Saturday, June 30, 2007
Pagbubulay-bulay
Marami akong planong hindi ko maisagawa at hindi ko matupad-tupad. Marami akong iniisip na hinihipan na lang ng hangin at nabubura na sa kawalan. Hindi ko alam kung ano ang pumipigil sa 'kin, siguro takot ako sa kung anuman ang maaaring mangyari.

Mula pa nung pumasok ako sa unibersidad, nasa ugat na ng mga utak ko ang plano kong lumipat ng kurso. Hindi ko naman itinatakwil ang sikolohiya, lalong-lalo namang hindi ko kinaiinisan ang kurso. Pero hindi ko lang talaga makita ang sarili ko sa linyang ito balang araw. Gustuhin ko mang lumipat sa kursong malikhaing pagsulat, may mga bagay pa din na maaaring sabihing humahadlang. May mga entidad na gusto akong magabogasya, mayroon din namang hindi nakakakita ng kinabukasan sa huli.

Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang pagtingin nila sa kursong Filipino o sa kursong ang medium ay Filipino - lalo na ngayong lumalabas sa estatiko na wala ng kumukuha ng kursong Filipino, Malikhaing Pagsulat, o Araling Filipino sa UPCAT. Siguro hindi din masisisi ang mga pumipili ng kurso, siguro hindi ko din sila masisisi sa kawalan ng kagustuhan nila sa mga kursong nabanggit. Talaga sigurong umiikot na ang utak ng marami sa atin sa maka-kanluranin at maka-ekonomikong ideolohiya. Wala nga sigurong dapat sisisihin.

Nakalulungkot man, mahirap baguhin ang hatol ng mga tao sa isa nga daw Ikatlong Lipunang papaunlad. Hindi mababalikwas ang kanilang desisyon. Kaliwa't kanan man, kung saan ka man tumingin, sa kalakhang Maynila, kahit sa mga pangprobinsyang kolehiyo, hindi maitatanggi ang dami ng kumukuha sa kursong maiaahon daw sila sa kahirapan - sa kursong makatutulong daw sa bayan habang naglilingkod sa ibang bansa.

Bilang mag-aaaral sa unibersidad, at iskolar ng pamahalaan - ng bayan, isang matatawag na responsibilidad siguro ang paglilingkod muna namin sa bansa, bago maglingkod sa iba at isipin ang aming sarili. Marahil dapat itong pumatong sa kahit sinong Pilipinong nagtatapos sa mataas na paaralan. Natatagong utang na loob sa bayan.

Ngayong ikalawang taon ko na sa kursong sikolohiya, hindi pa rin nagbabago ang desisyon kong lumipat sa malikhaing pagsulat. Sabihin man ng iba na hindi ko iniisip ang kinabukasan ko, ng aking magiging pamilya, wala na akong maidadahilan pa - wala na akong maisasagot. Basta ang alam ko, ang nananaig sa akin, mas mahalaga ang kakuntentuhan kaysa sa kayamanan.
 
tinipa ni Bote. noong 2:32 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, June 28, 2007
Kung magmamahal ka,
siguraduhing sa taong
pag-ibig ay ilalaan -
buong puso at walang hanggan.
Dahil 'pag dumating ang panahong
ikaw ay iiwanan,
para kang nag-iisang patlang
sa madilim na lansangang
wala ng dadaan.
 
tinipa ni Bote. noong 4:34 PM | Permalink | 0 comments
Monday, June 25, 2007
Bakit may ganito?
Yey! Nanalo si Kat sa MTV Vj Hunt 2007. Dapat magdiwang.
 
tinipa ni Bote. noong 5:08 PM | Permalink | 0 comments
Tuesday, June 12, 2007
Maikling Rebyu-rebyuhan
Macarthur
97 Pages
Visual Printing Enterprises
** 2/5


Hindi ko alam kung maitatawag na nobela ang bagong aklat na isinulat ng kilalang-kilala na ngayon(iniisip kong isa na s'ya sa mga tinatangala sa Popular Literature) na si Bob Ong; maaari sigurong ikonsidera na novelette ito, o maaaring mahaba-habang maikling kuwento, kung mayroon mang ganoon.

Malayo ang libro sa apat o limang librong naunang inilabas ni Ginoong Ong. Dito, pinilit niya na magkuwento(kung sakali ngang kuwento ito, ang detalye sa loob ng sanaysay) at gumawa ng prosa. Gaya nga ng sinabi ko, hindi mabuo ang kuwento sa isip ko. Malabo ang pagkakabuo ng istorya. Tinangka n'yang paikutin ang istorya sa apat na magkakaibigan, ngunit nabigo naman s'yang pagpantay-pantayin ang lebel nito.

Non-linear ang kuwento at walang sinusundang pattern. Mabilis ang takbo nito at parang iniiwanan na lang ang ginagawa ng may-akdang mga gulo o trahedya. Kung hindi man iniiwanan ay tinatakasan ito sa pamamagitan ng mabilisang paglipat sa ibang buhay. Malabo rin ang pagkakadetalye at paggamit ng mga salita. May mga pagkakataon din na pilit ang pagpapatawa at hindi na akma ang mga salita at paggamit ng pang-uri sa sitwasyon.

Inaamin kong medyo nadismaya(pilit na translayon ng nadisappoint) ako sa bagong librong ito ni Ginoong Ong. Mas maigi sigurong tumutok na lang s'ya sa pagsulat ng mga sanaysay. Sa halagang isandaang piso, at kung ika'y isang panatiko ni Bob Ong; maaari ko sigurong ipayo na bilhin mo itong aklat na ito. Ngunit kung ikaw naman ay isang malaking panatiko ng literaturang pormal sa Filipino ay marami pang ibang libro na maaaring umubos ng oras mo, pumukaw ng atensyon, at magbukas ng isip.
 
tinipa ni Bote. noong 4:17 PM | Permalink | 0 comments