Pinangungunahan na kita at sinasabi ko na sa'yo na walang kakuwenta-kuwenta ang sanaysay na ito. Wala nang maisip gawan ng lathalain ang may akda kundi ang pinakapangkaraniwan at pinakasariwang tanawin sa Pilipinas ngayon - basura.
Hindi ko alam kung bakit marami ang naiinis sa t'wing nakakikita o nakasasagupa ng mabangis na amoy ng sariwang basura. Sa kanto, sa tabing daan, sa haywey, kalye, loob ng bahay, maging sa utak ng pinakamataas na uri ng tao. Hindi ko alam kung bakit madalas itong pandirihan at iwasan, kung bakit kailangan pang takpan ang ilong at ilayo ang tingin, magsalita ng pabalang at punahin ang konsehong dapat mangalaga dito.
Siguro napansin ko na din, kasi isa din ako sa mga ito.
Ang basura ang pinakapansing tanawin saan man sa ngayon. Kung wala ang basura ay walang balanse ang dumi't kalinisan na katulad ng pagkawala ng kababaihan habang mayroon pang mga kalalakihan. Ang basura ang nagmimistulang icing sa keyk na tinatawag nating bansa. Ang basura ang palamuti sa ilalim ng billboard ng pinuno ng aming bayang sikat din dahil sa basura, dahil ito daw ang kapital nito.
Ang basura, para sa akin, ang pinakasukdulang uri ng katayuan bilang isang bagay. Ang pagiging basura ay nangangahulugang pamamahinga o maaari namang magpakahulugan ng pagbabago't muling pagtanggap. Ang basura ay binabalewala dahil hindi ito ganoon kanais-nais sa uring pisikal subalit sa kabila nito'y mayroon pa rin namang dito pa rin umaasa ng kanilang makakain at ikabubuhay.
Ito ang buhay ng mga pinakalalayuang mga langaw. Ito ang nagsisimula ng buhay, ng pagbabagong buhay, at pagtatapos ng buhay.
Sabi ng ilan, bago mo daw malaman ang uri ng isang bagay ay dapat naging ganoong uri ka na din o naranasan mo na ding maging kauri nito. Marahil totoo. Siguro basura din ako. At basura din itong mga pinaggagawa ko't umiikot-ikot at lumalangoy-langoy sa utak kong binuo din ng basurang pumapaligid sa 'kin.
At basura din ang lahat ng mga tao. Maging ang pusa't aso mo, maging ang artistang patay na patay kang mapanood sa paborito mong programang walang ibang alam kundi isalamin ang buhay ng mga Pilipinong basura na umiikot din sa basura, maging ang paborito mong pulitikong nakikipagdebate sa kapwa basura ng estado, maging ang ikinabubuhay mong marangal na pinamumunuan din ng mga basurang kumikita din mula sa basura't babagsak din dahil dito, maging ang sarili mo.
Siguro basura talaga ako. At sa pagbasa mo nito, isa kang binasurang tao.