Wednesday, August 09, 2006
Pag-asa ng Bayan na Naghihingalo sa Usok ng Kawalang Kaalaman
[Para kay Prof.AdV, Philo11, PH312]

Si Prop. Si Prop ang nagbibigay ng kulay at ng kaunting paso sa linggo-linggo naming puros trabaho at kabalintunaan. S'ya ang nagbibigay ng bagong kaaalaman, s'ya ang nagpapatakbo at nagpapadaloy ng likido na namumuo sa malawak at puro espasyong bagay sa pagitan ng mga tenga. Si Prop ang walang sawang nagpapahirap sa 'min, nagpapahirap pero sa katunayan ay pagtulong ang nais n'ya, hindi lang talaga namin alam ang pagitan ng pagtulong at pagpapahirap.

Si Prop. Si Prop ang may alam. Si Prop ang maraming alam. Mula sa kapanganakan ni Gali's hanggang sa pangulo daw natin sa kasalukuyan ay mamamata mo ang kahusayan sa kaalaman. Minsan iniisip ko nga kung paano nakamit ni Prop ang lahat ng nalalalaman n'ya, pero siguro naiiba lang talaga s'ya, siguro pinagpala si Prop.

Si Prop. Si Prop ang pinaniniwalaan ng lahat. Si Prop ang may sagot sa lahat ng katanungang bumabagabag sa malalabo nating pagkatao. S'ya ang makapagsasambit ng mga katagang ikatutuwa ng lahat. Minsan naiisip ko nga kung nasa kan'ya na ang lahat, siguro hindi pa lahat, pero muntik na.

Si Prop. Si Prop ang astig at ang bagets. Kahit na sa edad na may katagalan na sa lupa, hindi s'ya nahuhuli sa mga bagay na uso, mga bagay na mainit sa ngayon. Walang patawad si Prop, kahit Laguna Beach, ayos.

Si Prop. Si Prop ang matatag. Si Prop ang may napakatindi at labis-labis na paninindigan. Si Prop ang walang kinikilalang nakatataas na nilalalang, si Prop na hindi naniniwala sa kapangyarihang gumawa ng lahat ng bagay. Oo, atheist si Prop, pero hindi n'ya kami pinipilit na paniwalaan ang kaniyang pinaniniwalaan. At 'pag iniisip ko, tama rin talaga si Prop, "...kaya tayo hindi umuunlad kasi ano ginagawa nating mga Pinoy? Magsisimba sa umaga, magkukuwanwaring naniniwala tapos ano gagawin pagkatapos? Tataya sa Lotto at maghihintay ng himala. Wala, wala, hindi tayo uunlad sa paniniwala't mga himala..."

Si Prop. Si Prop na makapagsasalba. Kuwentuhan nga namin ng kaibigan ko sa klase, 'pag tumakbo si Prop sa pinakamataas na puwesto sa bansa, tiyak na tiyak, uusad ang bansa pataas. Si Prop ang maaaring may sagot sa mga problemang ilang kamatayan na ang nasaksihan, sa katunayan nga, at naniniwala kaming lahat, si Prop ang pag-asa ng bayan nating naghihingalo sa usok ng kawalang kaalaman.
 
tinipa ni Bote. noong 11:31 AM | Permalink |


0 Comments: