May paru-paro pa ring lumilyag-liyag sa puso at bituka ko na puwersahang hindi ako pinakakain at pinakakalma. Pero hindi ito tulad ng paru-paro ni Rustom Padilla na maaaring makapagudyok upang masabi ang katotohanan at makapanggulat nang napakaraming mga Pilipinong mahilig idikit ang kanilang tenga sa pader o pintuan. Hindi ako mapalagay. Hindi pa ako kuntento sa buhay at sa riles na tinutunton ko ngayon. Siguro, naninibago lang ako.
Hindi pa din pumapasok sa maliit kong utak kung bakit kailangang magseryoso, magsikap, at iwanan ng panandalian ang pagpaparaya. Hindi ako sanay na diinan ang isang bagay na matagal ko nang ginagawang magaan. Ayoko sanang lumabas na napakalalim pero, sana, ayoko na ng malaking espektasyon at paghahangad ng tagumpay o respeto.
Gusto kong maging iba, pero muli, hindi ko pinagtanggol ang sarili ko at hindi ko ipinaglaban ang kagustuhan ko na s'ya namang bumabalot sa matipuno kong karapatan. Hindi ko tinutulan at nagpakatuta ako.
Hindi ko naipaglaban, kaya paminsan, iniisip ko, kung tama lang ba na nakapasok ako at nananatili sa kung saan mang naroon ako ngayon at humuhugot ng kadalisayan? Naitatanong ko tuloy sa manipis kong sarili, kung at kung lamang, na naipaglaban ko ang una kong pagsabak sa mundo ng pagtayo sa sarili, ay mababago kaya ang kalagayan ko sa kasalukuyan? Magiging masaya kaya ako at magiging panatag?
Siguro may paru-paro pa rin, at sa kasong iyon, paru-paro na - ng paninindigan.
Pasubok sana.