Tuesday, August 07, 2007
Lasing
Minsan na lang tayo magkausap, hindi na nga tayo halos nagkikita. Matagal na rin pala ang nakalipas. Naalala ko noon, iniwanan natin ang lahat sa salitang mahirap.

Hindi ko alam kung lasing ka na no'n, kung epekto na iyon ng ininom nating Black Label na tinakas mo mula sa tukador ng tatay mo dahil sabi mo rebelde ka. Hindi ako naniwala, hindi kita pinaniwalaan, hindi ko naman kasi alam ang ibig sabihin ng salitang rebelde.

Hindi ko alam kung lasing ka na no'n, kung lasing ka na sa mga mababangong salitang pilit kong ipinakakain ko sa'yo. Sabi mo busog ka na, pero hindi ako tumigil, pinilit ko ang sarili ko sa natatanaw kong maliit na patlang sa puso mo. Akala ko liwanag 'yung nakikita kong tumatagos mula doon, mali pala ako, sumuka ka tuloy.

Hindi ko talaga alam kung lasing ka na, kaya naglakas loob na akong magtanong. "Naparami ka na ata, nahihilo ka na ba?" sabi ko ng marahan. Tiningnan mo lang ako - mata sa mata, isip sa isip, puso sa puso, kaluluwa sa kaluluwa. Nagsasalita iyong mga mata mo, hindi ko maintindihan, pero mukhang sinasang-ayunan ito ng puso at isip mo, tumatango kasi sila sa bawat kislap ng paningin mo. Pero biglang nagkalas ang titigan natin, hindi ako nakakilos, iginalaw mo bahagya pababa ang mukha mo, biglaan kang nagsalita, sa mahina mong boses. "Hindi ako nahihilo, hindi nahihilo ang isang rebelde." Tapos, sumuka ka.
 
tinipa ni Bote. noong 1:58 PM | Permalink |


0 Comments: