Napanood ko si Ginoong Lav Diaz at Ginoong Ato Bautista na iniinterbyu sa isang medyo interesadong palabas sa isang tsanel sa keybol. At namangha ako. Hindi ko mapigilang mapanganga habang naglilitanya si G. Diaz ukol sa mga perspektibo n'ya, sa paggawa ng pelikula, sa creative control, sa aesthetic culture, sa method acting, sa buhay at bawat paghinga natin. Kasinghaba ng oras ng mga pelikula nya ang respeto ko.
Buong tikas ang pagtatanggol n'ya sa sarili laban sa mga kritiko. Sa mga kritikong may pagka-dorobo, mga megamol, mga taong puro James Bond ang pinapanood ng paulit-ulit. Wika nga n'ya, kung sa literatura ay may maikling tula at mahabang nobela, dapat din at lohikal na magkaroon ng maikli at mahabang pelikula. Na sumisigaw ng hinaing at nagbubunyag ng kultura. Ng kulturang tatlong daan taon sa kristiyanismo at apat napung taon sa protestantismo't pagpapasa-pasahan. Galing.
Galing din ako, ngayong araw, sa unibersidad na papasukan ko at susuongan upang magpasa ng ilang mahahalagang rekwayrments. Masaya naman ako at saglit lang ito, kamangha-manghang hindi mahaba ang pila na parang rali sa Mendiola. Matataray ang mga propesor at propesora. Wala ng bigay-bigay ng direksyon, matuto kang humanap ng paglalagyan mo. Masaya pa din. Bawal ang magulang, at sanay na ako doon. Ngunit may ilang stage parents pa din na ginawang modelong bata ang kanilang mga anak. Nora at Lotlot. Nagpupumilit at naglilitanya ng wikang hindi naman ugat sa atin 'pag nadedehado ang mga anak nila. Sus. Walang pinagiba sa mga pulitikong nagiisip na hindi makapagsasarili at makauungos ang bansa natin ng mag-isa.
At kaarawan din ng lola kong pitumpitong taon ng humihinga at mga dalawampu't taon ng nagyayakag kumain at nagsesermon. Tatlumpu't tatlong porsiyento ng buhay n'ya ang inilaan sa pagpapaalala sa 'kin na mag tsinelas sa loob ng bahay dahil malamig ang lupa at 'wag maghubad ng damit pagkabasketbol dahil matutuyuan ako ng pawis. Ilang taon na rin s'yang nakikipagbuno sa 'kin. Pero ayos lang, sa tagal, para na lang akong umiinom ng tubig nawasa. Isa lang ang hindi ko gusto ngayong kaarawan n'ya, at iyon ay ang handa. Hindi ko gusto ang pancit na iniluluto kaya't ngayo'y nagtitipa sa mapanirang kompyuter. Pancit canton. Hinahanap ng matabil kong dila ang sarap, ang init, at ang kakilig-kilig na lasa ng pancit bihon. Pero kahit na, at anuman ang handa. Hmm... I still love my lola. But I do still love my pancit bihon.