katauhan. Parang binigyan muli ako ng panibagong pagkatao, ng panibagong katawan, ng bagong mukha, na maaaring taas noo ko muling iharap, sa iba pang tao at kulturang makasasalamuha't makakangitian. Parang panibagong pula ng itlog, kung saan ang pula ay ang pagkatao at ang itlog ay ako. Sero.

Hindi ko alam kung ano ang dapat kong antayin at paghandaan. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong ikilos, isagot, isuot, ilakad, isalita, itawa, at maging ihinga dahil hindi ko pa din naman kabisado ang lugar, kilos, salita, suot, lakad, tawa at hininga ng panibagong mundo na pinursigi kong galawan. Hindi ko alam kung makatatagal ako. Hindi ko alam kung kaya kong mamuhay ng mag-isa't makipagsugal kay Haring Kapalaran habang kumakanta ng himno ng bago ngang mundo. Hindi ko talaga alam at wala pa akong balak magtanong.

Siguro, at kinukuwtasyon ko si G. Lourd de Veyra, siguro para lang talaga ito sa mga "tunay na lalaki... sa tunay na lalaking hindi natatakot... sa tunay na lalaking hindi natatakot tumalon sa bangin... sa tunay na lalaking lumalangoy sa salamin..." Mga malalalim at malalaman na salitang walang silbi sa ilan, pero malakas ang tama sa 'kin, pare. Siguro kailangan lang talaga ng lakas ng loob, kailangan ko ng lakas ng loob, na pilit ko pa ding hinahanap, simula nung tumakas at lumayo ito sa 'kin ng paminsang napahiya ako. Hindi ko alam kung dapat ba akong panghinaan ng loob at kabahan. May mga paru-paro sa 'king tiyan na kumakanta din ng Astro, pero siguro dahil na din ito sa nagaaalburuto kong tiyan na bunga ng kinain kong tinapay na pinatibay ng panahon.

Seryoso na ang atmospera ng panahon. Seryoso na ang tingin ng mga mata't pagkilos ng makinang kung tawagin natin ay utak. Seryoso na ang lahat. Seryoso na din naman ako. Kahit minsan ay medyo hindi. Seryoso ako sa pag-aaral ngayon, sa unibersidad na aking pakikipagbunuan, sa mga pag-aaralang pakiramdam ko'y huli ako at maiiwan, sa bagong buhay at opurtinadad na ipinagkaloob at ipinasusubo na lamang sa akin, at sa bigo kong pagkatao. Seryoso na talaga. At walang nang atrasan pa.

Sana matapos ko ang lakbaying ito. Sana matapos ko at wala gaanong lubak sa daan ng amoy-bagong dyip na sasakyan ko. Sana diretso ang kalye't kalsada, sana diretso na ang buhay ko, diretso na sa kaliwanagan at pagkakaintindihan. Sana walang pumara't sabay-sabay sana kaming makarating sa paroroonan. Sana walang mahuli at sabay-sabay din sana kaming maging saksi sa panimula. Sana maluwag at mahaba ang dyip.

Unang taon ko na sa kolehiyo at parang unang aklat muli ng buhay ko. Sana lang maganda ang katapusan. At sana sa gitna ng kasukdulan, ang papel kong protagonista pa din ang magwagi. Sana maganda ang pabalat para maganda ang husga ng mga taong tawag ay kritiko. Sana mahaplos ka ng aklat na ito.
 
tinipa ni Bote. noong 5:16 PM | Permalink | 0 comments
Wednesday, June 07, 2006
Oda sa Basura
Pinangungunahan na kita at sinasabi ko na sa'yo na walang kakuwenta-kuwenta ang sanaysay na ito. Wala nang maisip gawan ng lathalain ang may akda kundi ang pinakapangkaraniwan at pinakasariwang tanawin sa Pilipinas ngayon - basura.

Hindi ko alam kung bakit marami ang naiinis sa t'wing nakakikita o nakasasagupa ng mabangis na amoy ng sariwang basura. Sa kanto, sa tabing daan, sa haywey, kalye, loob ng bahay, maging sa utak ng pinakamataas na uri ng tao. Hindi ko alam kung bakit madalas itong pandirihan at iwasan, kung bakit kailangan pang takpan ang ilong at ilayo ang tingin, magsalita ng pabalang at punahin ang konsehong dapat mangalaga dito.

Siguro napansin ko na din, kasi isa din ako sa mga ito.

Ang basura ang pinakapansing tanawin saan man sa ngayon. Kung wala ang basura ay walang balanse ang dumi't kalinisan na katulad ng pagkawala ng kababaihan habang mayroon pang mga kalalakihan. Ang basura ang nagmimistulang icing sa keyk na tinatawag nating bansa. Ang basura ang palamuti sa ilalim ng billboard ng pinuno ng aming bayang sikat din dahil sa basura, dahil ito daw ang kapital nito.

Ang basura, para sa akin, ang pinakasukdulang uri ng katayuan bilang isang bagay. Ang pagiging basura ay nangangahulugang pamamahinga o maaari namang magpakahulugan ng pagbabago't muling pagtanggap. Ang basura ay binabalewala dahil hindi ito ganoon kanais-nais sa uring pisikal subalit sa kabila nito'y mayroon pa rin namang dito pa rin umaasa ng kanilang makakain at ikabubuhay.

Ito ang buhay ng mga pinakalalayuang mga langaw. Ito ang nagsisimula ng buhay, ng pagbabagong buhay, at pagtatapos ng buhay.

Sabi ng ilan, bago mo daw malaman ang uri ng isang bagay ay dapat naging ganoong uri ka na din o naranasan mo na ding maging kauri nito. Marahil totoo. Siguro basura din ako. At basura din itong mga pinaggagawa ko't umiikot-ikot at lumalangoy-langoy sa utak kong binuo din ng basurang pumapaligid sa 'kin.

At basura din ang lahat ng mga tao. Maging ang pusa't aso mo, maging ang artistang patay na patay kang mapanood sa paborito mong programang walang ibang alam kundi isalamin ang buhay ng mga Pilipinong basura na umiikot din sa basura, maging ang paborito mong pulitikong nakikipagdebate sa kapwa basura ng estado, maging ang ikinabubuhay mong marangal na pinamumunuan din ng mga basurang kumikita din mula sa basura't babagsak din dahil dito, maging ang sarili mo.

Siguro basura talaga ako. At sa pagbasa mo nito, isa kang binasurang tao.
 
tinipa ni Bote. noong 2:18 PM | Permalink | 0 comments
Wednesday, May 31, 2006
Nagpakamakata : Tunggalian ng Buhay Kahapon at Ngayon sa Pananaw ng Isang Diecisiete Anos
Noon kumakaripas ang kinabukasan
Humahataw sa bilis ang magdaraan
Palapit ng palapit ang padating
Hindi umuurong ang paunlad
Noon malaya ang lahat sa anuman
Hubad ang katawan sa katan'yagan
Hubad ang puso't isipan
Malayang pagbukas ng sinapupunan
Noon nagtatakbuhan ang mga kabayo
Hatak-hatak ang kalesang mando ng kutsero
Si Maria Clara't Crisostomo'y may dalang respeto
Animo noo'y walang ganoon kabobo't tarantado
Noon mataas ang tingin ng tao sa tao
Mataas ang tingin ng alipin sa amo
Amo sa alipin ay walang pinag-iba
Pasaring sa katauhan ay hindi maganda

Nagsara ang noon at dumating ang ngayon
Biniyak ang mga posteng naglalaman ng nakalipas
Basag na ang pula
Sumuot ang henerasyong pag-asa ang basbas
Ayos

Takbo ng mabibilis na motor at kotse at dyip
Panganib sa buhay at pangarap ang hatid
Namamalimos na batang uhugin sa lansangan
Maayos na buhay ay hindi matatamo
Ng dahil sa magulang at katamaran
Takbo ng buhay mas mabilis ngayon
Sinuong ang mga sagabal giniba ang kahapon
Pinutol ang mga puno't nagtanim ng opyo
Kumuha ng solbent, tangina puputok na ang lobo
Mga pulitikong bobo nagkalat, nag-uunahan
Kapangyarihan, pera, popularidad pinagsasawaan
Babae ngayon lumalabas sa lansangan
Suot ay basahan, kita na ang kaluluwa't
Kinain sa loob ng tiyan
Ngayon buhay ay mahirap na masarap
Tangina badtrip, jologs, empi ang hinahanap-hanap

"Pare, bumili ka sa butika ng cough syrup inumin mo at magpaka-adik ka sa tugtugin sa langit." sabi ng lalaki.
"Hindi ko trip pare. Nauunahan ako ng takot at baka mamatay ako ng maaga't hindi na maabutan ang panibagong henerasyon." sagot ng isa pa.
"Tangina mo pala eh! Bobo. Anong henerasyon? 'Di ba tayo ang pag-asa ng bayan? Kaso nga lang nagpakalasing tayo sa alak, sa droga, sa dahon, sa yosi, sa babae, at sa napakadami pang modern choices dito sa magulong sanlibutan. Tangina pare, 'wag kang maniniwala sa mga napapanood mong jologs na reporter sa tv! Binobola ka lang nila't pinaglalaruan." diin ng una.

Naglalandian ang isang dalaga at isang binata habang nasa sala ng bahay ng nauna. Pinipilit ipatikim ng lalaki ang dala n'yang marijuana para makuha na n'ya ang habol nitong init ng katawan. Agad sumunod ang bobong dalagita at nagsama silang lumipad sa maulap na kalawakan habang ang palabas sa tv sa harap ng sala ay ang SONA ng Pangulong hindi nila alam ang ngalan. Solb.
 
tinipa ni Bote. noong 2:10 PM | Permalink | 0 comments
Monday, May 29, 2006
Sanaysablay na Pangarap
'Sing taas ng mga bituwing kumikinang-kinang at kumikislap-kislap 'pag gabi ang pangarap ko noong panahong kasing tanda palang ako ng termino ng pangulo natin sa kasalukuyan. At hindi lang basta pangarap na kaya mong pulutin sa kawalan kundi pangarap na maaabot mo lang kalaunan, 'pag nagsikap ako't nakapagsunog na ng manipis kong kilay. At isa sa mga natatanging pangarap ko noon ay ang maging mahusay na manlalaro ng -- basketbol.

Alam kong isang malaking bulko ng balintunay ang pangarap ko. Sa porma kong pinagkaitan ng haba ng buto, pinagkaitan ng malakas at malusog na katawan, at pinagkaitan ng tiyaga at kasipagan. Pero isa lang ang panlaban ko sa iba, at nanali pa din akong mangarap ng nakanganga, at ito ay ang mumunti kong nalalaman sa laro at kilos, ang paggamit ng laman sa loob ng bungo, na lamang at kulang sa ibang mahusay ngang manlalaro.

Sa kabila ng mga pinagkait sa 'kin[at medyo ipinagdamot] ay hindi naman ako nawalan ng pag-asa, at inisip pa din na may kinabukasan pa 'ko, lalo na sa laro ng bawat Pilipino. Lumipas ang panahon at nagkaroon din naman ako ng mumunting talento at kilos sa laro, kahit na ang kaalaman at kilos na ito ay kayang-kayang mabasa kahit daga pa ang kalaban ko. Hindi naman ako nagpahuli sa mga kasabayan ko, kahit na nahuhuli pa din ang hayt kong pinipigil ng panahon.

Hindi ko alam kung bakit pero hindi pa din nawala ang hilig ko kahit na pinaglulupaan lang ako at isinasantabi sa bawat laro. Hindi ko alam kung bakit hindi nawala ang pananabik ko, sa bawat kalas ng bola sa kamay ng tumitira, sa bawat padyak at bagsak ng kumakaripas na mga paa sa semento, sa bawat banggaan ng mga katawan para lamang makakuha ng kalamangan, sa bawat araw na nadadagdagan ang talento nila at ako'y napagiiwanan. Hindi ko alam at hindi pumasok sa isip ko na iwanan at biguin ang pangarap ko.

Hanggang ngayon ay iniisip ko pa din kung bigo na ba talaga ang pangarap ko, o sadyang puro kabiguan lang ang itinataas noo kong pagkatao. Hanggang ngayon ay ipinapasok ko pa din sa isip ko kung hanggang dito na lang talaga ang kaya ko at sadyang susuko na't magpapatalo sa tadhana.

Marahil, ang sagot, ay hindi talaga ito para sa 'kin. Siguro may mga bagay lang talaga na nakatakda para sa ibang tao, may mga bagay na sila ang huhusay at liliksi, hindi lahat ng bagay ay kayang gawin ng isang normal na nilalalang. 'Ni ultimo si da Vinci na nakapadaming kayang gawin ay hindi pa rin umangat sa palakasan, kahit si Jordan na humahataw sa hardkort ay hindi naman lamang sa patalasan ng isipan. Hindi mo makukuha ang lahat ng bagay sa mundo, at kung may makagawa man at mangyari 'yon, hindi na ito gawa ng tao, at tinalo n'ya ang tadhana.

'Sing taas ng mga bituwing kumikinang-kinang at kumikislap-kislap 'pag gabi ang pangarap ko noong panahong kasing tanda palang ako ng termino ng pangulo natin sa kasalukuyan. Kaya pala hanggang sa ngayon ay hanggang tingin na lang ako't hindi ko pa din kayang abutin, 'sing init din pala nito ito at takot akong mapaso. Kaya pala sablay pa din ang paglukso at pag-abot ko sa malabong malabong pangarap. Panaginip.
 
tinipa ni Bote. noong 7:13 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, May 25, 2006
Plagiarism : At the Brink of its Unprecedented Success
Naiinis pa din ako sa kasalukuyan at hindi ko pa din matukoy ang tiyak na kadahilanan. Pero tiyak din akong isa ang mga Erap branchildren sa mga malalakas ang apog na dahilan. At laganap na nga siguro ang panghihigop ng ideya kahit na protektado na naman ito ng kaunti. Halang ang kaluluwa. Nakakawalang gana.

Sa kabila ng naghihimutok kong utak at litid sa leeg at kamay, na katitipa'y sumuko na sa buhay, ay hindi ko alam kung bakit nahahaluan ng matinding kaba at pagdadamdam ang maitim kong puso, lalo na 'pag naiisip kong wala pa din akong iskedyul para makuha ang ID ko. Susmaryosep. Hindi ko din kasi alam kung bakit inaatake na naman ako nang sakit na akala ko'y tuwing pasukan lang ako dinadalaw. Nang sakit na akala mistulang kakambal ko na. Katamaran.

Kunsabagay, sa ilang araw at linggo ng bakasyon ay ngayon lang ulit ito pumalaot sa gula-gulanit kong isipan. Siguro "weather-weather" lang. At ang panahon ngayon ay ang pagbagyo ng pagiging batugan. Minsan iniisip ko kung bakit noong naghagis ang Maykapal ng katamaran e mistulang pinukol lahat sa manipis kong katawan. Tingnan mo nga naman ang swerte. "Better lucky than intelligent" -ika nga ng mga nakapasa sa admisyon eksam namin. Sus. Mala-milagrong pagtsamba ang dumating sa 'kin. At masaya na din ako.

Pero hindi naman lahat ay kinatatamaran ko. May hilig pa din akong gawin kahit pa sa mga araw na ang gusto ko lang ay humiga at panoorin ang paborito kong si Willie Revillame sa Wowowie habang nagpapauto sa mga akala-nila'y-nakatatawang mga litanya. May hindi din naman ako kinatatamaran at hindi ito tinatablan. Mahilig pa din akong magsulat, gumawa ng sulatin, ng lathalain, at maglitanya kahit ng mga mala-demonyong pag-utal. At iyon nga. Kahit na 'yon na lang ang bagay na hindi umuubra ang kapangyarihan ni Haring Batugan, kahit na 'yon na lang ang napagtyatiyagaan, ay may mga walang habas pa ring humigop at humiwa ng kaunti sa mga sarili at ilang nakaw ko ding mga ideya. At kaya din ako naiinis pa din.

At sa kabila ng lahat isa pa din ang namayani. Isa lang ang nagwagi. Ang mga pulitikong bobo na pinipilit ikandado ang mga sinehan upang hindi maipalabas ang sumikat tuloy na The Da Vinci Code. Una sa lahat ay hindi ako pabor sa pagbaban ng pelikulang nabanggit. Tama nga sila, mas marami pang pelikulang tumatalakay sa mga putahan at walang kakuwenta-kuwentang bahay-aliwan ang naipalabas na mas malala pa kaysa sa pelikulang ngayo'y pinagpipiyestahan. Hindi ko man nabasa o binasa ang libro, na wika nga ni G. Dalisay, ay dahil din sa walang kakuwenta-kuwenta ang pagkasulat ng libro, ngunit maganda naman ang pagkakasiliksik nito. Librong sumikat dahil sa magandang propaganda't mahusay na pagkasaliksik. Librong kauutalan ng marami. At hindi ako isa sa kanila.

Paumanhin sa panlalait, pero resulta din ito, ng slayt na pagkainis ko. Sa iba at maging sa aking sarili. Sinto-sinto ang utak ko ngayon na naghihikahos na sa mga bagong ideya. Sabi ng ng matatanda - "Pagpalain sana kayo..." nino man.
 
tinipa ni Bote. noong 5:12 PM | Permalink | 0 comments
Saturday, May 20, 2006
Power and Intuitions and Mountains and Birthdays and Erap-brainchildren

Hindi ko alam kung bakit, pero may malakas akong pakiramdam na kaya kong gawin ang anumang naisin ko't sumuot sa utak kong makitid. Hindi ko talaga alam kung bakit pero sa kabila ng manipis kong balat at walang laman kong katawan ay nararamdaman kong marami akong kayang gawin. Kung sabagay, may nakaakyat na namang tatlong pinoy sa bubong ng mundo. Ano pa ang hindi natin kayang gawin?

Kahapon ng umaga'y pumatak na ang oras ng pag-iyak ko't paglabas ko sa sinapupunan. Labing pitong taon na talaga ako. Tiyak na. Sa kabila nito ay hindi naman ako ganon' kasaya at hindi din naman ganon' ang galak ko't tuwa dahil buhay pa ako at lumalanghap ng usok ng sigarilyo. Pero ayos naman ang bertday ko. Pasyal sa Greenhills sabay bato ng mura habang tumatawad sa tindera't dumadaan ang idolo kong si Nikki Valdez na longkatuts ang japorms. Panahong maaari mong gawin ang gusto mong gawin. Susi sa kung anuman.

At oo. Tama ang mga narinig mo at hindi ito haka-haka. Magkateks muli kami ngunit iba ang turingan. "You can't have the best of both worlds" - ika nga ng inuugat ng kasabihan ng kung sino man. Ayos lang din. Mas masaya na ang buhay ko ngayon. Mas masaya kaysa sa sisiw na nag-aantay pa ng inahing magpapakain sa kanya at mas masaya kaysa sa mga bata sa lansangang tinatawid ang gutom sa solvent at Rugby. Masaya ka na ba?

Maraming bagay ang sumusuot sa isip ko ngayon at sa dami ay hindi ko ito maitipa lahat at mailapat sa mga titik. Basta ang alam ko ay medyo naiinis ako. At sa mga pilit kumopya at humiram ng ideya ng walang balikan. Mga Joseph Ejercito-Estrada brainchild.
 
tinipa ni Bote. noong 3:42 PM | Permalink | 0 comments
Monday, May 15, 2006
Salamat at Nakabalik at Nagbalik sa Salamat
Matagal din akong hindi nagkaroon ng mga bagong sulatin at mahaba-haba ding panahon na hindi ako kinilig sa pagtitipa dahil na din sa napakadaming kadahilanan at mga pangyayari at sitwasyong hindi ko makalilimutan.

At sa wakas matapos ang ilang linggo, araw, oras, minuto, at segundo ng pangungulila at pagkakasubo sa sakit ng mga baguhang manunulat ay narito ako't pinipipilit pigain ang utak na hanggang ngayon ay naiwan sa MRT Taft Avenue Station.

Sa wakas ay tapos na din akong magpalista at magpatala bilang isa nang lihitimong mag-aaral sa unibersidad na aking papasukan. Isang dakilang akala namin ng aking ka-tsokaran na ang pagpasa namin sa pamatay sa eksamin ay ang susi na namin sa aming pagpasok. Hindi pa pala. Ang pagdaan sa pagpapalista ng pangalan namin ay mistulang eksamin na din sa kung gaano namin kayang tumayo ng mag-isa at hindi na humingi ng gatas sa mga ina. [Bleep]ina!

Salamat na lang at tapos na. At tapos na din ang isa pang bahagi ng buhay ko na walang kinalaman sa pagpasok at sa unibersidad. Napawi ng kaunti ang saya't ngiti ko ng mga nagdaang araw at linggo, na naging dahilan na din upang huminto muna ako sa paglitanya. Parang may nawalang malaking bahagi sa pasel ng buhay ko. Parang may nawalang papeles sa isang bagaheng puno ng papel. Salamat. Salamat din sa kanya. Nabuo ako at naging tao.

Malamang at malaki ang tyansa na sa susunod na mga pagbisita ko dito ay mga walang kakuwenta-kuwentang maikling kuwento na ukol sa pighati maipinta ko. Salamat sa mga hindi makalilimutang pangyayari't sitwasyon. Salamat.
 
tinipa ni Bote. noong 6:12 PM | Permalink | 0 comments
Friday, April 28, 2006
Ang Adobo ng Buhay Ko
Iba ang lola ko. S'ya 'yung tipo ng tao na sobrang maaalalahanin. 'Yung tipong lahat ng bagay ay ipinapasok sa utak mo at 'yung pakiramdam mo'y sundalo kang inuutusan ng mas nakatataas. Kumain na at lalamig ang pagkain, magsuot ng tsinelas sa loob ng bahay, 'wag tumapat sa elektrik pan ng pawis ang katawan, gumising ng maaga at madaming gagamit ng palikuran, hampasin at 'wag hayaang pumasok sa loob ng bahay ang pusa, bumili ng tinapay, toyo, patis, suka, mantika, ketsap, gulay sa kanto, ng bagong buhay. Pero isa lang ang tumatatak at sumisingit sa utak ko 'pag naririnig ko at napag-uusapan ang lola ko, at ito, ay ang kaniyang, adobo.

Masipag magluto ang lola ko. Pitumpu't pitong taon na s'yang humihinga dito sa mundo nating puros usok at sa tingin ko'y kalahati[o maaaring hindi lang] ay iginugugol n'ya sa pagluluto at paghahalo ng putahe. Halos dalawang dekada na din akong nabubuhay sa luto ng maalalahanin kong lola. Halos dalawang dekada na ding nakakaraos at makailang ulit na ding bumalik at kumuha muli ng kanin. Paksiw, eskabetse, ginataan, binagoongan, putsero, sinigang. Sinigang. Ang lutong halos kasingkahulugan na ng pangalan ng lola ko. Felicidad. Ang lutong kay tagal na minahal ng pamilya namin. Ang lutong kinasabikan ng lahat. At ang lutong matagal na din kaming sawa. Lutong aming tinatakasan at itinatakwil. Ngunit natigil ang sinigang. Nawala ang asim ng amoy. Ang init ng sabaw. Ngunit hindi pa pala tapos ang mga paulit-ulit na pamatay na luto ng lola ko. At iyon nga, ay ng dumating, ang, adobo.

Hindi ko alam kung dahil ba sa katandaan o dahil sa hirap lang ng buhay kung kaya't nagiging paulit-ulit ang mga luto ng aking lola na mistulang isang putahe sa isang buwan. O dalawa. O tatlo. Paminsan ay kaysa kumain ng lutong-bahay ay ninanais nalang naming bumili sa labas kahit may kamahalan. "Worth every single penny..." 'ika nga. At ang flavor of the month o ng season, ay ang kaniyang espesyal, at manamis-namis, na, adobo.

Adobo. Lutong pinoy. Lutong hinahanap-hanap ng mga balikbayan. Lutong minamahal ng lahat. Ngunit ibahin mo kami. Ito ang luto, para sa amin, na dapat takbuhan at iwasan. Parang anthrax na nakamamatay. Parang teroristang may dalang bomba. Parang kahit manok ay magsasawa't magsusuka. Adobong baboy man o manok o pareho ay hindi na namin masikmura. Parang batang nagsawa sa lugaw, parang mga paang nawala ang kasabikan sa paglakad, parang mga pulitikong kinatamaran ang pera't kapangyarihan. Pero naiintindihan din namin minsan ang aking lola. Kahit minsan lang. Minsa'y natatangkilik pa rin namin at nalalasap ang putaheng pinoy, putahe ng ina ng ama ko.

Nagsawa kami sa adobo, oo. At ako lalo na. Gaya ng pagkasawa ko sa pakikipaglaban sa mga makakapal ang palad. Gaya ng pagkasawa ko sa mga kartuns. Gaya ng halos pagkasawa ko sa buhay. Pero sa pagkasawa, ang kasunod ay matagal na pag-iwas, matagal na pagkawala. At matapos ang pagkawala na ito, ang susunod ay kasabikan muli, at muling pagtanggap, at sa kasong ito, paglasap, ay kasing sarap ng unang pagdampi nito sa dila. Ang matagal na pagkawala ay nagreresulta sa muling pagkaanyaya, at muli ding pagkasawa. Saykel 'ika nga. Saykel na paulit-ulit lang at hindi natatapos hangga't ika'y malito at matapon sa maitim na kalawakan. At ito ang saykel na pilit pa ding tinatakbo ng lola ko.

Iba talaga ang lola ko. Siya ang adobo ng buhay ko.
 
tinipa ni Bote. noong 3:31 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, April 20, 2006
I Still Love My Pancit Bihon
Napanood ko si Ginoong Lav Diaz at Ginoong Ato Bautista na iniinterbyu sa isang medyo interesadong palabas sa isang tsanel sa keybol. At namangha ako. Hindi ko mapigilang mapanganga habang naglilitanya si G. Diaz ukol sa mga perspektibo n'ya, sa paggawa ng pelikula, sa creative control, sa aesthetic culture, sa method acting, sa buhay at bawat paghinga natin. Kasinghaba ng oras ng mga pelikula nya ang respeto ko.

Buong tikas ang pagtatanggol n'ya sa sarili laban sa mga kritiko. Sa mga kritikong may pagka-dorobo, mga megamol, mga taong puro James Bond ang pinapanood ng paulit-ulit. Wika nga n'ya, kung sa literatura ay may maikling tula at mahabang nobela, dapat din at lohikal na magkaroon ng maikli at mahabang pelikula. Na sumisigaw ng hinaing at nagbubunyag ng kultura. Ng kulturang tatlong daan taon sa kristiyanismo at apat napung taon sa protestantismo't pagpapasa-pasahan. Galing.

Galing din ako, ngayong araw, sa unibersidad na papasukan ko at susuongan upang magpasa ng ilang mahahalagang rekwayrments. Masaya naman ako at saglit lang ito, kamangha-manghang hindi mahaba ang pila na parang rali sa Mendiola. Matataray ang mga propesor at propesora. Wala ng bigay-bigay ng direksyon, matuto kang humanap ng paglalagyan mo. Masaya pa din. Bawal ang magulang, at sanay na ako doon. Ngunit may ilang stage parents pa din na ginawang modelong bata ang kanilang mga anak. Nora at Lotlot. Nagpupumilit at naglilitanya ng wikang hindi naman ugat sa atin 'pag nadedehado ang mga anak nila. Sus. Walang pinagiba sa mga pulitikong nagiisip na hindi makapagsasarili at makauungos ang bansa natin ng mag-isa.

At kaarawan din ng lola kong pitumpitong taon ng humihinga at mga dalawampu't taon ng nagyayakag kumain at nagsesermon. Tatlumpu't tatlong porsiyento ng buhay n'ya ang inilaan sa pagpapaalala sa 'kin na mag tsinelas sa loob ng bahay dahil malamig ang lupa at 'wag maghubad ng damit pagkabasketbol dahil matutuyuan ako ng pawis. Ilang taon na rin s'yang nakikipagbuno sa 'kin. Pero ayos lang, sa tagal, para na lang akong umiinom ng tubig nawasa. Isa lang ang hindi ko gusto ngayong kaarawan n'ya, at iyon ay ang handa. Hindi ko gusto ang pancit na iniluluto kaya't ngayo'y nagtitipa sa mapanirang kompyuter. Pancit canton. Hinahanap ng matabil kong dila ang sarap, ang init, at ang kakilig-kilig na lasa ng pancit bihon. Pero kahit na, at anuman ang handa. Hmm... I still love my lola. But I do still love my pancit bihon.
 
tinipa ni Bote. noong 5:36 PM | Permalink | 0 comments
Monday, April 10, 2006
Take the Plunge
Masakit ang balat kong sinunog ng araw. Masakit ang katawan kong pinagod ng alon at apat na talampakang tubig. Mahapdi ang matang tumunaw sa mga ilang katawang iniayon ng panahon. Puno ang tiyan ng pagkaing napagsaluhan. Maraming salamat. Natuloy ang awting namin.

Masaya ang lahat. Ika-walo ng umaga ang pananagpo sa pito't labing-isa sa imus. Mapayapa namang nagsidatingan ang buong batalyon ng siyam na tao, kahit na ang ilan ay magaalas nuebe na dumating. Masaya kahit medyo at kaunting perwisyo. Muling nagtagpo ang mga anghel at demonyo. Nagtapon ang ngiti ng mga mata't labi. Litanyang puros mura ang sa kalalakihan. Saya.

Sumakay kami ng mainit at masikip na dyip, lalo na 'nung sumakay ang isang babaeng naiwanan sa kusina ng ilang siglo. Payapa ang paglalakbay. Agad kaming dumating sa dapat puntahan. Agad naghanap ng kakilala, humingi ng dikawnt, at pumasok kaalinsabay ang mga sabik at uhaw na gunita. Humanap ng kateyds, nakatagpo ng tamang lokasyon, at nagsyawer. Malamig ang tubig sa banyo na sinlamig ng utak naming iniisip ang maiinit na katawan. Agad na lumusong at lumangoy sa tubig na puro 'chlorine.' Pinuno ng parehong gunita ang halos buong maghapon, at tanging ang pagkain lang sa pamamagitan ng kamay, ng manok at kaunting kanin, ang nagpatigil at nagpaahon.

Nagsyawer muli at nag-ayos ng gamit. Nagsuot ng mga damit pang-uwi. Masaya pa rin ang mga ngiti at mapupulang pisngi't labing bunga ng malokong araw. Nagpaalam na, kaunting kodakan, sumakay muli ng lalong mainit at masikip na dyip, patungo sa kani-kaniyang kuta. Masaya pa rin at malusog sa kaaalaman ang lahat.

At nagunita ko lang. Mas masarap at mas masayang sumuong at lumusong sa tubig ng buhay. Mas liligaya ang isa kung matututong tanggapin ang alon ng buhay, at sumisid sa malalim na kaibuturan nito. At sabi ko nga sa testimonyal ko kay Golda, take the plunge, pare. Take the plunge.
 
tinipa ni Bote. noong 7:06 PM | Permalink | 0 comments
Monday, April 03, 2006
Masarap Sumayaw Saliw ng Naiibang Tugtugin
Bakasyon. Hindi ko lubos maisip ang saya, halakhak, at tuwa ng iba sa tuwing nasasambit ang nasabing salita. Hindi ko lubos maisip kung ano ang kinaganda nito. Hindi ko lubos maisip kung bakit kailangan pa ng mahaba-habang pahinga. Hindi ko makuha ang dahilan kung bakit kailangan pa nito. Marahil, hindi ko naman kasi hinahanap. Pero, sus. Walang masaya dito. Nakakatamad. Mas gugustuhin ko pang magbilang ng bangaw na lumilipad-lipad sa umaga at magbenta ng matatamis na kalamay.

Kain-tulog. Kain-tulog. Kain-tulog. At kain-tulog muli. Dalawang mapusyaw na salita na bumabalot sa pagkatao ko ngayong araw ng bakasyon. Sawang-sawa na ang dila ko at purgang-purga na ang dalawang mata. Marami namang magagawa ngunit wala akong apoy para gumawa. Kinakain ng katamaran at pagiging batugan ang manipis kong katawan. Pero mayroon pa ding mga dapat gawin.

Napakahaba ng mga rekwayrments sa aking papasukang unibersidad[hindi ko halos mabanggit at matipa ang pangalan nito dahil sadyang kinikilabutan ako at nahihiya]. Ang hirap sa pagpasa sa entrans eksam nito ay kalahati palang pala ng hirap upang makapasok at makapagaral sa prestirhiyosong institusyon. Ilang araw na lang ng pagtitiyaga at pagkukumpleto ay lulusot na ako sa butas. Kaunti na lang.

Eksayted ako sa pagpasok tulad ng pagiging kabado ko din dito. Kinakabahan ako sa laki at lawak ng institusyon. Nakakatakot ako sa mga mangyayari at hindi ko alam ang dapat kong abangan at gawin. Hindi ko alam ang ikikilos ko. Aabangan ko na lang ang mga susunod na kabanata.

G.Butch Dalisay, nagbigay ka muli ng inspirasyon. Ninanais ko ngayon at pinagiisipang lumahok sa isang patimpalak na huhusga sa mga natutunan ko at ekspiryensya. Tuwa at takot sa pananabik. Ngunit, sa balak kong paglahok, ay isang bagay na hindi ko ginagawa ang dapat kong gawin. Magsulat ng lathalain sa positibong tema. Bagay na hindi ko pa nagagawa. Bagay na hindi ko pa sinisisid. Bagay na balintunay sa akin, sa aking pagkatao, sa pagsulat ko, sa mundo. Hindi pa siguro huli upong sumubok ng bago. Masarap sumayaw saliw ng naiibang tugtugin.
 
tinipa ni Bote. noong 4:02 PM | Permalink | 0 comments
Monday, March 27, 2006
Tenten-tetetetententen-tetetetentenen.
Limampu't isang minuto matapos ang ika-pito ng gabi. Nakatayo at nangangatal ang katawan sa pananabik. Inilipat ang tasel mula sa kaliwa patungo sa kanan. Sumigaw ang mga bituwin sa tuwa. Humihiyaw ang buwan sa saya. Nagliparan ang mga ngiting dati'y may kaba at halong luha. Tapos na ang buhay hayskul at tapos na din ang buhay na nagpaparaya.

Buong umagang naghanda. Nag-ayos, nagpahinga, humiling na ang mukhang lipas na ng panahon ay umayos kahit sa araw lang na iyon. Kinikilig ang lahat sa pananabik. Ang mga dalagita'y nagpaayos na sa kani-kaniyang ginusto. Kinulot ang buhok ng tuwid at tinuwid ang buhok ng kulot. Namumula ang mga pisngi't labi. Lahat ay nagkikislapan. Ngiti dito, ngiti doon. Nagmistulang artista ang mga paslit. Sinabitan ng sampaguita ang mga leeg na dati'y puros pawis. Huling martsa sa hayskul at unang martsa ng kinabukasan.

Binalot ng kontrobersya ang buong gabi. At sinira ni Cherry ang gradweysyon ribon ko. Lalong lumabo ang gabi at dumilim ang paningin ko. Swak. Hindi ko nais pahabain ang deskripsyon ko. Kung batsmeyt kita at binabasa mo ngayon 'to, alam mo na ang ibig kong sabihin. Isa lang ang hatol ko sa lahat. Doon ako sa taong matagal ko ng kilala at pinagtibay na ng panahon. Hindi ito blayn aytem at wala akong balak manghusga. Pag-isipan mo.

Natapos ang gabi sa iyak at luhang umagos sa mga mapupulang pisngi. Bumuhos ang pighati ng mga kababaihan. Nanatiling matikas ang mga kalalakihan. Nanatili ng panandalian sa eskwelahan, nagsauli ng toga, ngumiti muli ng ilang ulit, nakipagtawanan, nakipagkuwentuhan, at nagbalak ng coup plot laban sa administrasyong Arroyo. Pag-isipan mo muli.

Kumain ako ng manok at uminom ng softdrinks. Inaapoy ako ng lagnat. Tapos na ang huling martsa na ng buhay ko.
 
tinipa ni Bote. noong 6:32 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, March 16, 2006
I. Crashed.
Nakatutok ang mata ko kahit gusto ko nang matulog dahil may praktis kinabukasan. Habang pumapapak ng walang kamatayang barbikyu at palipat-lipat ng tsanel upang malaman kung sino ang mananalo sa pakontes ay pinanonood ko ang pelikulang nagpabago ng pananaw ko sa mundo. "Crash." Paul Haggis, ang galing mo.

Umikot ang kwento sa mga lahi, pagkakaiba, mga gulo ukol dito at sumagot ng madaming tanong tungkol sa itim, puti, at kayumanggi. Ang kinaganda ng nasabing obra ay ang pagkakagawa at pagsasabuhay dito sa pinilakang tabing. Nagawa nilang pagdikit-dikitin ang istorya ng bawat kulay. Nakapanginginig at nakakakilabot ang tunggalian. Walang kamatayang kasukdulan. May sigaw ang bawat litanya. May laman ang bawat galaw. Talo talaga ang pelikula ng mga bading. Sinagasaan.

Napakagaling ng pag-arte. Dama mo ang bawat hininga. Ang paglabas ng hangin, pagngiti, pag-iyak, pagbagsak ng dahon sa paligid. Low-budget man daw. Kung sabagay, matagal na din akong humahanga sa mga pelikulang kaunting pera't panahon lang ang ginamit. Kung tutuusin, itong mga pelikula pang ito ang mas may laman, may kwenta, may katuturan, kaysa sa mga pelikulang parang ewan, mga pelikulang may malaking unggoy na lumusob sa siyudad at naghasik ng lagim, at 'pag hinalikan ito ng prinsesa ay magiging palaka. Sus.

Mga pelikulang independyente ang pag-asa. Hindi uubos ng pera at hindi din uubos ng panahon 'di tulad ng sa mga pelikulang pang-unggoy. Oo, unggoy din ako, pati ikaw alam ko. 'Wag ka nang magmaang-maangan. Sinabi sa 'kin ng katabi mo. Sa liit ng mundo, walang hindi nagsisiraan at nagbabanggaan. Natutunan ko yan. Sabi nga ng slogan ng "Crash:"

"Moving at the speed of life, we are bound to collide with each other."
 
tinipa ni Bote. noong 6:07 PM | Permalink | 0 comments
Wednesday, March 15, 2006
Misfortune before the First of Summer
Marahil ay hinding-hindi ako magkakamali kung sasabihin ko at ibubunyag ko sa buong internet komyuniti na nakakaasar at nakakainis ang gradweysyon song namin. Anim na araw na lang ay kakalagan na kami ng mga posas sa binti't paa at pakakawalan na sa masaya at malungkot na buhay hayskul. Anim na araw na lang ay makikita ko nang nag-iiyakan ang mga kabats ko, at marahil kasama ako. Walang pinagiba sa mga artistang napapanood ko sa telebisyon[oo, lahat, at hindi lang sa big brader]. Pero hindi ito ang esens ng lathalain ko. Nakakaasiwa ang grad song namin. Ang batikang si Walt Disney ata ang nagsadyes at si Dulce pa ang pinakanta. [Sabayan mo 'ko sa pagsigaw]. Watakombineysyon!

Medli ng pinaghalu-halong pang-peyri teyl na kanta ang grad song namin, at sigurado akong kahit sino ay hindi matutuwa dito, kahit ang alaga mong loro. At gusto pa nila na maging solem ang parte na 'yon. Sus. Taas ng pangarap. Kahit si Vicky Morales hindi sasagutin ang kahilingan namin kung maririnig n'ya yung kanta. Parang nanghula lang sa roleta. At malas, nabokya pa. Kami na ata ang pinakamalas na bats na gagradweyt sa eskwelahan namin. Liit ng esteyds, pangit na grad song, at walang buhay na program? Tingnan na lang ang mga susunod na kabanata.

At kahit na masalimuot ang parating na gradweysyon, pinasaya pa din ako ng napanood ko kagabi. Takte, Urbandub. At inilabas na ang bidyo ng pamatay na kantang "First of Summer." Heto. Pagpiyestahan n'yo ang titik at samahan n'yo na din ng kanin.

First of Summer
Urbandub

Parked car
This night sky
Makes city lights shine like diamonds
our song plays on the radio.

We’re living it up
Make this night ours
We own the world
I wish this lasts forever
Alone with you tonight
Further in you feels so right.

I’m giving it up and just a little more
This heartfelt leap I surrender
With arms raised tonight.

Drive me away
cuz the night just feels right
take me away with you tonight
anywhere with you.

Our song plays on...
Parked car, night sky
Alone with you tonight...
 
tinipa ni Bote. noong 6:33 PM | Permalink | 0 comments
Klik.

Hindi ko alam kung bakit, pero unti-unti akong nahuhumaling sa mundo ng potograpi. Mapa-stil layp man, potodyornalisim, sinik, at iba pang klase ay nagugustuhan ko. Kaya pangarap ko ngayon, bago sana ako tumungtong ng kolehiyo, ay magkaroon ng sariling itim na kahong maliit, na maglalaman at maglalarawan ng kasawian at kasayahan ng buhay na hiram. Kahit hindi didyital, ayos na. Kahit pangbangketa lang, ayos na. Kahit kulay pink, ayos ka ha?

Naiintriga ako sa mga litratong nagsasalita ng magisa kahit walang kapsyon. Mga litratong walang buhay ngunit gumagalaw, walang lakas ngunit nakakapagbago ng pagkatao. Mga litratong hindi porno[mamatay ka man!], mga litratong may pagka-subersibo, mga litratong sumasalamin sa pagkakaiba ng buhay mo at buhay ng isang kalyo.

Kung sabagay, kahit 'nung elementari pa lang ako ay natutuwa na at may kaunting alam na ako sa mga piktyur-piktyur, at hindi ito dahil sa mga awting ng pamilya. Noon pa man ay tulo-laway na ang aking pagkamangha sa potodyornalisim. Habang ako ay nakulong sa madugong mundo ng kapiriding at editoryal rayting, ang iba sa aking mga kasama sa hanay ng dyornalismo ay nagbigay tuon sa pagpapadebelop ng kodak pilm. Nanlalaki ang mata ko sa walang galaw nilang pagkaptyur ng mga litrato at malikot na pagbibigay ng kapsyon dito. At noon pa lang din ay sumuko na ko at hindi na umasang makahawak ng kamera. Pasmado ako. Langit at lupa, walang tao.

Pero ngayon, binuhay ko ulit ang kinalimutang pangarap at nais na pumasok sa nasabing larangang hindi bagay sa 'kin. Malay mo, at malay natin, isa ka sa mapiktyuran ko, may pakpak ka, at may sungay ako. At maari. Mag-ugnay ng hindi maaaring iugnay. Hihinga na lang ako ng malalim at isisimangot ang mukha. Ilayo mo nga ako at ipakain sa kwago.
 
tinipa ni Bote. noong 6:03 PM | Permalink | 0 comments
Tuesday, March 14, 2006
Uto-uto. Payaso. Masaya. Ikaw. Ako.
Ayoko talaga ng walang pasok. Wala akong magawa kundi humarap sa sinungaling na kompyuter at magtipa. Nakakainis ang walang magawa. Parang sinisinghot ng nakatagong nilalang ang karapatan mo para magliwaliw. Solb na sana ako sa panonood ng telebisyon na isa pang sinungaling, kaso, walang magandang palabas. Komersyal ng syampu, pampalaki ng hinaharap, nakamamatay na kartuns, komedi/drama aktor Willie Revillame, kalaswaan, mapanuksong pelikulang Pilipino, kuya German Moreno, mga pulitikong ultimo santo, nakangusong Noli de Castro, at mga artistang pinagmamalaking may lahi silang anghel at demonyo. Paulit-ulit ang palabas. Kaya minamalas ang bansa. Punung-puno ng katulad ko.

Sa isang banda, minsan, gusto ko na rin ang ganito. Nakalabas ang dila at tila na komatows ang katawan. Gusto ko na din kahit minsan 'yung walang pasok. Nakapagpupuyat ako[na lagi ko namang ginagawa dahil insomnyak ako]. Kagabi, kasabay sa pagiiskan ko sa tb ay napanood ko ang bagong bidyo ng idolong si Lourd de Veyra at kaniyang mga kawatan na tinatawag na Radioactive Sago Project. "Ala-ala ni Batman" ang pamagat ng awit. Nakakatuwa si Lourd. Kapag narinig mo na siyang kumanta[o magbasa ng tula?] ay parang idinuduyan ka na papunta sa Gran Kanyon sa Amerika. Itaas mo.

Sa isa pang banda, kagabi din, at kasabay din ng pagiiskan ko [bla bla bla] ay napanood ko ang ilan pa sa mga idolo ko, at hindi ko tinutukoy si Tootsie Guevarra at Donna Cruz, ang tinutukoy ko ay sina John en Marsha. Ay, hindi pala, si Ariel at Maverick pala ng Totoo Tv. Hindi ko lubos maisip kung paano nila nauuto ang mga komunistang nating konggresista upang mag-pows sa kamera[kasama nila] na nakataas pa ang isang kamay na animo'y may inalalaban na giyera. Nakakatuwa din sila. Mukhang payaso sina Ka Teddy, Ka Satur, at madami pang Ka-tangahan. Ang saya ng buhay. Tama nga sila na dalawa ang klase ng tao, ngunit hindi manloloko at nagpapaloko, kundi nanguuto at ang uto-uto.

Masaya na din ako. At salamat kay reivincent_ver2 ay nakakuha ako ng lyrics ng Siling Giniling ng imortal na Giniling Festival. Hindi daw s'ya sigurado dahil pinakinggan lang n'ya. 'Eto. Pagtiyagaan natin.

SILING GINILING
Giniling Festival

S-I-L-I-N-G-G-I-N-I-L-I-N-G (4x)
(tenenenen)

Ito ang sawsawan ng bayan
Paboritong ulam
Pwede ring palaman

Siling Ginilling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Ginilling, Siling Giniling

Sa toothache
Sa headache
Sa (ewan)
Sa heartache
Kahit saan (blah blah)
Eto ang tanging lunas

Siling Ginilling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Ginilling, Siling Giniling
Siling Ginilling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Ginilling,S-I-L-I-N-G-G-I-N-I-L-I-N-G (4x)

Kung ayaw mong maligo
Wag kang mamroblema
Gamiting mong panghilod siguradong solve ka na.

Siling Ginilling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Ginilling, Siling Giniling

Kapag wala nang tissue
Gumamit ng resiboKapag walang resibo
Ito ang ipahid mo

Siling Ginilling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Ginilling, Siling Giniling
Siling Ginilling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Ginilling,S-I-L-I-N-G-G-I-N-I-L-I-N-G (8x)

Masarap
Mabango
Bagong bago
Maanghang
Matapang(ewan)

Gimme an S-I-L-I-N-G-G-I-N-I-L-I-N-GS-I-L-I-N-G-G-I-N-I-L-I-N-G (4x)
Siling Giniling!Siling Giniling!
Siling Giniling!Siling Ginilling!
Siling Giniling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Giniling, Siling Giniling (HwaaH!)
Siling Giniling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Giniling, Siling Giniling
 
tinipa ni Bote. noong 2:31 PM | Permalink | 0 comments
Monday, March 13, 2006
Siling Giniling sa Ibabaw ng Kanin na Binudburan ng Talumpati
Walang klase bukas dahil praktis lang para sa misa [oo, pinapraktis ang misa sa eskwelahan namin] ang gagawin. Hindi ako katoliko. At kung ano man ako hulaan mo. Kakakagawa ko lang ng isa nanamang blog na sa tingin ko'y ito na ang huli't pupunuin ng hinagpis sa mundo. Wala akong magawa. Naiinis din ako. Hindi ko mahanap ang lyrics ng kantang nagsasayaw-sayaw sa utak kong hugis durian. S-I-L-I-N-G-G-I-N-I-L-I-N-G. Takte. Utak ng Giniling Festival. Sinasamba ko kayo.

Wala talaga akong magawa. Hindi dahil sa wala ng dapat pang gawin kundi dahil wala akong gana. Katamaran. Umiikot-ikot at paswing-swing lang ang utak ko sa ilalim ng mapusyaw na sinag ng buwan. At wala ako sa bahay. Nasa suking internet syap matapos kalas-kalasin ang walang kwentang sariling kompyuter. Sabay-sabay ang buhos ng titik sa utak ko at nagiging dahilan upang wala akong matipa. Uhaw ako sa sulatin. Uhaw ako sa kamunduhan.

Hindi ko lubos maisip kung bakit ako natatali sa paggawa ng mga walang kwentang bagay. Sa halip na gumawa ng mga mabubuti at makatutulong sa bayan nating nalulunod sa krisis ay pinipili ko pa ring gumawa ng bagay na walang kabuluhan at nakasentro sa kung anu-anong tema tulad ng kulugo.

Marahil sadyang ganun' ang utak at isipan ng tao. Lamang ang gusto sa tama. Hind ko lubos mapagtanto pero sinasabi ng utak ko na may koneksyon ito sa litanyang "Masarap ang bawal..." Balintunay. Sadyang magulo ang utak para pag-aralan. Hindi mo malalamangan ang matagal nang lamang. Hindi mo matatalo ang matagal nang nagwawagi't nageensayo. Hindi mo magagapi ang matagal ng talunan. Hindi mo mababago ang utak ng bobo.

At sa paggawa ko ng walang kwentang lathalain na ito ay hindi ko pa din nagagawa ang talumpating matagal nang inatas sa 'king gawin ng aking tiyahin. Pusang gala. Ilang daang letra na ito na maaaring naging titik na ng talumpating iyon. Marahil hindi madaling aralin at baguhin ang isang tulad ko.
 
tinipa ni Bote. noong 7:41 PM | Permalink | 0 comments
Natanggal ang Tuyong Laway sa Gilid ng Mahabaging Labi na Kumikislap sa T'wing Sisikatan ni Haring Araw at ng mga Kwento ni Lola Basyang
Ika-dalawampu't walo ng Pebrero, mga bandang tanghali, sa may mesa ni Gng. Solis. Pumasok si Amelia sa silid, binati ako, at naglitanya ng mala-anghel na mga kataga. Napatalon ako sa tuwa. Ang tuwang napasyal lang sa 'kin sa t'wing nagpapatawa si Dolphy. Abot langit ang ngiti ko. Naguluhan ang ilang bahagi ng aking katawan sa kung ano ang dapat gawin. Tama nga ang batikang si Stephen, may liwanag sa likod ng mga nimbus klawds. Sobrang liwanag na maaari mong ikabulag. Pumasa ako.

Hindi namin malaman ng katsokaran kong si Abe kung ano ang unang hakbang. Itinago ko sa sarili ang nararamdaman. Hindi ko agad pinawari sa lalaking nagpalaki sa akin. Hindi ako agad nagbulalas ng kayabangan. Pinanabik ko ang damdamin nila at inantay lumabas ang asido sa mga butas sa katawan. Nanatili akong mala-Lucy Torres-Gomez. Kinilig ang lahat sa pananabik.

Naglakbay ako pauwi. Naglakad sa daang nilakad ko ng halos 1200 na araw ng aking pagpasok. Sumakay ng mainit na dyip. Kasabay ng pagtulo ng aking pawis ay ang paglaglag ng aking puso sa pananabik. Inaantay ko ang mga tandang malapit na ako sa amin. Inaantay kong bumulwak sa aking bibig ang mga kataga ng kayabangan na sasaluhin nila't ipagmamalaki. Bumaba sa mala-impyernong dyip, naglakad pauwi, sa lugar kung saan saksi sa pagtubo ng kung anu-ano sa akin. Napatakbo ako sa eksaytment. Pagpasok ay sumigaw ako ng buong galak, tumalon ng buong ligaya, at pinuri bilang isang buong tao.

Maayos na ang lahat. Wala ng gusot. Nagmistulang biyaya ang paglabas ng resulta. Sakto. Kaarawan ng babaeng hindi na ako nakitang lumaki ngunit inantay ito. Hapi bertdey. Sumuot ako sa maayos na mundo, at ngayon, ang pagsisikap na lang, at marahil kaunting tsamba muli.

 
tinipa ni Bote. noong 7:07 PM | Permalink | 0 comments
Completamente Nuevo
Hindi ko alam kung bakit ako biglang napagawa ng sariling blogspot bukod sa blog ko sa prendster. Marahil naimpluwensiyahan ako ng mga magasin at dyaryo [na hindi puro kalaswaan], kung saan ang mga paborito kong manunulat ay laging nagaanunsyo ng kanilang blog sa dulo.

Wala akong maisip na dahilan upang gumawa ng ganito at wala din naman akong maisip na dahilan upang hindi gumawa. Kaya ito ako ngayon, nagtitipa ng kibord, at dahan-dahang inilalapat sa titik ang mga bagay na nagreredyister sa matamlay na utak ko.

Hirap akong gumawa ng lathalain kung ang tanging pumapasok sa isip ko ay ang inulam ko kanina at ang huling kinanta ni Princess Diana bago s'ya pumalaot sa kawalan.

At sa panahong ito naisip ko na lang na irekapi ang mga napablis ko sa blog ko sa prendster para magkalaman naman 'to. Pero hindi din. Con ayuda de Dios!
 
tinipa ni Bote. noong 6:51 PM | Permalink | 0 comments