Monday, December 11, 2006
Para sa Inyo
Malapit na muli ang bakasyon. Naamoy-amoy ko na ang aroma ng kapahingahan. Kinikilig na ko sa kasabikan. Nakakatuwa na nakakalungkot. Masaya kasi ngayong ikalawang semestre, masaya kasi ngayong hati ng taon. Galak ang hatid ng halos lahat ng kurso ko. Galak na nagbibigay sa 'kin ng kasiglahan upang bumangon t'wing umaga at pumasok.

At ngayong malamig na ang panahon, napapaisip ako. Napapatanong sa sarili, napapangiti na lang bigla sa kawalan.

Naiisip ko 'yung mga kaklase ko 'nung hayskul. 'Yung saya ng bawat isa, 'yung saya 'pag palapit na 'yung mga ganitong panahon. 'Yung lintik sa dalas na mga paggala, 'yung mga ngiti at tuwa ng kabataang walang alam kundi ang mga bagong bagay na isinusubo na lang sa kanila. Hindi ko alam ang termino sa filipino ng oxymoron, pero ang alam ko, ito ang pakiramdam ko ngayon. Hindi ko din alam ang termino sa filipino ng salitang nostalgia, pero ito din ang bumubulwa-bulwak sa puso't isipan ko ngayon. At para hiramin ang isang oxymoron ni G. Shakespeare - nostalgia is such sweet sorrow. And I'm loving it.

Nakakalungkot man isipin, pero siguro hindi na kami muling magkakasama-sama ng buong-buo. Pwera na lang siguro kung may sisipaging magyakag, o kaya nama'y magkagulo sa palasyo ng pangulo at nakansela ang klase ng isang buwan, isang buong buwan para magkaroon kami ng pagkakataon upang magkasama-sama at makadaumpalad muli ang isa't isa.

Seryoso at walang halong kadramahan.

Nakakasabik 'yung nakaraan. Sabi nga sa isang baduy slash bakya term - nakakamiss. Nakakamiss 'yung mga dati kong kaklase. Nakakamiss 'yung dating mga panahon at pagkakataon. Nakakamiss 'yung pawis ni Bilog, nakakamiss 'yung ngiti ni Totski, nakakamiss 'yung mala-kweba-sa-kwebang halakhak at pagsasalita ni Golda. Nakakamiss 'yung mga dating pang-aasar, panggagantso, 'yung dating mga panloloko. Nakakamiss 'yung tropang kubeta, nakakamiss 'yung tropa naming mga lalaki na walang alam gawin kundi tumambay, magkompyuter, at mang-asar. Nakakamiss lahat ng tao at pangyayari na lumipas.

Hindi lang estetiko ng tao o grupo ng tao 'yung hinahanap-hanap ko. Namimiss ko din 'yung lugar, 'yung paaralan na pinagsibulan namin. Namimiss ko 'yung lugar na nakasaksi ng pag-unlad namin, ng pagbagsak, ng pagtayo muli, at ng walang kamatayang pagngiti sa kabila ng pingas na damdamin.

Wala ng panahon para bumawi sa lipas ng mga kasalanan, wala ng oras para balikan pa ang mga nagdaang masasalimuot, mga nagdaang binahiran ng itim at pula. Nakakainis 'yung pakiramdam. Pakiramdam ng pagsisisi at kawalan ng katahimikan.

Pero kung saan man sila napadpad, at kung saan man kami mapunta, sana masaya sila, sana masaya kami. Sana, at siguro naman, walang makalimot. Sana walang magdamot sa oras. Masaya bumalik sa nakalipas, masaya bumalik sa pagkabata. Pero mahirap isipin na sa mundo ngayon, deklaradong imposible ang bumalik sa nakaraan.
 
tinipa ni Bote. noong 1:20 PM | Permalink |


0 Comments: