Matagal din akong hindi nagkaroon ng mga bagong sulatin at mahaba-haba ding panahon na hindi ako kinilig sa pagtitipa dahil na din sa napakadaming kadahilanan at mga pangyayari at sitwasyong hindi ko makalilimutan.
At sa wakas matapos ang ilang linggo, araw, oras, minuto, at segundo ng pangungulila at pagkakasubo sa sakit ng mga baguhang manunulat ay narito ako't pinipipilit pigain ang utak na hanggang ngayon ay naiwan sa MRT Taft Avenue Station.
Sa wakas ay tapos na din akong magpalista at magpatala bilang isa nang lihitimong mag-aaral sa unibersidad na aking papasukan. Isang dakilang akala namin ng aking ka-tsokaran na ang pagpasa namin sa pamatay sa eksamin ay ang susi na namin sa aming pagpasok. Hindi pa pala. Ang pagdaan sa pagpapalista ng pangalan namin ay mistulang eksamin na din sa kung gaano namin kayang tumayo ng mag-isa at hindi na humingi ng gatas sa mga ina. [Bleep]ina!
Salamat na lang at tapos na. At tapos na din ang isa pang bahagi ng buhay ko na walang kinalaman sa pagpasok at sa unibersidad. Napawi ng kaunti ang saya't ngiti ko ng mga nagdaang araw at linggo, na naging dahilan na din upang huminto muna ako sa paglitanya. Parang may nawalang malaking bahagi sa pasel ng buhay ko. Parang may nawalang papeles sa isang bagaheng puno ng papel. Salamat. Salamat din sa kanya. Nabuo ako at naging tao.
Malamang at malaki ang tyansa na sa susunod na mga pagbisita ko dito ay mga walang kakuwenta-kuwentang maikling kuwento na ukol sa pighati maipinta ko. Salamat sa mga hindi makalilimutang pangyayari't sitwasyon. Salamat.