Monday, March 13, 2006
Natanggal ang Tuyong Laway sa Gilid ng Mahabaging Labi na Kumikislap sa T'wing Sisikatan ni Haring Araw at ng mga Kwento ni Lola Basyang
Ika-dalawampu't walo ng Pebrero, mga bandang tanghali, sa may mesa ni Gng. Solis. Pumasok si Amelia sa silid, binati ako, at naglitanya ng mala-anghel na mga kataga. Napatalon ako sa tuwa. Ang tuwang napasyal lang sa 'kin sa t'wing nagpapatawa si Dolphy. Abot langit ang ngiti ko. Naguluhan ang ilang bahagi ng aking katawan sa kung ano ang dapat gawin. Tama nga ang batikang si Stephen, may liwanag sa likod ng mga nimbus klawds. Sobrang liwanag na maaari mong ikabulag. Pumasa ako.

Hindi namin malaman ng katsokaran kong si Abe kung ano ang unang hakbang. Itinago ko sa sarili ang nararamdaman. Hindi ko agad pinawari sa lalaking nagpalaki sa akin. Hindi ako agad nagbulalas ng kayabangan. Pinanabik ko ang damdamin nila at inantay lumabas ang asido sa mga butas sa katawan. Nanatili akong mala-Lucy Torres-Gomez. Kinilig ang lahat sa pananabik.

Naglakbay ako pauwi. Naglakad sa daang nilakad ko ng halos 1200 na araw ng aking pagpasok. Sumakay ng mainit na dyip. Kasabay ng pagtulo ng aking pawis ay ang paglaglag ng aking puso sa pananabik. Inaantay ko ang mga tandang malapit na ako sa amin. Inaantay kong bumulwak sa aking bibig ang mga kataga ng kayabangan na sasaluhin nila't ipagmamalaki. Bumaba sa mala-impyernong dyip, naglakad pauwi, sa lugar kung saan saksi sa pagtubo ng kung anu-ano sa akin. Napatakbo ako sa eksaytment. Pagpasok ay sumigaw ako ng buong galak, tumalon ng buong ligaya, at pinuri bilang isang buong tao.

Maayos na ang lahat. Wala ng gusot. Nagmistulang biyaya ang paglabas ng resulta. Sakto. Kaarawan ng babaeng hindi na ako nakitang lumaki ngunit inantay ito. Hapi bertdey. Sumuot ako sa maayos na mundo, at ngayon, ang pagsisikap na lang, at marahil kaunting tsamba muli.

 
tinipa ni Bote. noong 7:07 PM | Permalink |


0 Comments: