Masaya ako na medyo nahihilo
Nakapaninibago
Daming tao
Daming mga kulay na uso
Nakapangingilabot ang pag-usbong
Masaya ako mag-isa
Nahihilo ako sa dami ng dumaraan
Ngumingiti at tumitingala
Na parang walang nakikita't
Nakikipag-usap sa nagtatagong buwan
Ayos na sana ang lahat
Taas noo ang pagtanyag ko
Hindi pala lahat may utak
Matalino
Mayroon ding tamad
Kinulang sa sipag at hawak ay tabak
Sinisigaw ay kalayaan
Pagkapantay-pantay
Lahat ay nilalabanan
Saan man, anuman
Sabay alis
Parang mga kwan ang tao sa MRT
Walang'ya sobrang siksikan
Sobra sa ipitan
Sobra sa tulakan
Sobra sa kapitan
Sobra sa kabobohan
Ang mga pinoy nagpupumilit
Nagpupumilit na i-sardinas ang sarili
At igisa kasama ng mga kamatis at bawang
At kung anu-ano pang amoy ng sahog
Sa mahabang kawali na kabobohan din
Kabobohan din ang umiiral
Mistulang mauubos ang oras
Mistulang maagawan ng panahon
Lamangan ang laging nasa dulo ng isip
'Di man lang pinansin at sa halip
Nakipagbanggaan ng tadyang at balikat
Walang'ya talaga walang umaawat
Hindi tuloy ako makahinga ng ayos
Hindi ako makahinga
At halos hindi na ako humihinga
Hindi talaga
Hindi ako makahinga
Wala na
Ubos na ang hangin
Hindi ako makahinga
Mabigat ang dibdib
At iniipit ang mga baga
Wala ng hangin
Walang buhay
Hindi makahinga
Hindi makalanghap
Hindi na, wala na
Walang pag-asa