Masakit ang balat kong sinunog ng araw. Masakit ang katawan kong pinagod ng alon at apat na talampakang tubig. Mahapdi ang matang tumunaw sa mga ilang katawang iniayon ng panahon. Puno ang tiyan ng pagkaing napagsaluhan. Maraming salamat. Natuloy ang awting namin.
Masaya ang lahat. Ika-walo ng umaga ang pananagpo sa pito't labing-isa sa imus. Mapayapa namang nagsidatingan ang buong batalyon ng siyam na tao, kahit na ang ilan ay magaalas nuebe na dumating. Masaya kahit medyo at kaunting perwisyo. Muling nagtagpo ang mga anghel at demonyo. Nagtapon ang ngiti ng mga mata't labi. Litanyang puros mura ang sa kalalakihan. Saya.
Sumakay kami ng mainit at masikip na dyip, lalo na 'nung sumakay ang isang babaeng naiwanan sa kusina ng ilang siglo. Payapa ang paglalakbay. Agad kaming dumating sa dapat puntahan. Agad naghanap ng kakilala, humingi ng dikawnt, at pumasok kaalinsabay ang mga sabik at uhaw na gunita. Humanap ng kateyds, nakatagpo ng tamang lokasyon, at nagsyawer. Malamig ang tubig sa banyo na sinlamig ng utak naming iniisip ang maiinit na katawan. Agad na lumusong at lumangoy sa tubig na puro 'chlorine.' Pinuno ng parehong gunita ang halos buong maghapon, at tanging ang pagkain lang sa pamamagitan ng kamay, ng manok at kaunting kanin, ang nagpatigil at nagpaahon.
Nagsyawer muli at nag-ayos ng gamit. Nagsuot ng mga damit pang-uwi. Masaya pa rin ang mga ngiti at mapupulang pisngi't labing bunga ng malokong araw. Nagpaalam na, kaunting kodakan, sumakay muli ng lalong mainit at masikip na dyip, patungo sa kani-kaniyang kuta. Masaya pa rin at malusog sa kaaalaman ang lahat.
At nagunita ko lang. Mas masarap at mas masayang sumuong at lumusong sa tubig ng buhay. Mas liligaya ang isa kung matututong tanggapin ang alon ng buhay, at sumisid sa malalim na kaibuturan nito. At sabi ko nga sa testimonyal ko kay Golda, take the plunge, pare. Take the plunge.