Thursday, March 16, 2006
I. Crashed.
Nakatutok ang mata ko kahit gusto ko nang matulog dahil may praktis kinabukasan. Habang pumapapak ng walang kamatayang barbikyu at palipat-lipat ng tsanel upang malaman kung sino ang mananalo sa pakontes ay pinanonood ko ang pelikulang nagpabago ng pananaw ko sa mundo. "Crash." Paul Haggis, ang galing mo.

Umikot ang kwento sa mga lahi, pagkakaiba, mga gulo ukol dito at sumagot ng madaming tanong tungkol sa itim, puti, at kayumanggi. Ang kinaganda ng nasabing obra ay ang pagkakagawa at pagsasabuhay dito sa pinilakang tabing. Nagawa nilang pagdikit-dikitin ang istorya ng bawat kulay. Nakapanginginig at nakakakilabot ang tunggalian. Walang kamatayang kasukdulan. May sigaw ang bawat litanya. May laman ang bawat galaw. Talo talaga ang pelikula ng mga bading. Sinagasaan.

Napakagaling ng pag-arte. Dama mo ang bawat hininga. Ang paglabas ng hangin, pagngiti, pag-iyak, pagbagsak ng dahon sa paligid. Low-budget man daw. Kung sabagay, matagal na din akong humahanga sa mga pelikulang kaunting pera't panahon lang ang ginamit. Kung tutuusin, itong mga pelikula pang ito ang mas may laman, may kwenta, may katuturan, kaysa sa mga pelikulang parang ewan, mga pelikulang may malaking unggoy na lumusob sa siyudad at naghasik ng lagim, at 'pag hinalikan ito ng prinsesa ay magiging palaka. Sus.

Mga pelikulang independyente ang pag-asa. Hindi uubos ng pera at hindi din uubos ng panahon 'di tulad ng sa mga pelikulang pang-unggoy. Oo, unggoy din ako, pati ikaw alam ko. 'Wag ka nang magmaang-maangan. Sinabi sa 'kin ng katabi mo. Sa liit ng mundo, walang hindi nagsisiraan at nagbabanggaan. Natutunan ko yan. Sabi nga ng slogan ng "Crash:"

"Moving at the speed of life, we are bound to collide with each other."
 
tinipa ni Bote. noong 6:07 PM | Permalink |


0 Comments: