Thursday, May 25, 2006
Plagiarism : At the Brink of its Unprecedented Success
Naiinis pa din ako sa kasalukuyan at hindi ko pa din matukoy ang tiyak na kadahilanan. Pero tiyak din akong isa ang mga Erap branchildren sa mga malalakas ang apog na dahilan. At laganap na nga siguro ang panghihigop ng ideya kahit na protektado na naman ito ng kaunti. Halang ang kaluluwa. Nakakawalang gana.

Sa kabila ng naghihimutok kong utak at litid sa leeg at kamay, na katitipa'y sumuko na sa buhay, ay hindi ko alam kung bakit nahahaluan ng matinding kaba at pagdadamdam ang maitim kong puso, lalo na 'pag naiisip kong wala pa din akong iskedyul para makuha ang ID ko. Susmaryosep. Hindi ko din kasi alam kung bakit inaatake na naman ako nang sakit na akala ko'y tuwing pasukan lang ako dinadalaw. Nang sakit na akala mistulang kakambal ko na. Katamaran.

Kunsabagay, sa ilang araw at linggo ng bakasyon ay ngayon lang ulit ito pumalaot sa gula-gulanit kong isipan. Siguro "weather-weather" lang. At ang panahon ngayon ay ang pagbagyo ng pagiging batugan. Minsan iniisip ko kung bakit noong naghagis ang Maykapal ng katamaran e mistulang pinukol lahat sa manipis kong katawan. Tingnan mo nga naman ang swerte. "Better lucky than intelligent" -ika nga ng mga nakapasa sa admisyon eksam namin. Sus. Mala-milagrong pagtsamba ang dumating sa 'kin. At masaya na din ako.

Pero hindi naman lahat ay kinatatamaran ko. May hilig pa din akong gawin kahit pa sa mga araw na ang gusto ko lang ay humiga at panoorin ang paborito kong si Willie Revillame sa Wowowie habang nagpapauto sa mga akala-nila'y-nakatatawang mga litanya. May hindi din naman ako kinatatamaran at hindi ito tinatablan. Mahilig pa din akong magsulat, gumawa ng sulatin, ng lathalain, at maglitanya kahit ng mga mala-demonyong pag-utal. At iyon nga. Kahit na 'yon na lang ang bagay na hindi umuubra ang kapangyarihan ni Haring Batugan, kahit na 'yon na lang ang napagtyatiyagaan, ay may mga walang habas pa ring humigop at humiwa ng kaunti sa mga sarili at ilang nakaw ko ding mga ideya. At kaya din ako naiinis pa din.

At sa kabila ng lahat isa pa din ang namayani. Isa lang ang nagwagi. Ang mga pulitikong bobo na pinipilit ikandado ang mga sinehan upang hindi maipalabas ang sumikat tuloy na The Da Vinci Code. Una sa lahat ay hindi ako pabor sa pagbaban ng pelikulang nabanggit. Tama nga sila, mas marami pang pelikulang tumatalakay sa mga putahan at walang kakuwenta-kuwentang bahay-aliwan ang naipalabas na mas malala pa kaysa sa pelikulang ngayo'y pinagpipiyestahan. Hindi ko man nabasa o binasa ang libro, na wika nga ni G. Dalisay, ay dahil din sa walang kakuwenta-kuwenta ang pagkasulat ng libro, ngunit maganda naman ang pagkakasiliksik nito. Librong sumikat dahil sa magandang propaganda't mahusay na pagkasaliksik. Librong kauutalan ng marami. At hindi ako isa sa kanila.

Paumanhin sa panlalait, pero resulta din ito, ng slayt na pagkainis ko. Sa iba at maging sa aking sarili. Sinto-sinto ang utak ko ngayon na naghihikahos na sa mga bagong ideya. Sabi ng ng matatanda - "Pagpalain sana kayo..." nino man.
 
tinipa ni Bote. noong 5:12 PM | Permalink |


0 Comments: