Wednesday, October 24, 2007
Listahan sa Isipan
1. Sembreak; makipagkita, makipagkuwentuhan, makipag-inuman sa mga kaklase noong hayskul.

2. Sembreak; pahinga sa bahay (tulog, tulog, tulog); manood ng mga pinipiliit tapusing palabas(Yakitate! Japan, Beauty and the Geek, at kung anu-ano pang chummy reality shows).

3. Sembreak; walang pasok, walang baon, walang pera, magtipid.

4. Sembreak; walang aral, magDotA ng magDotA, maniryoso sa DotA.

5. Maglaan ng panahon sa pagsulat, sa pagbasa ng ilang piling akda, sa pag-iisip para sa ikalawang semestre, sa mga gurong pipiliin, sa paglipat ng kurso.

6. Piliting sumulat ng maikling kuwento (futuristic sana pero may pa-effect na social concern) o kahit ng tula, basta piliting sumulat ng pormal na akda na maaaring ipasa.

7. Maghanap ng kasama na magworkshop ng inaalagaang kuwento.

8. Maghasa at magpraktis sa Rubik's Cube, magresearch ng iba pang mas maikling moves; solve, solve, solve.

9. Ihabi ng maigi ang mga nasa listahan, piliting tuparin.
 
tinipa ni Bote. noong 1:09 PM | Permalink | 0 comments
Monday, October 22, 2007
Sa Dentista
Dati, isang beses isang buwan nagpupunta ako sa dentista ko para magpaayos ng braces(oo, may bakal ako sa ngipin). Isang beses kada-buwan pinapalitan ang rubber nito, pinuputol ng kaunti iyong alambre, at nililinis ng maigi ang mga ngipin ko. Mabait 'yung dentista ko, para sa 'kin, hindi lang kasi siya dentista, parang counselor na rin. Dati nga, tinulungan niya akong mag-isip ng kurso para sa kolehiyo. 'Yung minsan sa isang buwan na iyon, nararamdaman kong malinis ako.

Mag-iisang taon na siguro ng huli akong magpunta sa dentista ko. Alam kong nakadidiri pero hindi na ako pumupunta. Tinatamad ako. O siguro natatakot na rin. Kapag kasi nagpapa-adjust ako ng braces, matinding sakit ang tinitiis ko. Mahirap ngumuya, nagtitiyaga ako sa Lucky Me! Supreme La Paz Batchoy, at nangingiyak ako sa dami ng singaw na sumusulpot sa gilid ng bibig ko. Nahihiya rin kasi ako sa kaniya. Para kasing 'pag tinitingnan ng dentista 'yung mga ngipin o bibig ng isang tao, tinititigan din niya 'yung kaluluwa nito. Nabibisto lahat, nahuhulaan ang pagkatao, nalalaman ang mga pinaggagagawa nito.

Hindi ko alam kung pupunta pa ako sa dentista ko. Pero siguro naman, oo. Nararamdaman ko na rin naman kasing parang bibigay 'yung mga kabit-kabit na bakal sa bibig ko. At 'di lang iyon, ramdam ko rin kasing rumurupok na ang pagkatao ko. Baka marami siyang maitulong.
 
tinipa ni Bote. noong 3:34 PM | Permalink | 0 comments
Monday, October 08, 2007
Opel
Ang pag-alala sa iyo,
ngayon, ay pagtingin
sa kalangitan ‘pag gabi.
Kahilera ng nangingibabaw
na buwan, isa kang bituwin
minsa’y kumukurap,
kalimita’y nilalamon ng dilim.

Labing pitong na taon na
buhat ng tinawag ka ng lupa
o ng langit, o ng kung sinong
‘di namin kilala. At ang mga
nakatukod na larawan
sa ibabaw ng telebisyon ko
sa kuwarto, oo – tanging iyon na lang
ang iilang iniwan mo sa akin.

Magkahalong lapot ng hiya
at pasalamat ang kalituhang
nararamdaman ‘pagkat
hindi naman talaga tayo
nagkasama, hindi tayo lubos
na nagkakilala.

Pero walang lumalangoy
sa hinagap ko na salitang limot.
‘Pagkat sa mga ganitong
panahon, sa mga araw
na kuba ako sa bagabag
at hirap at problema,
nananangis ako sa’yo.

Sa mga ganitong panahon,
hiling ko’y nandito ka,
upang madama ko sana
ang iyong paghinga
sa aking tabi, sa aking pisngi
nang malamang nandiyan ka;
kailangan ko ng Ina,
hinahanap-hanap kita.
 
tinipa ni Bote. noong 12:58 PM | Permalink | 0 comments