Saturday, September 15, 2007
Buong Pagkukumbabang Paghahambing: Liriko at Tugtugang Abay/Sago kontra Hale/Cueshe
Nadodomina ng tugtugang combo (banda; karaniwa'y pumapasok sa genre na rock o iniisip ng marami na rock; madalas binubuo ng isang gitara, isang baho, isang taga-tambol, at isang taga-awit na kung minsa'y taga-sigaw) ang bawat estasyon ng Filipino (puwede ring Pilipino) sa radyo, telebisyon, at sa iba't iba pang medium ng komunikasyon. Hindi na maitatanggi ang bumugsong mainit na pagtanggap ng mga tagapakinig na Filipino sa OPM (kolokyal sa kadahilanang ang etnikong tugtuging Filipino raw dapat ang tunay na OPM) at sinasabing ang mga banda ang bumubuhay at nagpananatili nito sa kasalukuyan.

Bilang masugid na tagasubaybay ng ganitong uri ng tugtugan, nakapupuna ako ng malaking pagkakaiba pagdating sa atake ng bawat banda sa kanilang musika. Napakalawak ng tugtugan ng bandang Filipino at ninais kong pumili ng ilan (dalawang pares ng tig-dalawa na may hindi nalalayong kaugnayan sa katambal) para ikumpara at ipasok sa kontekstong pampanitikang Filipino.

Ang mga bandang napili ko ay ang Radioactive Sago Project, maipapasok sa tugtugang jazz; ang bandang Dong Abay, alternatibo; at ang kabilang pares ay ang bandang Hale at Cueshe, sinasabi at tinatawag na banda sa Pogi Rock; estetikong taguri na isinama ang esensya ng rock bilang musika.

Una kong nais suriin ay ang pagkakaiba sa kanilang mga tunog o tugtog. Ang Sago na hindi naman nagpapakahon sa jazz ngunit ipinapasok din dito ng marami, ay isa sa mga banda sa kasalukuyan na marami ang kasapi o bumubuo. May horn o wind instruments ang banda, at ang harmonya at tunog ng bawat instrumento ay mapapansing iniaayon at ibinabagay sa liriko o mensaheng kanilang ipinaaabot. Ang bandang Dong Abay nama'y sumusunod sa tugtog ng mga banda noong dekada 90, alternatibo at nakatuon sa gitara at baho ang musika.

Sa kabilang banda, ang Hale at Cueshe (pinagsasama ko dahil sa hindi maitatangging pagkakapareho ng dalawa), na malaki ang fan-base na karaniwa'y mga bata o tineydyer na Filipino, ay kadalasang malungkot at malamya ang musika at tunog. Nakakahon ang dalawang bandang ito sa umiiral na uso, kung saan patok na patok ang mga awitin tungkol sa pagdadalamhati, pagrereklamo, problema, at iba pa.

Ang isang malaking pagkakaiba ng apat ay pumapasok sa usapin ng liriko at panulaan. Isa itong mahalagang elemento sa bawat awit - ang mensaheng nakapaloob, ipinaaabot, at ipinababatid. Maaari siguro sabihing nakalalamang na agad dito ang unang dalawang banda (Sago at Dong Abay) sa kadahilanang kilalang makata ang mga bokalista o frontman nito. Si Lourd de Veyra, bilang isang Palanca award winning na makata sa Ingles; at si Dong Abay, na nagtapos ng kursong pampanitikan. Lamang din ang naunang dalawa pagdating sa mensahe. Umaabot kasi sa diskursong panlipunan ang mga liriko ng dalawa, isang halimbawa ay ang Bombardment ni Dong Abay, at ang Gusto Ko ng Baboy ng Sago. Heto ang sipi sa ilang liriko:

May baboy na matalino, may baboy na bobo, may
Baboy na macho.
May baboy na seksi, may baboy na bakla, may
Baboy na mahirap, may baboy na mayaman.
Mas baboy ka pag mayaman ka. may baboy na
Businessman, maybaboy na musikero, may baboy
Na makata, may baboy na basketball player, may
Baboy na baranggay tanod, may baboy na
Konsehal, may baboy na mayor, may baboy na
Congressman, may baboy na pulis, may baboy na
Teacher na nagtuturo ng kung anu-anong klaseng
Kababuyan.

Kung titingnan naman sa kabilang banda, ang mga liriko at titik ng mga awitin ng Hale at Cueshe ay, para sa akin, hindi ko maipaliwanag kung paano mahihinuha. Kung susuriin kasi, maaaring ang atake nila sa pagbuo ng awitin (o ang kanilang mindset) ay ang bumenta (ng album) at kumita; kung kaya't naisasakripisyo dito ang mga lirikong makabuluhan (konkreto, may ideya, at bukod sa lahat - maliwanag) at may nasasabi sa kalagayang panlipunan. Heto ang putol na liriko ng isang kanta ng Hale:

You're still as beautiful as I saw you
You're lovely like the way I want you to
Release these thoughts about you like I do
Corrupt your mind, I will explore your mind


Agad makikita at mapapansin ang kaibahan.

Maaaring sabihin na isang kahungkagan ang pagkukumpara ko sapagkat magkaiba naman ang dalawang pares. Wala naman akong galit o masamang intensyon laban sa mga tagapagtaguyod ng tinatawag na Pogi rock na kinabibilangan ng Hale at Cueshe, ang nais ko lang naman ay magliwanag ng ilang bagay. Mayroon kasing mga nagsasabi at nagtatalo kung sino ang mas magaling at mas dapat pakinggan, mali ito. Hindi sila dapat pinagtatambal.

Bilang mababaw na konklusyon, masasabi sigurong nasa pagtingin (atake sa tagapakinig) ng mga musikero ang pagkakaiba. Sa ganang ito mababanggit na ang isang pares ay nakaayon sa pagbibigay ng diskurso sa mga usaping napapanahon, at ang isa ay nakasentro sa kita at benta.

Ang pagtatambal at pagkukumpara ay nasa makikinig pa rin.
 
tinipa ni Bote. noong 12:31 PM | Permalink | 0 comments
Thursday, September 13, 2007
Masamang Pakiramdam
Masama ang pakiramdam ko.

Hindi matigil ang paglabas ng sipon sa ilong ko. Namumula na nga at napakahapdi na sa makailang ulit kong pagsinga. Hindi naman kasi ako mahilig uminom ng gamot, marami naman kasing nagpapatunay na may kakayahan ang ating katawan na pagalingin ang sarili nito ng kusa. Basang-basa na 'yung panyo ko, pero hindi ko sigurado kung dahil sa sipon, pakiramdam ko kasi, nasa isip ko na lang na may sipon akong isisinga, para kasing hangin na lang iyong isinisinga ko.

Pero basa talaga 'yung panyo ko.

At masama talaga ang pakiramdam ko.

Hindi na ito dahil sa inirereklamo kong sipon. Hindi rin dahil sa basang-basa na ang panyo ko. Kung tutuusin nga, ayoko na itong sabihin, kasi ayaw ko nang magreklamo. Ayoko kasing mapuno na lang ng reklamo itong blog ko, masyadong marami na akong ganoong post, at higit sa lahat, ayokong matawag na reklamador.

Ngayon, oo ngayon mismo, sa mga oras na itinitipa ko itong sulatin na ito sa isang shop sa UP Shopping Center, oo kasabay nito, ay ang pagtakas ko sa isang sabjek. Hindi ako pumasok sa first class ko (ayoko nang banggitin kung ano) dahil may sama ako ng loob, doon, sa klase, sa sarili ko bilang mag-aaral ng klaseng iyon, sa propesora ko bilang taga-gabay sa mga mag-aaral niya sa naturang klase. Alam kong malabo, pero, masama kasi talaga ang pakiramdam ko.

Sa mga ganitong panahon, palagi kong naiisip (palagi, hindi ito ang unang pagkakataon na nararamdaman ko ang aking nararamdaman sa ngayon) na baka wala nang puwang ang lipunan kong ginagalawan para sa akin. Naiisip ko kasing baka puwede naman na wala ako, na hindi ako kawalan. Alam ko, malabo, hindi konkreto, malihim ako, bastardo ako, palalo ako, heretic ako, mamamatay din ako; pero, masama kasi talaga ang pakiramdam ko.

Lumuluwag ang paniniksik ng dibdib ko (wow, romanticist!) sa tuwing nakapagtitipa ako. Dito ko na lang kasi naichachannel (wow, elitist!) ang mga bagay na bumabagabag sa 'kin. Para akong nagpapacounsel, para akong kumakausap ng kaibigan, kahit na, pantasya lang ito, at gawa-gawa lang ng makata, kuwentista, blogger, ang iniisip nitong audience o mambabasa.

Hindi ko alam, kung tulad ng sakit na estetiko o pisikal ng katawan, hindi ko alam kung may kakayahan ang katawan kong pagalingin sarili nito kontra sa sama ng kalooban ko, literal. At kung uumpisahan ko namang uminom ng gamot, kung susubukan kong sanayin ang sarili kong uminom ng gamot, huli na ako - wala ng gamot sa sakit na nararamdaman ko.
 
tinipa ni Bote. noong 9:12 AM | Permalink | 0 comments
Wednesday, September 05, 2007
Balitang Makata: Balitalinhaga
Ulo ng balita
ay pinasabog na bata,
mahihirap na kawawa,
at konggresistang nakahilata.

Katawan ng balita ay
artistang naghiwalay,
mga ani na nangamamatay,
at Pangulong mataray.

Putol ang katawan
ng balita. Sa commercial idinaan:
Game shows, pampalaki ng pakwan,
at mga elitistang nag-iinuman.

Binti ng balita ay kuwento
ng buong mundo.
Giyera sa Iraq, sa 'Pinas, sa Sulu o Senado,
giyera sa puso at isip ng mga tao.

Kaluluwa ng balita
ay hindi na nga sariwa.
Malansa at malata,
sa sensasyonalismo bilasa.
 
tinipa ni Bote. noong 9:50 AM | Permalink | 0 comments