Hinuli na nga ako at ginilitan.
Laman-loob, balahibo, tinanggalan.
Hinugasan, tinadtad nga ang katawan,
ininspeksyon ng walang kalaban-laban.
Buong katawan ko ay paralisado;
pakpak, binti, hita, hiwalay ang ulo.
Mistulan akong minolestya, ginulo;
kabalintunaan man, binaboy ako.
Binudburan ng harina, ng paminta,
ng suka, toyo, Tide Powder at iba pa.
Inilublob sa kumukulong Minola,
prinito, pinatuyo, at iniwan na.
Narinig kong sumigaw ang service cashier.
“Chicken Joy, 1 piece please!” wika n’yang matulin.
Dinampot ako’t inilagay sa madilim
na plastic styropore na may’ron pang kanin.
Dalian nga akong kinuha’t binuhat
ng isang service crew na agad naglakad.
“Here’s your order,” sambit n’ya ng mahagilap
si Customer 9 at ako’y inilapag.
Pinagmasdan n’ya ako at tinitigan,
pinira-piraso ang tadtad na laman.
Hiniwa’t dinip sa gravy na sawsawan,
sinubo’t hinulog na papuntang tiyan.
Napaisip na lang ako, natulala
habang sa intestines n’ya ay bumababa.
Masaklap man nga itong aking napala,
masaya na din ako ‘pagkat may natuwa.