Monday, May 29, 2006
Sanaysablay na Pangarap
'Sing taas ng mga bituwing kumikinang-kinang at kumikislap-kislap 'pag gabi ang pangarap ko noong panahong kasing tanda palang ako ng termino ng pangulo natin sa kasalukuyan. At hindi lang basta pangarap na kaya mong pulutin sa kawalan kundi pangarap na maaabot mo lang kalaunan, 'pag nagsikap ako't nakapagsunog na ng manipis kong kilay. At isa sa mga natatanging pangarap ko noon ay ang maging mahusay na manlalaro ng -- basketbol.

Alam kong isang malaking bulko ng balintunay ang pangarap ko. Sa porma kong pinagkaitan ng haba ng buto, pinagkaitan ng malakas at malusog na katawan, at pinagkaitan ng tiyaga at kasipagan. Pero isa lang ang panlaban ko sa iba, at nanali pa din akong mangarap ng nakanganga, at ito ay ang mumunti kong nalalaman sa laro at kilos, ang paggamit ng laman sa loob ng bungo, na lamang at kulang sa ibang mahusay ngang manlalaro.

Sa kabila ng mga pinagkait sa 'kin[at medyo ipinagdamot] ay hindi naman ako nawalan ng pag-asa, at inisip pa din na may kinabukasan pa 'ko, lalo na sa laro ng bawat Pilipino. Lumipas ang panahon at nagkaroon din naman ako ng mumunting talento at kilos sa laro, kahit na ang kaalaman at kilos na ito ay kayang-kayang mabasa kahit daga pa ang kalaban ko. Hindi naman ako nagpahuli sa mga kasabayan ko, kahit na nahuhuli pa din ang hayt kong pinipigil ng panahon.

Hindi ko alam kung bakit pero hindi pa din nawala ang hilig ko kahit na pinaglulupaan lang ako at isinasantabi sa bawat laro. Hindi ko alam kung bakit hindi nawala ang pananabik ko, sa bawat kalas ng bola sa kamay ng tumitira, sa bawat padyak at bagsak ng kumakaripas na mga paa sa semento, sa bawat banggaan ng mga katawan para lamang makakuha ng kalamangan, sa bawat araw na nadadagdagan ang talento nila at ako'y napagiiwanan. Hindi ko alam at hindi pumasok sa isip ko na iwanan at biguin ang pangarap ko.

Hanggang ngayon ay iniisip ko pa din kung bigo na ba talaga ang pangarap ko, o sadyang puro kabiguan lang ang itinataas noo kong pagkatao. Hanggang ngayon ay ipinapasok ko pa din sa isip ko kung hanggang dito na lang talaga ang kaya ko at sadyang susuko na't magpapatalo sa tadhana.

Marahil, ang sagot, ay hindi talaga ito para sa 'kin. Siguro may mga bagay lang talaga na nakatakda para sa ibang tao, may mga bagay na sila ang huhusay at liliksi, hindi lahat ng bagay ay kayang gawin ng isang normal na nilalalang. 'Ni ultimo si da Vinci na nakapadaming kayang gawin ay hindi pa rin umangat sa palakasan, kahit si Jordan na humahataw sa hardkort ay hindi naman lamang sa patalasan ng isipan. Hindi mo makukuha ang lahat ng bagay sa mundo, at kung may makagawa man at mangyari 'yon, hindi na ito gawa ng tao, at tinalo n'ya ang tadhana.

'Sing taas ng mga bituwing kumikinang-kinang at kumikislap-kislap 'pag gabi ang pangarap ko noong panahong kasing tanda palang ako ng termino ng pangulo natin sa kasalukuyan. Kaya pala hanggang sa ngayon ay hanggang tingin na lang ako't hindi ko pa din kayang abutin, 'sing init din pala nito ito at takot akong mapaso. Kaya pala sablay pa din ang paglukso at pag-abot ko sa malabong malabong pangarap. Panaginip.
 
tinipa ni Bote. noong 7:13 PM | Permalink |


0 Comments: