Limampu't isang minuto matapos ang ika-pito ng gabi. Nakatayo at nangangatal ang katawan sa pananabik. Inilipat ang tasel mula sa kaliwa patungo sa kanan. Sumigaw ang mga bituwin sa tuwa. Humihiyaw ang buwan sa saya. Nagliparan ang mga ngiting dati'y may kaba at halong luha. Tapos na ang buhay hayskul at tapos na din ang buhay na nagpaparaya.
Buong umagang naghanda. Nag-ayos, nagpahinga, humiling na ang mukhang lipas na ng panahon ay umayos kahit sa araw lang na iyon. Kinikilig ang lahat sa pananabik. Ang mga dalagita'y nagpaayos na sa kani-kaniyang ginusto. Kinulot ang buhok ng tuwid at tinuwid ang buhok ng kulot. Namumula ang mga pisngi't labi. Lahat ay nagkikislapan. Ngiti dito, ngiti doon. Nagmistulang artista ang mga paslit. Sinabitan ng sampaguita ang mga leeg na dati'y puros pawis. Huling martsa sa hayskul at unang martsa ng kinabukasan.
Binalot ng kontrobersya ang buong gabi. At sinira ni Cherry ang gradweysyon ribon ko. Lalong lumabo ang gabi at dumilim ang paningin ko. Swak. Hindi ko nais pahabain ang deskripsyon ko. Kung batsmeyt kita at binabasa mo ngayon 'to, alam mo na ang ibig kong sabihin. Isa lang ang hatol ko sa lahat. Doon ako sa taong matagal ko ng kilala at pinagtibay na ng panahon. Hindi ito blayn aytem at wala akong balak manghusga. Pag-isipan mo.
Natapos ang gabi sa iyak at luhang umagos sa mga mapupulang pisngi. Bumuhos ang pighati ng mga kababaihan. Nanatiling matikas ang mga kalalakihan. Nanatili ng panandalian sa eskwelahan, nagsauli ng toga, ngumiti muli ng ilang ulit, nakipagtawanan, nakipagkuwentuhan, at nagbalak ng coup plot laban sa administrasyong Arroyo. Pag-isipan mo muli.
Kumain ako ng manok at uminom ng softdrinks. Inaapoy ako ng lagnat. Tapos na ang huling martsa na ng buhay ko.