Monday, March 27, 2006
Tenten-tetetetententen-tetetetentenen.
Limampu't isang minuto matapos ang ika-pito ng gabi. Nakatayo at nangangatal ang katawan sa pananabik. Inilipat ang tasel mula sa kaliwa patungo sa kanan. Sumigaw ang mga bituwin sa tuwa. Humihiyaw ang buwan sa saya. Nagliparan ang mga ngiting dati'y may kaba at halong luha. Tapos na ang buhay hayskul at tapos na din ang buhay na nagpaparaya.

Buong umagang naghanda. Nag-ayos, nagpahinga, humiling na ang mukhang lipas na ng panahon ay umayos kahit sa araw lang na iyon. Kinikilig ang lahat sa pananabik. Ang mga dalagita'y nagpaayos na sa kani-kaniyang ginusto. Kinulot ang buhok ng tuwid at tinuwid ang buhok ng kulot. Namumula ang mga pisngi't labi. Lahat ay nagkikislapan. Ngiti dito, ngiti doon. Nagmistulang artista ang mga paslit. Sinabitan ng sampaguita ang mga leeg na dati'y puros pawis. Huling martsa sa hayskul at unang martsa ng kinabukasan.

Binalot ng kontrobersya ang buong gabi. At sinira ni Cherry ang gradweysyon ribon ko. Lalong lumabo ang gabi at dumilim ang paningin ko. Swak. Hindi ko nais pahabain ang deskripsyon ko. Kung batsmeyt kita at binabasa mo ngayon 'to, alam mo na ang ibig kong sabihin. Isa lang ang hatol ko sa lahat. Doon ako sa taong matagal ko ng kilala at pinagtibay na ng panahon. Hindi ito blayn aytem at wala akong balak manghusga. Pag-isipan mo.

Natapos ang gabi sa iyak at luhang umagos sa mga mapupulang pisngi. Bumuhos ang pighati ng mga kababaihan. Nanatiling matikas ang mga kalalakihan. Nanatili ng panandalian sa eskwelahan, nagsauli ng toga, ngumiti muli ng ilang ulit, nakipagtawanan, nakipagkuwentuhan, at nagbalak ng coup plot laban sa administrasyong Arroyo. Pag-isipan mo muli.

Kumain ako ng manok at uminom ng softdrinks. Inaapoy ako ng lagnat. Tapos na ang huling martsa na ng buhay ko.
 
tinipa ni Bote. noong 6:32 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, March 16, 2006
I. Crashed.
Nakatutok ang mata ko kahit gusto ko nang matulog dahil may praktis kinabukasan. Habang pumapapak ng walang kamatayang barbikyu at palipat-lipat ng tsanel upang malaman kung sino ang mananalo sa pakontes ay pinanonood ko ang pelikulang nagpabago ng pananaw ko sa mundo. "Crash." Paul Haggis, ang galing mo.

Umikot ang kwento sa mga lahi, pagkakaiba, mga gulo ukol dito at sumagot ng madaming tanong tungkol sa itim, puti, at kayumanggi. Ang kinaganda ng nasabing obra ay ang pagkakagawa at pagsasabuhay dito sa pinilakang tabing. Nagawa nilang pagdikit-dikitin ang istorya ng bawat kulay. Nakapanginginig at nakakakilabot ang tunggalian. Walang kamatayang kasukdulan. May sigaw ang bawat litanya. May laman ang bawat galaw. Talo talaga ang pelikula ng mga bading. Sinagasaan.

Napakagaling ng pag-arte. Dama mo ang bawat hininga. Ang paglabas ng hangin, pagngiti, pag-iyak, pagbagsak ng dahon sa paligid. Low-budget man daw. Kung sabagay, matagal na din akong humahanga sa mga pelikulang kaunting pera't panahon lang ang ginamit. Kung tutuusin, itong mga pelikula pang ito ang mas may laman, may kwenta, may katuturan, kaysa sa mga pelikulang parang ewan, mga pelikulang may malaking unggoy na lumusob sa siyudad at naghasik ng lagim, at 'pag hinalikan ito ng prinsesa ay magiging palaka. Sus.

Mga pelikulang independyente ang pag-asa. Hindi uubos ng pera at hindi din uubos ng panahon 'di tulad ng sa mga pelikulang pang-unggoy. Oo, unggoy din ako, pati ikaw alam ko. 'Wag ka nang magmaang-maangan. Sinabi sa 'kin ng katabi mo. Sa liit ng mundo, walang hindi nagsisiraan at nagbabanggaan. Natutunan ko yan. Sabi nga ng slogan ng "Crash:"

"Moving at the speed of life, we are bound to collide with each other."
 
tinipa ni Bote. noong 6:07 PM | Permalink | 0 comments
Wednesday, March 15, 2006
Misfortune before the First of Summer
Marahil ay hinding-hindi ako magkakamali kung sasabihin ko at ibubunyag ko sa buong internet komyuniti na nakakaasar at nakakainis ang gradweysyon song namin. Anim na araw na lang ay kakalagan na kami ng mga posas sa binti't paa at pakakawalan na sa masaya at malungkot na buhay hayskul. Anim na araw na lang ay makikita ko nang nag-iiyakan ang mga kabats ko, at marahil kasama ako. Walang pinagiba sa mga artistang napapanood ko sa telebisyon[oo, lahat, at hindi lang sa big brader]. Pero hindi ito ang esens ng lathalain ko. Nakakaasiwa ang grad song namin. Ang batikang si Walt Disney ata ang nagsadyes at si Dulce pa ang pinakanta. [Sabayan mo 'ko sa pagsigaw]. Watakombineysyon!

Medli ng pinaghalu-halong pang-peyri teyl na kanta ang grad song namin, at sigurado akong kahit sino ay hindi matutuwa dito, kahit ang alaga mong loro. At gusto pa nila na maging solem ang parte na 'yon. Sus. Taas ng pangarap. Kahit si Vicky Morales hindi sasagutin ang kahilingan namin kung maririnig n'ya yung kanta. Parang nanghula lang sa roleta. At malas, nabokya pa. Kami na ata ang pinakamalas na bats na gagradweyt sa eskwelahan namin. Liit ng esteyds, pangit na grad song, at walang buhay na program? Tingnan na lang ang mga susunod na kabanata.

At kahit na masalimuot ang parating na gradweysyon, pinasaya pa din ako ng napanood ko kagabi. Takte, Urbandub. At inilabas na ang bidyo ng pamatay na kantang "First of Summer." Heto. Pagpiyestahan n'yo ang titik at samahan n'yo na din ng kanin.

First of Summer
Urbandub

Parked car
This night sky
Makes city lights shine like diamonds
our song plays on the radio.

We’re living it up
Make this night ours
We own the world
I wish this lasts forever
Alone with you tonight
Further in you feels so right.

I’m giving it up and just a little more
This heartfelt leap I surrender
With arms raised tonight.

Drive me away
cuz the night just feels right
take me away with you tonight
anywhere with you.

Our song plays on...
Parked car, night sky
Alone with you tonight...
 
tinipa ni Bote. noong 6:33 PM | Permalink | 0 comments
Klik.

Hindi ko alam kung bakit, pero unti-unti akong nahuhumaling sa mundo ng potograpi. Mapa-stil layp man, potodyornalisim, sinik, at iba pang klase ay nagugustuhan ko. Kaya pangarap ko ngayon, bago sana ako tumungtong ng kolehiyo, ay magkaroon ng sariling itim na kahong maliit, na maglalaman at maglalarawan ng kasawian at kasayahan ng buhay na hiram. Kahit hindi didyital, ayos na. Kahit pangbangketa lang, ayos na. Kahit kulay pink, ayos ka ha?

Naiintriga ako sa mga litratong nagsasalita ng magisa kahit walang kapsyon. Mga litratong walang buhay ngunit gumagalaw, walang lakas ngunit nakakapagbago ng pagkatao. Mga litratong hindi porno[mamatay ka man!], mga litratong may pagka-subersibo, mga litratong sumasalamin sa pagkakaiba ng buhay mo at buhay ng isang kalyo.

Kung sabagay, kahit 'nung elementari pa lang ako ay natutuwa na at may kaunting alam na ako sa mga piktyur-piktyur, at hindi ito dahil sa mga awting ng pamilya. Noon pa man ay tulo-laway na ang aking pagkamangha sa potodyornalisim. Habang ako ay nakulong sa madugong mundo ng kapiriding at editoryal rayting, ang iba sa aking mga kasama sa hanay ng dyornalismo ay nagbigay tuon sa pagpapadebelop ng kodak pilm. Nanlalaki ang mata ko sa walang galaw nilang pagkaptyur ng mga litrato at malikot na pagbibigay ng kapsyon dito. At noon pa lang din ay sumuko na ko at hindi na umasang makahawak ng kamera. Pasmado ako. Langit at lupa, walang tao.

Pero ngayon, binuhay ko ulit ang kinalimutang pangarap at nais na pumasok sa nasabing larangang hindi bagay sa 'kin. Malay mo, at malay natin, isa ka sa mapiktyuran ko, may pakpak ka, at may sungay ako. At maari. Mag-ugnay ng hindi maaaring iugnay. Hihinga na lang ako ng malalim at isisimangot ang mukha. Ilayo mo nga ako at ipakain sa kwago.
 
tinipa ni Bote. noong 6:03 PM | Permalink | 0 comments
Tuesday, March 14, 2006
Uto-uto. Payaso. Masaya. Ikaw. Ako.
Ayoko talaga ng walang pasok. Wala akong magawa kundi humarap sa sinungaling na kompyuter at magtipa. Nakakainis ang walang magawa. Parang sinisinghot ng nakatagong nilalang ang karapatan mo para magliwaliw. Solb na sana ako sa panonood ng telebisyon na isa pang sinungaling, kaso, walang magandang palabas. Komersyal ng syampu, pampalaki ng hinaharap, nakamamatay na kartuns, komedi/drama aktor Willie Revillame, kalaswaan, mapanuksong pelikulang Pilipino, kuya German Moreno, mga pulitikong ultimo santo, nakangusong Noli de Castro, at mga artistang pinagmamalaking may lahi silang anghel at demonyo. Paulit-ulit ang palabas. Kaya minamalas ang bansa. Punung-puno ng katulad ko.

Sa isang banda, minsan, gusto ko na rin ang ganito. Nakalabas ang dila at tila na komatows ang katawan. Gusto ko na din kahit minsan 'yung walang pasok. Nakapagpupuyat ako[na lagi ko namang ginagawa dahil insomnyak ako]. Kagabi, kasabay sa pagiiskan ko sa tb ay napanood ko ang bagong bidyo ng idolong si Lourd de Veyra at kaniyang mga kawatan na tinatawag na Radioactive Sago Project. "Ala-ala ni Batman" ang pamagat ng awit. Nakakatuwa si Lourd. Kapag narinig mo na siyang kumanta[o magbasa ng tula?] ay parang idinuduyan ka na papunta sa Gran Kanyon sa Amerika. Itaas mo.

Sa isa pang banda, kagabi din, at kasabay din ng pagiiskan ko [bla bla bla] ay napanood ko ang ilan pa sa mga idolo ko, at hindi ko tinutukoy si Tootsie Guevarra at Donna Cruz, ang tinutukoy ko ay sina John en Marsha. Ay, hindi pala, si Ariel at Maverick pala ng Totoo Tv. Hindi ko lubos maisip kung paano nila nauuto ang mga komunistang nating konggresista upang mag-pows sa kamera[kasama nila] na nakataas pa ang isang kamay na animo'y may inalalaban na giyera. Nakakatuwa din sila. Mukhang payaso sina Ka Teddy, Ka Satur, at madami pang Ka-tangahan. Ang saya ng buhay. Tama nga sila na dalawa ang klase ng tao, ngunit hindi manloloko at nagpapaloko, kundi nanguuto at ang uto-uto.

Masaya na din ako. At salamat kay reivincent_ver2 ay nakakuha ako ng lyrics ng Siling Giniling ng imortal na Giniling Festival. Hindi daw s'ya sigurado dahil pinakinggan lang n'ya. 'Eto. Pagtiyagaan natin.

SILING GINILING
Giniling Festival

S-I-L-I-N-G-G-I-N-I-L-I-N-G (4x)
(tenenenen)

Ito ang sawsawan ng bayan
Paboritong ulam
Pwede ring palaman

Siling Ginilling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Ginilling, Siling Giniling

Sa toothache
Sa headache
Sa (ewan)
Sa heartache
Kahit saan (blah blah)
Eto ang tanging lunas

Siling Ginilling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Ginilling, Siling Giniling
Siling Ginilling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Ginilling,S-I-L-I-N-G-G-I-N-I-L-I-N-G (4x)

Kung ayaw mong maligo
Wag kang mamroblema
Gamiting mong panghilod siguradong solve ka na.

Siling Ginilling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Ginilling, Siling Giniling

Kapag wala nang tissue
Gumamit ng resiboKapag walang resibo
Ito ang ipahid mo

Siling Ginilling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Ginilling, Siling Giniling
Siling Ginilling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Ginilling,S-I-L-I-N-G-G-I-N-I-L-I-N-G (8x)

Masarap
Mabango
Bagong bago
Maanghang
Matapang(ewan)

Gimme an S-I-L-I-N-G-G-I-N-I-L-I-N-GS-I-L-I-N-G-G-I-N-I-L-I-N-G (4x)
Siling Giniling!Siling Giniling!
Siling Giniling!Siling Ginilling!
Siling Giniling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Giniling, Siling Giniling (HwaaH!)
Siling Giniling, Siling Giniling (Hah! Hah!)
Siling Giniling, Siling Giniling
 
tinipa ni Bote. noong 2:31 PM | Permalink | 0 comments
Monday, March 13, 2006
Siling Giniling sa Ibabaw ng Kanin na Binudburan ng Talumpati
Walang klase bukas dahil praktis lang para sa misa [oo, pinapraktis ang misa sa eskwelahan namin] ang gagawin. Hindi ako katoliko. At kung ano man ako hulaan mo. Kakakagawa ko lang ng isa nanamang blog na sa tingin ko'y ito na ang huli't pupunuin ng hinagpis sa mundo. Wala akong magawa. Naiinis din ako. Hindi ko mahanap ang lyrics ng kantang nagsasayaw-sayaw sa utak kong hugis durian. S-I-L-I-N-G-G-I-N-I-L-I-N-G. Takte. Utak ng Giniling Festival. Sinasamba ko kayo.

Wala talaga akong magawa. Hindi dahil sa wala ng dapat pang gawin kundi dahil wala akong gana. Katamaran. Umiikot-ikot at paswing-swing lang ang utak ko sa ilalim ng mapusyaw na sinag ng buwan. At wala ako sa bahay. Nasa suking internet syap matapos kalas-kalasin ang walang kwentang sariling kompyuter. Sabay-sabay ang buhos ng titik sa utak ko at nagiging dahilan upang wala akong matipa. Uhaw ako sa sulatin. Uhaw ako sa kamunduhan.

Hindi ko lubos maisip kung bakit ako natatali sa paggawa ng mga walang kwentang bagay. Sa halip na gumawa ng mga mabubuti at makatutulong sa bayan nating nalulunod sa krisis ay pinipili ko pa ring gumawa ng bagay na walang kabuluhan at nakasentro sa kung anu-anong tema tulad ng kulugo.

Marahil sadyang ganun' ang utak at isipan ng tao. Lamang ang gusto sa tama. Hind ko lubos mapagtanto pero sinasabi ng utak ko na may koneksyon ito sa litanyang "Masarap ang bawal..." Balintunay. Sadyang magulo ang utak para pag-aralan. Hindi mo malalamangan ang matagal nang lamang. Hindi mo matatalo ang matagal nang nagwawagi't nageensayo. Hindi mo magagapi ang matagal ng talunan. Hindi mo mababago ang utak ng bobo.

At sa paggawa ko ng walang kwentang lathalain na ito ay hindi ko pa din nagagawa ang talumpating matagal nang inatas sa 'king gawin ng aking tiyahin. Pusang gala. Ilang daang letra na ito na maaaring naging titik na ng talumpating iyon. Marahil hindi madaling aralin at baguhin ang isang tulad ko.
 
tinipa ni Bote. noong 7:41 PM | Permalink | 0 comments
Natanggal ang Tuyong Laway sa Gilid ng Mahabaging Labi na Kumikislap sa T'wing Sisikatan ni Haring Araw at ng mga Kwento ni Lola Basyang
Ika-dalawampu't walo ng Pebrero, mga bandang tanghali, sa may mesa ni Gng. Solis. Pumasok si Amelia sa silid, binati ako, at naglitanya ng mala-anghel na mga kataga. Napatalon ako sa tuwa. Ang tuwang napasyal lang sa 'kin sa t'wing nagpapatawa si Dolphy. Abot langit ang ngiti ko. Naguluhan ang ilang bahagi ng aking katawan sa kung ano ang dapat gawin. Tama nga ang batikang si Stephen, may liwanag sa likod ng mga nimbus klawds. Sobrang liwanag na maaari mong ikabulag. Pumasa ako.

Hindi namin malaman ng katsokaran kong si Abe kung ano ang unang hakbang. Itinago ko sa sarili ang nararamdaman. Hindi ko agad pinawari sa lalaking nagpalaki sa akin. Hindi ako agad nagbulalas ng kayabangan. Pinanabik ko ang damdamin nila at inantay lumabas ang asido sa mga butas sa katawan. Nanatili akong mala-Lucy Torres-Gomez. Kinilig ang lahat sa pananabik.

Naglakbay ako pauwi. Naglakad sa daang nilakad ko ng halos 1200 na araw ng aking pagpasok. Sumakay ng mainit na dyip. Kasabay ng pagtulo ng aking pawis ay ang paglaglag ng aking puso sa pananabik. Inaantay ko ang mga tandang malapit na ako sa amin. Inaantay kong bumulwak sa aking bibig ang mga kataga ng kayabangan na sasaluhin nila't ipagmamalaki. Bumaba sa mala-impyernong dyip, naglakad pauwi, sa lugar kung saan saksi sa pagtubo ng kung anu-ano sa akin. Napatakbo ako sa eksaytment. Pagpasok ay sumigaw ako ng buong galak, tumalon ng buong ligaya, at pinuri bilang isang buong tao.

Maayos na ang lahat. Wala ng gusot. Nagmistulang biyaya ang paglabas ng resulta. Sakto. Kaarawan ng babaeng hindi na ako nakitang lumaki ngunit inantay ito. Hapi bertdey. Sumuot ako sa maayos na mundo, at ngayon, ang pagsisikap na lang, at marahil kaunting tsamba muli.

 
tinipa ni Bote. noong 7:07 PM | Permalink | 0 comments
Completamente Nuevo
Hindi ko alam kung bakit ako biglang napagawa ng sariling blogspot bukod sa blog ko sa prendster. Marahil naimpluwensiyahan ako ng mga magasin at dyaryo [na hindi puro kalaswaan], kung saan ang mga paborito kong manunulat ay laging nagaanunsyo ng kanilang blog sa dulo.

Wala akong maisip na dahilan upang gumawa ng ganito at wala din naman akong maisip na dahilan upang hindi gumawa. Kaya ito ako ngayon, nagtitipa ng kibord, at dahan-dahang inilalapat sa titik ang mga bagay na nagreredyister sa matamlay na utak ko.

Hirap akong gumawa ng lathalain kung ang tanging pumapasok sa isip ko ay ang inulam ko kanina at ang huling kinanta ni Princess Diana bago s'ya pumalaot sa kawalan.

At sa panahong ito naisip ko na lang na irekapi ang mga napablis ko sa blog ko sa prendster para magkalaman naman 'to. Pero hindi din. Con ayuda de Dios!
 
tinipa ni Bote. noong 6:51 PM | Permalink | 0 comments