Friday, April 20, 2007
Pagtatapos ng Panimula, Panimula ng Pagtatapos
Wala ng pagaagam-agam pa ang paniniwala kong mabilis talaga ang takbo ng panahon.

Hindi ako makapaniwala. Tapos na ang unang taon ko sa kolehiyo, ang unang taon ko sa unibersidad. Ito ‘yung taong puno ng kasiyahan, paghihirap, pagkukunwari, pagtatago, pamamasahe, pagrarason, pangangatwiran, at, sige na nga, seryosong pag-aaral. Inaamin ko, nasasabik ako at may bahid ng nostalgia ‘pag dumadapo sa isip ko ang unang taon sa unibersidad, nakakalungkot na mabilis matapos ang matulin ding nabuong mga pagkakaibigan; sa unibersidad nga kasi, ang pagiging magkaibigan at magkaklase ay kadalasang panandalian, dahil na din sa napakadaming kadahilanan.

Sa totoo, kapag naaalala ko ang unibersidad ngayong bakasyon, naaalala ko ‘yung panahong nag-aapply pa lang ako at kalalabas pa lang ng resulta ng upcat. Takot ako ‘nun. Sino ba namang limampung-kilong-labing-anim-na-taong-gulang na probinsiyano ang hindi malulula sa lawak ng unibersidad? Ang layo ng pagitan at taas ng mga gusali, ang lawak at haba ng mga daan, ang iba’t ibang lahi at etnisidad – ilan lang sa mga bagay na maaaring makapanggulat sa, ayon nga sa wikang peyups, isang freshie.

Naalala ko ‘nun, tandang-tanda ko ‘yung pakiramdam ko ‘nung mga unang buwan ko sa unibersidad. Ayokong maging freshie. Sa pagiging ganito kasi nagkakaroon ng konotasyon na mura pa ang itinigil mo sa peyups at wala ka pang masyadong alam, ‘yung parang lahat ng hindi “freshie” ay may responsibilidad at kapangyarihang turuan ka. Hindi ko nagustuhan ‘yun. Ang gusto ko kasi, ako na bahalang lumutas sa problema ko o sa mga bumabagabag sa ‘kin, ako na bahala sa sarili ko. Pero natiis ko naman, at hindi ako umarte na parang freshie. Nakakatuwa nga ‘yung mga minsang may mga kaklase akong napagkakamalan akong upper class. Ang sarap sa pakiramdam na iba ang dating ko, na hindi ako parang kuting na iniwan sa naiibang lugar.

Nakalulungkot din ‘pag naiisip ko na nahirapan akong magadjust sa unang semestre ko sa unibersidad. Inaamin ko, nahirapan ako. Napakadaming bagong bagay na dapat isa-isip at ipasok sa sirkulasyon. Hindi ganoon kaganda ang resulta ng mga grado ko. Hindi man ako tuluyang sumalampak sa balon ng kawalang kinabukasan, ay malungkot pa din ang gunita ko noon, hindi ko alam kung paano sasabihin sa mga kapamilya, hindi ko alam kung paano uumpisihan at tatapusin.

Pero hindi naman ako agad nagpadala sa pagkabigla. Nakabawi ako nitong sumunod na semestre. Matataas halos lahat ng grado ko, at may bonus pa, college scholar ako ngayong sem, na nangangahulugang 1.45 hanggang 1.75 ang gwa ko o general weighted average. Nakakatuwang nagbunga ang mga paghihirap ko, at salamat na din dahil mahuhusay ang mga propesor kong tunay na humubog at nagmulat sa akin – sa akin sa edukasyon sa unibersidad.

Nakalulungkot na baka hindi na muling magtagpo ng mga kaibigan at kaklaseng kahit papano’y naging kasangga ko sa loob ng isang taon. Nagpapasaya sa ‘kin ang gunita ng mga nakaraang aktibidad at klase, napapangiti ako ng mga kaganapan sa unibersidad.


Maraming salamat unibersidad naming mahal, maraming salamat sa lahat. Pero hindi pa tapos ang lahat, marahil, tapos na ang simula, ngunit marami pa rin akong dapat lakbayin at harapin, marami pa para sa hinahangad kong buong pusong kakuntentuhan. Salamat at hanggang sa pagbalik ko sa Hunyo.
 
tinipa ni Bote. noong 10:25 AM | Permalink |


0 Comments: