Friday, April 20, 2007
Mas Madali Gumawa ng Bata Kaysa Gumawa ng Tula
Masaya ang araw ko, kahit medyo masakit ang ulo, wala kasi
akong masyadong tulog, sinurpresa kasi namin ng mga kaklase
ko nung hayskul ang isa pa naming kaklase, debut kasi n’ya.
Masaya naman, binulaga namin s’ya sa bahay nila, with cakes
and candles and balloons and party hats pa ‘yun ha, kaya nga
sobrang tuwa n’ya eh, tapos diretso kami ng atc, alabang town
center ‘yun para sa hindi nakakakalam, at dumiretso kami sa
tgifriday’s para kumain sana, pero wala ng table para sa aming
labing-apat, kaya lumipat kami sa gerry’s grill tapos ‘dun na nga
nagpasyang chumibog. Masarap naman ang pagkain, dami ngang
inorder eh, may sisig, liempo, kare-kare, manok (‘yung gerry’s fried
chicken sobrang sarap) at madami pang iba. Siyempre todo kain
ako, at kami, double rice with ice cold pepsi bilang panulak.
Nakakatuwa nga eh, ‘yung mga babae papicture picture taking
na lang dun, ang ingay nga nila eh, may song number pa, parang
mini chorale, sabi pa nila – ‘nandirito kami ang barkada mong tunay
aawit sa’yo, sa lungkot o ligaya, hirap o ginhawa kami’y kasama.’

Medyo cheesy, chummy, at baduy nga eh pero ok na din naman,
wala namang pansinan ‘dun, kahit na pang-elitistang mall ‘yun.
‘Tapos lumamon s’yempre bayad(hindi ko alam kung magkano pero
sa tantiya ko medyo may kamahalan ‘yun) at naglakad na kami
palayo, kala ko nga uwian na eh, pero hindi pa pala, picture taking
moments pa at naghanap lang sila ng magandang background. Ayun
todo pose ‘yung mga kaklase kong babae, nakakatuwa
nga eh, ang lalaki na nila, at namin nga. Tapos sakay na kami ng
nirentahang van, nasabi ko na sa sarili ko na uwian na nga. Sabi ko
kay third na isa kong classmate na tulog ako sa kanila
kasi gabi na at mahirap ng umuwi, tapos nagsama pa ko ng isa pang
kaklase namin para hindi lang ako ‘yung magoovernight. Tapos ‘yun
bumaba na kami ng van, nagpaalam at dumiretso na sa bahay nina
third. Bumili kami ng 1.5 litres na coke at sprite at kropek para
may snack kami. Ayun lamon ulit kami. Masaya, kwentuhan,
ayaw nga magpatulog ang sobrang tawanan. Tapos madami pang
napag-usapan na hindi pwedeng ilagay sa walang kwentang tulang

ito dahil baka magalit si Chairman Laguardia sa ‘kin. Sa totoo,
gusto ko lang namang magsalaysay patungkol sa nangyari sa
sorpresang birthday blow-out, pero hindi ko alam kung paano ito
wawakasan. Ang hirap talaga gumawa ng tula, kaya sabi ko

kay third habang umiinom ng sprite at kumakain ng kropek –
‘mas madaling gumawa ng bata kaysa gumawa ng tula ngunit ang

responsibilidad ng una’y hindi nalalayo sa huli.’
Maaaring maraming sumalungat sa akin
pero tula ko ‘to at gumawa na lang kayo ng sarili ninyong tula o

pwede din siguro ng bata.
 
tinipa ni Bote. noong 10:29 AM | Permalink | 0 comments
Pagtatapos ng Panimula, Panimula ng Pagtatapos
Wala ng pagaagam-agam pa ang paniniwala kong mabilis talaga ang takbo ng panahon.

Hindi ako makapaniwala. Tapos na ang unang taon ko sa kolehiyo, ang unang taon ko sa unibersidad. Ito ‘yung taong puno ng kasiyahan, paghihirap, pagkukunwari, pagtatago, pamamasahe, pagrarason, pangangatwiran, at, sige na nga, seryosong pag-aaral. Inaamin ko, nasasabik ako at may bahid ng nostalgia ‘pag dumadapo sa isip ko ang unang taon sa unibersidad, nakakalungkot na mabilis matapos ang matulin ding nabuong mga pagkakaibigan; sa unibersidad nga kasi, ang pagiging magkaibigan at magkaklase ay kadalasang panandalian, dahil na din sa napakadaming kadahilanan.

Sa totoo, kapag naaalala ko ang unibersidad ngayong bakasyon, naaalala ko ‘yung panahong nag-aapply pa lang ako at kalalabas pa lang ng resulta ng upcat. Takot ako ‘nun. Sino ba namang limampung-kilong-labing-anim-na-taong-gulang na probinsiyano ang hindi malulula sa lawak ng unibersidad? Ang layo ng pagitan at taas ng mga gusali, ang lawak at haba ng mga daan, ang iba’t ibang lahi at etnisidad – ilan lang sa mga bagay na maaaring makapanggulat sa, ayon nga sa wikang peyups, isang freshie.

Naalala ko ‘nun, tandang-tanda ko ‘yung pakiramdam ko ‘nung mga unang buwan ko sa unibersidad. Ayokong maging freshie. Sa pagiging ganito kasi nagkakaroon ng konotasyon na mura pa ang itinigil mo sa peyups at wala ka pang masyadong alam, ‘yung parang lahat ng hindi “freshie” ay may responsibilidad at kapangyarihang turuan ka. Hindi ko nagustuhan ‘yun. Ang gusto ko kasi, ako na bahalang lumutas sa problema ko o sa mga bumabagabag sa ‘kin, ako na bahala sa sarili ko. Pero natiis ko naman, at hindi ako umarte na parang freshie. Nakakatuwa nga ‘yung mga minsang may mga kaklase akong napagkakamalan akong upper class. Ang sarap sa pakiramdam na iba ang dating ko, na hindi ako parang kuting na iniwan sa naiibang lugar.

Nakalulungkot din ‘pag naiisip ko na nahirapan akong magadjust sa unang semestre ko sa unibersidad. Inaamin ko, nahirapan ako. Napakadaming bagong bagay na dapat isa-isip at ipasok sa sirkulasyon. Hindi ganoon kaganda ang resulta ng mga grado ko. Hindi man ako tuluyang sumalampak sa balon ng kawalang kinabukasan, ay malungkot pa din ang gunita ko noon, hindi ko alam kung paano sasabihin sa mga kapamilya, hindi ko alam kung paano uumpisihan at tatapusin.

Pero hindi naman ako agad nagpadala sa pagkabigla. Nakabawi ako nitong sumunod na semestre. Matataas halos lahat ng grado ko, at may bonus pa, college scholar ako ngayong sem, na nangangahulugang 1.45 hanggang 1.75 ang gwa ko o general weighted average. Nakakatuwang nagbunga ang mga paghihirap ko, at salamat na din dahil mahuhusay ang mga propesor kong tunay na humubog at nagmulat sa akin – sa akin sa edukasyon sa unibersidad.

Nakalulungkot na baka hindi na muling magtagpo ng mga kaibigan at kaklaseng kahit papano’y naging kasangga ko sa loob ng isang taon. Nagpapasaya sa ‘kin ang gunita ng mga nakaraang aktibidad at klase, napapangiti ako ng mga kaganapan sa unibersidad.


Maraming salamat unibersidad naming mahal, maraming salamat sa lahat. Pero hindi pa tapos ang lahat, marahil, tapos na ang simula, ngunit marami pa rin akong dapat lakbayin at harapin, marami pa para sa hinahangad kong buong pusong kakuntentuhan. Salamat at hanggang sa pagbalik ko sa Hunyo.
 
tinipa ni Bote. noong 10:25 AM | Permalink | 0 comments
Sadomasokismo
Hinuli na nga ako at ginilitan.
Laman-loob, balahibo, tinanggalan.
Hinugasan, tinadtad nga ang katawan,
ininspeksyon ng walang kalaban-laban.

Buong katawan ko ay paralisado;
pakpak, binti, hita, hiwalay ang ulo.
Mistulan akong minolestya, ginulo;
kabalintunaan man, binaboy ako.

Binudburan ng harina, ng paminta,
ng suka, toyo, Tide Powder at iba pa.
Inilublob sa kumukulong Minola,
prinito, pinatuyo, at iniwan na.

Narinig kong sumigaw ang service cashier.
“Chicken Joy, 1 piece please!” wika n’yang matulin.
Dinampot ako’t inilagay sa madilim
na plastic styropore na may’ron pang kanin.

Dalian nga akong kinuha’t binuhat
ng isang service crew na agad naglakad.
“Here’s your order,” sambit n’ya ng mahagilap
si Customer 9 at ako’y inilapag.

Pinagmasdan n’ya ako at tinitigan,
pinira-piraso ang tadtad na laman.
Hiniwa’t dinip sa gravy na sawsawan,
sinubo’t hinulog na papuntang tiyan.

Napaisip na lang ako, natulala
habang sa intestines n’ya ay bumababa.
Masaklap man nga itong aking napala,
masaya na din ako ‘pagkat may natuwa
.
 
tinipa ni Bote. noong 10:13 AM | Permalink | 0 comments
Saturday, April 07, 2007
Hirap-hirap
[Paglalaro sa maikling-maikling kuwento.]

Hindi ba't makailang beses mo na ding tinangka na wakasan ang sinasabi mong masahol na buhay? Hindi ba't ilang beses ka na ding sumuko pero ano? Nabakla ka sa katotohanan. Puro ka kasi drawing. kahit hindi naman kagandahan.

Tapos 'eto ngayon? Sasabihin mong hindi mo na kaya ang hirap? Eh ano ba ang gusto mo? Puros kasarapan? Kasiyahan na lang palagi? Wala ka na ba talaga sa katinuan at ang natural na galaw ng mundo'y binabaliko't pinasisirit mo na lang sa baku-bako mong kukote? Wala kang magagawa dahil hindi natin alam ang susunod na mangyayari sa buhay natin. Hindi natin masisiguro ang sunod na hakbang.

Tapos umiyak ka ngayon. Ano bang hirap ang binubulalas mo? Ang pag pasan ng mga hirap at pasakit dito sa lupa, o ang literal na hirap na bumabalot dito ngayon sa lupa? Alam ko sawa ka na sa sardinas at sawa na din ako, kaya pwede, samahan mo muna ko?
 
tinipa ni Bote. noong 1:53 PM | Permalink | 0 comments