Saturday, June 30, 2007
Pagbubulay-bulay
Marami akong planong hindi ko maisagawa at hindi ko matupad-tupad. Marami akong iniisip na hinihipan na lang ng hangin at nabubura na sa kawalan. Hindi ko alam kung ano ang pumipigil sa 'kin, siguro takot ako sa kung anuman ang maaaring mangyari.

Mula pa nung pumasok ako sa unibersidad, nasa ugat na ng mga utak ko ang plano kong lumipat ng kurso. Hindi ko naman itinatakwil ang sikolohiya, lalong-lalo namang hindi ko kinaiinisan ang kurso. Pero hindi ko lang talaga makita ang sarili ko sa linyang ito balang araw. Gustuhin ko mang lumipat sa kursong malikhaing pagsulat, may mga bagay pa din na maaaring sabihing humahadlang. May mga entidad na gusto akong magabogasya, mayroon din namang hindi nakakakita ng kinabukasan sa huli.

Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang pagtingin nila sa kursong Filipino o sa kursong ang medium ay Filipino - lalo na ngayong lumalabas sa estatiko na wala ng kumukuha ng kursong Filipino, Malikhaing Pagsulat, o Araling Filipino sa UPCAT. Siguro hindi din masisisi ang mga pumipili ng kurso, siguro hindi ko din sila masisisi sa kawalan ng kagustuhan nila sa mga kursong nabanggit. Talaga sigurong umiikot na ang utak ng marami sa atin sa maka-kanluranin at maka-ekonomikong ideolohiya. Wala nga sigurong dapat sisisihin.

Nakalulungkot man, mahirap baguhin ang hatol ng mga tao sa isa nga daw Ikatlong Lipunang papaunlad. Hindi mababalikwas ang kanilang desisyon. Kaliwa't kanan man, kung saan ka man tumingin, sa kalakhang Maynila, kahit sa mga pangprobinsyang kolehiyo, hindi maitatanggi ang dami ng kumukuha sa kursong maiaahon daw sila sa kahirapan - sa kursong makatutulong daw sa bayan habang naglilingkod sa ibang bansa.

Bilang mag-aaaral sa unibersidad, at iskolar ng pamahalaan - ng bayan, isang matatawag na responsibilidad siguro ang paglilingkod muna namin sa bansa, bago maglingkod sa iba at isipin ang aming sarili. Marahil dapat itong pumatong sa kahit sinong Pilipinong nagtatapos sa mataas na paaralan. Natatagong utang na loob sa bayan.

Ngayong ikalawang taon ko na sa kursong sikolohiya, hindi pa rin nagbabago ang desisyon kong lumipat sa malikhaing pagsulat. Sabihin man ng iba na hindi ko iniisip ang kinabukasan ko, ng aking magiging pamilya, wala na akong maidadahilan pa - wala na akong maisasagot. Basta ang alam ko, ang nananaig sa akin, mas mahalaga ang kakuntentuhan kaysa sa kayamanan.
 
tinipa ni Bote. noong 2:32 PM | Permalink |


0 Comments: