Tuesday, June 12, 2007
Maikling Rebyu-rebyuhan
Macarthur
97 Pages
Visual Printing Enterprises
** 2/5


Hindi ko alam kung maitatawag na nobela ang bagong aklat na isinulat ng kilalang-kilala na ngayon(iniisip kong isa na s'ya sa mga tinatangala sa Popular Literature) na si Bob Ong; maaari sigurong ikonsidera na novelette ito, o maaaring mahaba-habang maikling kuwento, kung mayroon mang ganoon.

Malayo ang libro sa apat o limang librong naunang inilabas ni Ginoong Ong. Dito, pinilit niya na magkuwento(kung sakali ngang kuwento ito, ang detalye sa loob ng sanaysay) at gumawa ng prosa. Gaya nga ng sinabi ko, hindi mabuo ang kuwento sa isip ko. Malabo ang pagkakabuo ng istorya. Tinangka n'yang paikutin ang istorya sa apat na magkakaibigan, ngunit nabigo naman s'yang pagpantay-pantayin ang lebel nito.

Non-linear ang kuwento at walang sinusundang pattern. Mabilis ang takbo nito at parang iniiwanan na lang ang ginagawa ng may-akdang mga gulo o trahedya. Kung hindi man iniiwanan ay tinatakasan ito sa pamamagitan ng mabilisang paglipat sa ibang buhay. Malabo rin ang pagkakadetalye at paggamit ng mga salita. May mga pagkakataon din na pilit ang pagpapatawa at hindi na akma ang mga salita at paggamit ng pang-uri sa sitwasyon.

Inaamin kong medyo nadismaya(pilit na translayon ng nadisappoint) ako sa bagong librong ito ni Ginoong Ong. Mas maigi sigurong tumutok na lang s'ya sa pagsulat ng mga sanaysay. Sa halagang isandaang piso, at kung ika'y isang panatiko ni Bob Ong; maaari ko sigurong ipayo na bilhin mo itong aklat na ito. Ngunit kung ikaw naman ay isang malaking panatiko ng literaturang pormal sa Filipino ay marami pang ibang libro na maaaring umubos ng oras mo, pumukaw ng atensyon, at magbukas ng isip.
 
tinipa ni Bote. noong 4:17 PM | Permalink |


0 Comments: