I.
Hindi ako makakilos nang maayos.
Nanakit ang braso, hita, binti, leeg, putang-ina, basta, nananakit ang buong katawan ko. Napamura tuloy ako nang biglaan. Nagsisipag kasi ako sa PE ko ngayon - Philippine Games. Akala ko noong una, sobrang dali lang, 'yung walang pagod, ayaw na ayaw ko kasi ng pawis na pawis sa unibersidad o kaya uuwi ako nang nanggigitata. Anak ng teteng, para rin pala akong nag-PE ng basketball, minsan nga, mas pagod pa ko kaysa sa kalabaw.
Pero masaya rin naman kahit papaano, may bonding 'yung section namin. Minsan lang 'yung ganoon sa unibersidad, kaya nakatutuwa kapag may napapasukan akong ganoong seksyon. Konti lang kasi iyong masasabi kong tunay na kaibigan sa buong lawak ng peyups.
II.
Hindi ako makapag-isip nang maayos.
Hindi dahil sa masakit ang katawan ko. Nagkasabay-sabay kasi 'yung mga dapat kong gawin - papers, exams, papers, exams. Noong simula nang semestre, masaya ako, kasi akala ko wala na akong mga exam na poproblemahin. Sabi ko pa noon, ayos lang kahit maraming papers, kayang-kaya - akala ko lang pala.
Ngayon, nagsisisi na ko. Ayoko na nga e, gusto ko nang sumuko, yumuko, umiyak; gusto ko na lang manalangin sa harap nang napakarami kong deadlines na hinahabol o hahabulin. Pakiramdam ko hindi ko na kaya 'yung pressure, puputok na nga ata 'yung parang sports bag sa ilalim ng mata ko, oo, 'pag nakikita ko iyong sarili ko sa salamin, parang eye bag lang 'yung mapapansin. Pakiramdam ko, konti na lang, awtomatiko nang madidiskaril 'yung bawat laman sa katawan ko. Kusa na 'tong hihinto, tatapos titiklop ako - parang laruang robot.
III.
Hindi ko tuloy maiwasang isipin ang kinabukasan.
Sa mga ganitong panahon kasi, napapareality check ako. Tinitingnan ko 'yung sarili ko papalayo. Kumbaga, tinitingnan ko 'yung sarili ko, 'yung totoong ako, na nakatayo sa malayo, at 'yung ako, bilang manonood nang sarili ko, nakatingin lang, nagmamasid.
Inspiradong-inspirado ako ngayon magsulat. Ngayon kasi, ramdam kong mas bukas iyong mundo ng mga manunulat kaysa noon. Mas nakakapag-usap kami nang mga katulad kong batang manunulat, mas nakikilala ko sila, mas nakakakuha ko nang inspirasyon at estilo.
Pero sa kabilang banda, mas napapaisip ako kung may kinabukasan ako sa larangan. Basta ang alam ko, tapat ako sa sarili ko, at pursigido ako.
Bahala na si Batman.