Iba ang lola ko. S'ya 'yung tipo ng tao na sobrang maaalalahanin. 'Yung tipong lahat ng bagay ay ipinapasok sa utak mo at 'yung pakiramdam mo'y sundalo kang inuutusan ng mas nakatataas. Kumain na at lalamig ang pagkain, magsuot ng tsinelas sa loob ng bahay, 'wag tumapat sa elektrik pan ng pawis ang katawan, gumising ng maaga at madaming gagamit ng palikuran, hampasin at 'wag hayaang pumasok sa loob ng bahay ang pusa, bumili ng tinapay, toyo, patis, suka, mantika, ketsap, gulay sa kanto, ng bagong buhay. Pero isa lang ang tumatatak at sumisingit sa utak ko 'pag naririnig ko at napag-uusapan ang lola ko, at ito, ay ang kaniyang, adobo.
Masipag magluto ang lola ko. Pitumpu't pitong taon na s'yang humihinga dito sa mundo nating puros usok at sa tingin ko'y kalahati[o maaaring hindi lang] ay iginugugol n'ya sa pagluluto at paghahalo ng putahe. Halos dalawang dekada na din akong nabubuhay sa luto ng maalalahanin kong lola. Halos dalawang dekada na ding nakakaraos at makailang ulit na ding bumalik at kumuha muli ng kanin. Paksiw, eskabetse, ginataan, binagoongan, putsero, sinigang. Sinigang. Ang lutong halos kasingkahulugan na ng pangalan ng lola ko. Felicidad. Ang lutong kay tagal na minahal ng pamilya namin. Ang lutong kinasabikan ng lahat. At ang lutong matagal na din kaming sawa. Lutong aming tinatakasan at itinatakwil. Ngunit natigil ang sinigang. Nawala ang asim ng amoy. Ang init ng sabaw. Ngunit hindi pa pala tapos ang mga paulit-ulit na pamatay na luto ng lola ko. At iyon nga, ay ng dumating, ang, adobo.
Hindi ko alam kung dahil ba sa katandaan o dahil sa hirap lang ng buhay kung kaya't nagiging paulit-ulit ang mga luto ng aking lola na mistulang isang putahe sa isang buwan. O dalawa. O tatlo. Paminsan ay kaysa kumain ng lutong-bahay ay ninanais nalang naming bumili sa labas kahit may kamahalan. "Worth every single penny..." 'ika nga. At ang flavor of the month o ng season, ay ang kaniyang espesyal, at manamis-namis, na, adobo.
Adobo. Lutong pinoy. Lutong hinahanap-hanap ng mga balikbayan. Lutong minamahal ng lahat. Ngunit ibahin mo kami. Ito ang luto, para sa amin, na dapat takbuhan at iwasan. Parang anthrax na nakamamatay. Parang teroristang may dalang bomba. Parang kahit manok ay magsasawa't magsusuka. Adobong baboy man o manok o pareho ay hindi na namin masikmura. Parang batang nagsawa sa lugaw, parang mga paang nawala ang kasabikan sa paglakad, parang mga pulitikong kinatamaran ang pera't kapangyarihan. Pero naiintindihan din namin minsan ang aking lola. Kahit minsan lang. Minsa'y natatangkilik pa rin namin at nalalasap ang putaheng pinoy, putahe ng ina ng ama ko.
Nagsawa kami sa adobo, oo. At ako lalo na. Gaya ng pagkasawa ko sa pakikipaglaban sa mga makakapal ang palad. Gaya ng pagkasawa ko sa mga kartuns. Gaya ng halos pagkasawa ko sa buhay. Pero sa pagkasawa, ang kasunod ay matagal na pag-iwas, matagal na pagkawala. At matapos ang pagkawala na ito, ang susunod ay kasabikan muli, at muling pagtanggap, at sa kasong ito, paglasap, ay kasing sarap ng unang pagdampi nito sa dila. Ang matagal na pagkawala ay nagreresulta sa muling pagkaanyaya, at muli ding pagkasawa. Saykel 'ika nga. Saykel na paulit-ulit lang at hindi natatapos hangga't ika'y malito at matapon sa maitim na kalawakan. At ito ang saykel na pilit pa ding tinatakbo ng lola ko.
Iba talaga ang lola ko. Siya ang adobo ng buhay ko.