Wednesday, March 15, 2006
Klik.

Hindi ko alam kung bakit, pero unti-unti akong nahuhumaling sa mundo ng potograpi. Mapa-stil layp man, potodyornalisim, sinik, at iba pang klase ay nagugustuhan ko. Kaya pangarap ko ngayon, bago sana ako tumungtong ng kolehiyo, ay magkaroon ng sariling itim na kahong maliit, na maglalaman at maglalarawan ng kasawian at kasayahan ng buhay na hiram. Kahit hindi didyital, ayos na. Kahit pangbangketa lang, ayos na. Kahit kulay pink, ayos ka ha?

Naiintriga ako sa mga litratong nagsasalita ng magisa kahit walang kapsyon. Mga litratong walang buhay ngunit gumagalaw, walang lakas ngunit nakakapagbago ng pagkatao. Mga litratong hindi porno[mamatay ka man!], mga litratong may pagka-subersibo, mga litratong sumasalamin sa pagkakaiba ng buhay mo at buhay ng isang kalyo.

Kung sabagay, kahit 'nung elementari pa lang ako ay natutuwa na at may kaunting alam na ako sa mga piktyur-piktyur, at hindi ito dahil sa mga awting ng pamilya. Noon pa man ay tulo-laway na ang aking pagkamangha sa potodyornalisim. Habang ako ay nakulong sa madugong mundo ng kapiriding at editoryal rayting, ang iba sa aking mga kasama sa hanay ng dyornalismo ay nagbigay tuon sa pagpapadebelop ng kodak pilm. Nanlalaki ang mata ko sa walang galaw nilang pagkaptyur ng mga litrato at malikot na pagbibigay ng kapsyon dito. At noon pa lang din ay sumuko na ko at hindi na umasang makahawak ng kamera. Pasmado ako. Langit at lupa, walang tao.

Pero ngayon, binuhay ko ulit ang kinalimutang pangarap at nais na pumasok sa nasabing larangang hindi bagay sa 'kin. Malay mo, at malay natin, isa ka sa mapiktyuran ko, may pakpak ka, at may sungay ako. At maari. Mag-ugnay ng hindi maaaring iugnay. Hihinga na lang ako ng malalim at isisimangot ang mukha. Ilayo mo nga ako at ipakain sa kwago.
 
tinipa ni Bote. noong 6:03 PM | Permalink |


0 Comments: