Thursday, June 08, 2006
Dyip # 2 : Panibagong Saynbord
Isang daan apatnapu't walong libo siyam na raan at dalawampung oras na akong humihinga at patuloy na sumisiksik sa masikip at mainit nating lugar na kung tawagin ay mundo. Naigugol ko na ang mayorya ng dalawang libo at dalawang daan na araw ko sa paaaralan upang may matutunan at magkaroon ng kaunting kaalaman sa siyensiya - at lalo na sa kamunduhan. Sa labing pitong taon kong hininga dito sa magulong sanlibutan ay labing isa dito ang ginamit ko sa pag-ubos ng taba sa paggawa ng mga takdang-araling at walang kabuluhang mga proyekto. Unang taon ko na sa kolehiyo at parang unang aklat muli ng buhay ko. Ikot.

Panibagong yugto ng buhay. Panibagong liwanag at pag-asa. Mistulang pinagbigyan muli ako, sa mga kamalian at katangahang nagawa, sa mga pagaaksaya ng mahalagang oras, sa pagdudumi ng sarili kong katauhan. Parang binigyan muli ako ng panibagong pagkatao, ng panibagong katawan, ng bagong mukha, na maaaring taas noo ko muling iharap, sa iba pang tao at kulturang makasasalamuha't makakangitian. Parang panibagong pula ng itlog, kung saan ang pula ay ang pagkatao at ang itlog ay ako. Sero.

Hindi ko alam kung ano ang dapat kong antayin at paghandaan. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong ikilos, isagot, isuot, ilakad, isalita, itawa, at maging ihinga dahil hindi ko pa din naman kabisado ang lugar, kilos, salita, suot, lakad, tawa at hininga ng panibagong mundo na pinursigi kong galawan. Hindi ko alam kung makatatagal ako. Hindi ko alam kung kaya kong mamuhay ng mag-isa't makipagsugal kay Haring Kapalaran habang kumakanta ng himno ng bago ngang mundo. Hindi ko talaga alam at wala pa akong balak magtanong.

Siguro, at kinukuwtasyon ko si G. Lourd de Veyra, siguro para lang talaga ito sa mga "tunay na lalaki... sa tunay na lalaking hindi natatakot... sa tunay na lalaking hindi natatakot tumalon sa bangin... sa tunay na lalaking lumalangoy sa salamin..." Mga malalalim at malalaman na salitang walang silbi sa ilan, pero malakas ang tama sa 'kin, pare. Siguro kailangan lang talaga ng lakas ng loob, kailangan ko ng lakas ng loob, na pilit ko pa ding hinahanap, simula nung tumakas at lumayo ito sa 'kin ng paminsang napahiya ako. Hindi ko alam kung dapat ba akong panghinaan ng loob at kabahan. May mga paru-paro sa 'king tiyan na kumakanta din ng Astro, pero siguro dahil na din ito sa nagaaalburuto kong tiyan na bunga ng kinain kong tinapay na pinatibay ng panahon.

Seryoso na ang atmospera ng panahon. Seryoso na ang tingin ng mga mata't pagkilos ng makinang kung tawagin natin ay utak. Seryoso na ang lahat. Seryoso na din naman ako. Kahit minsan ay medyo hindi. Seryoso ako sa pag-aaral ngayon, sa unibersidad na aking pakikipagbunuan, sa mga pag-aaralang pakiramdam ko'y huli ako at maiiwan, sa bagong buhay at opurtinadad na ipinagkaloob at ipinasusubo na lamang sa akin, at sa bigo kong pagkatao. Seryoso na talaga. At walang nang atrasan pa.

Sana matapos ko ang lakbaying ito. Sana matapos ko at wala gaanong lubak sa daan ng amoy-bagong dyip na sasakyan ko. Sana diretso ang kalye't kalsada, sana diretso na ang buhay ko, diretso na sa kaliwanagan at pagkakaintindihan. Sana walang pumara't sabay-sabay sana kaming makarating sa paroroonan. Sana walang mahuli at sabay-sabay din sana kaming maging saksi sa panimula. Sana maluwag at mahaba ang dyip.

Unang taon ko na sa kolehiyo at parang unang aklat muli ng buhay ko. Sana lang maganda ang katapusan. At sana sa gitna ng kasukdulan, ang papel kong protagonista pa din ang magwagi. Sana maganda ang pabalat para maganda ang husga ng mga taong tawag ay kritiko. Sana mahaplos ka ng aklat na ito.
 
tinipa ni Bote. noong 5:16 PM | Permalink |


0 Comments: