Monday, April 03, 2006
Masarap Sumayaw Saliw ng Naiibang Tugtugin
Bakasyon. Hindi ko lubos maisip ang saya, halakhak, at tuwa ng iba sa tuwing nasasambit ang nasabing salita. Hindi ko lubos maisip kung ano ang kinaganda nito. Hindi ko lubos maisip kung bakit kailangan pa ng mahaba-habang pahinga. Hindi ko makuha ang dahilan kung bakit kailangan pa nito. Marahil, hindi ko naman kasi hinahanap. Pero, sus. Walang masaya dito. Nakakatamad. Mas gugustuhin ko pang magbilang ng bangaw na lumilipad-lipad sa umaga at magbenta ng matatamis na kalamay.

Kain-tulog. Kain-tulog. Kain-tulog. At kain-tulog muli. Dalawang mapusyaw na salita na bumabalot sa pagkatao ko ngayong araw ng bakasyon. Sawang-sawa na ang dila ko at purgang-purga na ang dalawang mata. Marami namang magagawa ngunit wala akong apoy para gumawa. Kinakain ng katamaran at pagiging batugan ang manipis kong katawan. Pero mayroon pa ding mga dapat gawin.

Napakahaba ng mga rekwayrments sa aking papasukang unibersidad[hindi ko halos mabanggit at matipa ang pangalan nito dahil sadyang kinikilabutan ako at nahihiya]. Ang hirap sa pagpasa sa entrans eksam nito ay kalahati palang pala ng hirap upang makapasok at makapagaral sa prestirhiyosong institusyon. Ilang araw na lang ng pagtitiyaga at pagkukumpleto ay lulusot na ako sa butas. Kaunti na lang.

Eksayted ako sa pagpasok tulad ng pagiging kabado ko din dito. Kinakabahan ako sa laki at lawak ng institusyon. Nakakatakot ako sa mga mangyayari at hindi ko alam ang dapat kong abangan at gawin. Hindi ko alam ang ikikilos ko. Aabangan ko na lang ang mga susunod na kabanata.

G.Butch Dalisay, nagbigay ka muli ng inspirasyon. Ninanais ko ngayon at pinagiisipang lumahok sa isang patimpalak na huhusga sa mga natutunan ko at ekspiryensya. Tuwa at takot sa pananabik. Ngunit, sa balak kong paglahok, ay isang bagay na hindi ko ginagawa ang dapat kong gawin. Magsulat ng lathalain sa positibong tema. Bagay na hindi ko pa nagagawa. Bagay na hindi ko pa sinisisid. Bagay na balintunay sa akin, sa aking pagkatao, sa pagsulat ko, sa mundo. Hindi pa siguro huli upong sumubok ng bago. Masarap sumayaw saliw ng naiibang tugtugin.
 
tinipa ni Bote. noong 4:02 PM | Permalink |


0 Comments: