Monday, March 13, 2006
Siling Giniling sa Ibabaw ng Kanin na Binudburan ng Talumpati
Walang klase bukas dahil praktis lang para sa misa [oo, pinapraktis ang misa sa eskwelahan namin] ang gagawin. Hindi ako katoliko. At kung ano man ako hulaan mo. Kakakagawa ko lang ng isa nanamang blog na sa tingin ko'y ito na ang huli't pupunuin ng hinagpis sa mundo. Wala akong magawa. Naiinis din ako. Hindi ko mahanap ang lyrics ng kantang nagsasayaw-sayaw sa utak kong hugis durian. S-I-L-I-N-G-G-I-N-I-L-I-N-G. Takte. Utak ng Giniling Festival. Sinasamba ko kayo.

Wala talaga akong magawa. Hindi dahil sa wala ng dapat pang gawin kundi dahil wala akong gana. Katamaran. Umiikot-ikot at paswing-swing lang ang utak ko sa ilalim ng mapusyaw na sinag ng buwan. At wala ako sa bahay. Nasa suking internet syap matapos kalas-kalasin ang walang kwentang sariling kompyuter. Sabay-sabay ang buhos ng titik sa utak ko at nagiging dahilan upang wala akong matipa. Uhaw ako sa sulatin. Uhaw ako sa kamunduhan.

Hindi ko lubos maisip kung bakit ako natatali sa paggawa ng mga walang kwentang bagay. Sa halip na gumawa ng mga mabubuti at makatutulong sa bayan nating nalulunod sa krisis ay pinipili ko pa ring gumawa ng bagay na walang kabuluhan at nakasentro sa kung anu-anong tema tulad ng kulugo.

Marahil sadyang ganun' ang utak at isipan ng tao. Lamang ang gusto sa tama. Hind ko lubos mapagtanto pero sinasabi ng utak ko na may koneksyon ito sa litanyang "Masarap ang bawal..." Balintunay. Sadyang magulo ang utak para pag-aralan. Hindi mo malalamangan ang matagal nang lamang. Hindi mo matatalo ang matagal nang nagwawagi't nageensayo. Hindi mo magagapi ang matagal ng talunan. Hindi mo mababago ang utak ng bobo.

At sa paggawa ko ng walang kwentang lathalain na ito ay hindi ko pa din nagagawa ang talumpating matagal nang inatas sa 'king gawin ng aking tiyahin. Pusang gala. Ilang daang letra na ito na maaaring naging titik na ng talumpating iyon. Marahil hindi madaling aralin at baguhin ang isang tulad ko.
 
tinipa ni Bote. noong 7:41 PM | Permalink |


0 Comments: