Wednesday, May 31, 2006
Nagpakamakata : Tunggalian ng Buhay Kahapon at Ngayon sa Pananaw ng Isang Diecisiete Anos
Noon kumakaripas ang kinabukasan
Humahataw sa bilis ang magdaraan
Palapit ng palapit ang padating
Hindi umuurong ang paunlad
Noon malaya ang lahat sa anuman
Hubad ang katawan sa katan'yagan
Hubad ang puso't isipan
Malayang pagbukas ng sinapupunan
Noon nagtatakbuhan ang mga kabayo
Hatak-hatak ang kalesang mando ng kutsero
Si Maria Clara't Crisostomo'y may dalang respeto
Animo noo'y walang ganoon kabobo't tarantado
Noon mataas ang tingin ng tao sa tao
Mataas ang tingin ng alipin sa amo
Amo sa alipin ay walang pinag-iba
Pasaring sa katauhan ay hindi maganda

Nagsara ang noon at dumating ang ngayon
Biniyak ang mga posteng naglalaman ng nakalipas
Basag na ang pula
Sumuot ang henerasyong pag-asa ang basbas
Ayos

Takbo ng mabibilis na motor at kotse at dyip
Panganib sa buhay at pangarap ang hatid
Namamalimos na batang uhugin sa lansangan
Maayos na buhay ay hindi matatamo
Ng dahil sa magulang at katamaran
Takbo ng buhay mas mabilis ngayon
Sinuong ang mga sagabal giniba ang kahapon
Pinutol ang mga puno't nagtanim ng opyo
Kumuha ng solbent, tangina puputok na ang lobo
Mga pulitikong bobo nagkalat, nag-uunahan
Kapangyarihan, pera, popularidad pinagsasawaan
Babae ngayon lumalabas sa lansangan
Suot ay basahan, kita na ang kaluluwa't
Kinain sa loob ng tiyan
Ngayon buhay ay mahirap na masarap
Tangina badtrip, jologs, empi ang hinahanap-hanap

"Pare, bumili ka sa butika ng cough syrup inumin mo at magpaka-adik ka sa tugtugin sa langit." sabi ng lalaki.
"Hindi ko trip pare. Nauunahan ako ng takot at baka mamatay ako ng maaga't hindi na maabutan ang panibagong henerasyon." sagot ng isa pa.
"Tangina mo pala eh! Bobo. Anong henerasyon? 'Di ba tayo ang pag-asa ng bayan? Kaso nga lang nagpakalasing tayo sa alak, sa droga, sa dahon, sa yosi, sa babae, at sa napakadami pang modern choices dito sa magulong sanlibutan. Tangina pare, 'wag kang maniniwala sa mga napapanood mong jologs na reporter sa tv! Binobola ka lang nila't pinaglalaruan." diin ng una.

Naglalandian ang isang dalaga at isang binata habang nasa sala ng bahay ng nauna. Pinipilit ipatikim ng lalaki ang dala n'yang marijuana para makuha na n'ya ang habol nitong init ng katawan. Agad sumunod ang bobong dalagita at nagsama silang lumipad sa maulap na kalawakan habang ang palabas sa tv sa harap ng sala ay ang SONA ng Pangulong hindi nila alam ang ngalan. Solb.
 
tinipa ni Bote. noong 2:10 PM | Permalink | 0 comments
Monday, May 29, 2006
Sanaysablay na Pangarap
'Sing taas ng mga bituwing kumikinang-kinang at kumikislap-kislap 'pag gabi ang pangarap ko noong panahong kasing tanda palang ako ng termino ng pangulo natin sa kasalukuyan. At hindi lang basta pangarap na kaya mong pulutin sa kawalan kundi pangarap na maaabot mo lang kalaunan, 'pag nagsikap ako't nakapagsunog na ng manipis kong kilay. At isa sa mga natatanging pangarap ko noon ay ang maging mahusay na manlalaro ng -- basketbol.

Alam kong isang malaking bulko ng balintunay ang pangarap ko. Sa porma kong pinagkaitan ng haba ng buto, pinagkaitan ng malakas at malusog na katawan, at pinagkaitan ng tiyaga at kasipagan. Pero isa lang ang panlaban ko sa iba, at nanali pa din akong mangarap ng nakanganga, at ito ay ang mumunti kong nalalaman sa laro at kilos, ang paggamit ng laman sa loob ng bungo, na lamang at kulang sa ibang mahusay ngang manlalaro.

Sa kabila ng mga pinagkait sa 'kin[at medyo ipinagdamot] ay hindi naman ako nawalan ng pag-asa, at inisip pa din na may kinabukasan pa 'ko, lalo na sa laro ng bawat Pilipino. Lumipas ang panahon at nagkaroon din naman ako ng mumunting talento at kilos sa laro, kahit na ang kaalaman at kilos na ito ay kayang-kayang mabasa kahit daga pa ang kalaban ko. Hindi naman ako nagpahuli sa mga kasabayan ko, kahit na nahuhuli pa din ang hayt kong pinipigil ng panahon.

Hindi ko alam kung bakit pero hindi pa din nawala ang hilig ko kahit na pinaglulupaan lang ako at isinasantabi sa bawat laro. Hindi ko alam kung bakit hindi nawala ang pananabik ko, sa bawat kalas ng bola sa kamay ng tumitira, sa bawat padyak at bagsak ng kumakaripas na mga paa sa semento, sa bawat banggaan ng mga katawan para lamang makakuha ng kalamangan, sa bawat araw na nadadagdagan ang talento nila at ako'y napagiiwanan. Hindi ko alam at hindi pumasok sa isip ko na iwanan at biguin ang pangarap ko.

Hanggang ngayon ay iniisip ko pa din kung bigo na ba talaga ang pangarap ko, o sadyang puro kabiguan lang ang itinataas noo kong pagkatao. Hanggang ngayon ay ipinapasok ko pa din sa isip ko kung hanggang dito na lang talaga ang kaya ko at sadyang susuko na't magpapatalo sa tadhana.

Marahil, ang sagot, ay hindi talaga ito para sa 'kin. Siguro may mga bagay lang talaga na nakatakda para sa ibang tao, may mga bagay na sila ang huhusay at liliksi, hindi lahat ng bagay ay kayang gawin ng isang normal na nilalalang. 'Ni ultimo si da Vinci na nakapadaming kayang gawin ay hindi pa rin umangat sa palakasan, kahit si Jordan na humahataw sa hardkort ay hindi naman lamang sa patalasan ng isipan. Hindi mo makukuha ang lahat ng bagay sa mundo, at kung may makagawa man at mangyari 'yon, hindi na ito gawa ng tao, at tinalo n'ya ang tadhana.

'Sing taas ng mga bituwing kumikinang-kinang at kumikislap-kislap 'pag gabi ang pangarap ko noong panahong kasing tanda palang ako ng termino ng pangulo natin sa kasalukuyan. Kaya pala hanggang sa ngayon ay hanggang tingin na lang ako't hindi ko pa din kayang abutin, 'sing init din pala nito ito at takot akong mapaso. Kaya pala sablay pa din ang paglukso at pag-abot ko sa malabong malabong pangarap. Panaginip.
 
tinipa ni Bote. noong 7:13 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, May 25, 2006
Plagiarism : At the Brink of its Unprecedented Success
Naiinis pa din ako sa kasalukuyan at hindi ko pa din matukoy ang tiyak na kadahilanan. Pero tiyak din akong isa ang mga Erap branchildren sa mga malalakas ang apog na dahilan. At laganap na nga siguro ang panghihigop ng ideya kahit na protektado na naman ito ng kaunti. Halang ang kaluluwa. Nakakawalang gana.

Sa kabila ng naghihimutok kong utak at litid sa leeg at kamay, na katitipa'y sumuko na sa buhay, ay hindi ko alam kung bakit nahahaluan ng matinding kaba at pagdadamdam ang maitim kong puso, lalo na 'pag naiisip kong wala pa din akong iskedyul para makuha ang ID ko. Susmaryosep. Hindi ko din kasi alam kung bakit inaatake na naman ako nang sakit na akala ko'y tuwing pasukan lang ako dinadalaw. Nang sakit na akala mistulang kakambal ko na. Katamaran.

Kunsabagay, sa ilang araw at linggo ng bakasyon ay ngayon lang ulit ito pumalaot sa gula-gulanit kong isipan. Siguro "weather-weather" lang. At ang panahon ngayon ay ang pagbagyo ng pagiging batugan. Minsan iniisip ko kung bakit noong naghagis ang Maykapal ng katamaran e mistulang pinukol lahat sa manipis kong katawan. Tingnan mo nga naman ang swerte. "Better lucky than intelligent" -ika nga ng mga nakapasa sa admisyon eksam namin. Sus. Mala-milagrong pagtsamba ang dumating sa 'kin. At masaya na din ako.

Pero hindi naman lahat ay kinatatamaran ko. May hilig pa din akong gawin kahit pa sa mga araw na ang gusto ko lang ay humiga at panoorin ang paborito kong si Willie Revillame sa Wowowie habang nagpapauto sa mga akala-nila'y-nakatatawang mga litanya. May hindi din naman ako kinatatamaran at hindi ito tinatablan. Mahilig pa din akong magsulat, gumawa ng sulatin, ng lathalain, at maglitanya kahit ng mga mala-demonyong pag-utal. At iyon nga. Kahit na 'yon na lang ang bagay na hindi umuubra ang kapangyarihan ni Haring Batugan, kahit na 'yon na lang ang napagtyatiyagaan, ay may mga walang habas pa ring humigop at humiwa ng kaunti sa mga sarili at ilang nakaw ko ding mga ideya. At kaya din ako naiinis pa din.

At sa kabila ng lahat isa pa din ang namayani. Isa lang ang nagwagi. Ang mga pulitikong bobo na pinipilit ikandado ang mga sinehan upang hindi maipalabas ang sumikat tuloy na The Da Vinci Code. Una sa lahat ay hindi ako pabor sa pagbaban ng pelikulang nabanggit. Tama nga sila, mas marami pang pelikulang tumatalakay sa mga putahan at walang kakuwenta-kuwentang bahay-aliwan ang naipalabas na mas malala pa kaysa sa pelikulang ngayo'y pinagpipiyestahan. Hindi ko man nabasa o binasa ang libro, na wika nga ni G. Dalisay, ay dahil din sa walang kakuwenta-kuwenta ang pagkasulat ng libro, ngunit maganda naman ang pagkakasiliksik nito. Librong sumikat dahil sa magandang propaganda't mahusay na pagkasaliksik. Librong kauutalan ng marami. At hindi ako isa sa kanila.

Paumanhin sa panlalait, pero resulta din ito, ng slayt na pagkainis ko. Sa iba at maging sa aking sarili. Sinto-sinto ang utak ko ngayon na naghihikahos na sa mga bagong ideya. Sabi ng ng matatanda - "Pagpalain sana kayo..." nino man.
 
tinipa ni Bote. noong 5:12 PM | Permalink | 0 comments
Saturday, May 20, 2006
Power and Intuitions and Mountains and Birthdays and Erap-brainchildren

Hindi ko alam kung bakit, pero may malakas akong pakiramdam na kaya kong gawin ang anumang naisin ko't sumuot sa utak kong makitid. Hindi ko talaga alam kung bakit pero sa kabila ng manipis kong balat at walang laman kong katawan ay nararamdaman kong marami akong kayang gawin. Kung sabagay, may nakaakyat na namang tatlong pinoy sa bubong ng mundo. Ano pa ang hindi natin kayang gawin?

Kahapon ng umaga'y pumatak na ang oras ng pag-iyak ko't paglabas ko sa sinapupunan. Labing pitong taon na talaga ako. Tiyak na. Sa kabila nito ay hindi naman ako ganon' kasaya at hindi din naman ganon' ang galak ko't tuwa dahil buhay pa ako at lumalanghap ng usok ng sigarilyo. Pero ayos naman ang bertday ko. Pasyal sa Greenhills sabay bato ng mura habang tumatawad sa tindera't dumadaan ang idolo kong si Nikki Valdez na longkatuts ang japorms. Panahong maaari mong gawin ang gusto mong gawin. Susi sa kung anuman.

At oo. Tama ang mga narinig mo at hindi ito haka-haka. Magkateks muli kami ngunit iba ang turingan. "You can't have the best of both worlds" - ika nga ng inuugat ng kasabihan ng kung sino man. Ayos lang din. Mas masaya na ang buhay ko ngayon. Mas masaya kaysa sa sisiw na nag-aantay pa ng inahing magpapakain sa kanya at mas masaya kaysa sa mga bata sa lansangang tinatawid ang gutom sa solvent at Rugby. Masaya ka na ba?

Maraming bagay ang sumusuot sa isip ko ngayon at sa dami ay hindi ko ito maitipa lahat at mailapat sa mga titik. Basta ang alam ko ay medyo naiinis ako. At sa mga pilit kumopya at humiram ng ideya ng walang balikan. Mga Joseph Ejercito-Estrada brainchild.
 
tinipa ni Bote. noong 3:42 PM | Permalink | 0 comments
Monday, May 15, 2006
Salamat at Nakabalik at Nagbalik sa Salamat
Matagal din akong hindi nagkaroon ng mga bagong sulatin at mahaba-haba ding panahon na hindi ako kinilig sa pagtitipa dahil na din sa napakadaming kadahilanan at mga pangyayari at sitwasyong hindi ko makalilimutan.

At sa wakas matapos ang ilang linggo, araw, oras, minuto, at segundo ng pangungulila at pagkakasubo sa sakit ng mga baguhang manunulat ay narito ako't pinipipilit pigain ang utak na hanggang ngayon ay naiwan sa MRT Taft Avenue Station.

Sa wakas ay tapos na din akong magpalista at magpatala bilang isa nang lihitimong mag-aaral sa unibersidad na aking papasukan. Isang dakilang akala namin ng aking ka-tsokaran na ang pagpasa namin sa pamatay sa eksamin ay ang susi na namin sa aming pagpasok. Hindi pa pala. Ang pagdaan sa pagpapalista ng pangalan namin ay mistulang eksamin na din sa kung gaano namin kayang tumayo ng mag-isa at hindi na humingi ng gatas sa mga ina. [Bleep]ina!

Salamat na lang at tapos na. At tapos na din ang isa pang bahagi ng buhay ko na walang kinalaman sa pagpasok at sa unibersidad. Napawi ng kaunti ang saya't ngiti ko ng mga nagdaang araw at linggo, na naging dahilan na din upang huminto muna ako sa paglitanya. Parang may nawalang malaking bahagi sa pasel ng buhay ko. Parang may nawalang papeles sa isang bagaheng puno ng papel. Salamat. Salamat din sa kanya. Nabuo ako at naging tao.

Malamang at malaki ang tyansa na sa susunod na mga pagbisita ko dito ay mga walang kakuwenta-kuwentang maikling kuwento na ukol sa pighati maipinta ko. Salamat sa mga hindi makalilimutang pangyayari't sitwasyon. Salamat.
 
tinipa ni Bote. noong 6:12 PM | Permalink | 0 comments