[Unang tula sa Palihan I, MPs 110. Labingdalawang pantig, tugmang isahan]
Kwento ng Tatay ko, kamukha raw niya
si Rico J. Puno ‘nung s’ya’y binata pa.
Sa buhok, sa bigote, pati sa porma,
nabihag si Nanay, sila’y nag-asawa.
Sa pagsasama nila ako’y nabuo,
katangian nila’y sa akin naghalo.
Sa sinapupunan ako ay naglaro,
sumipa-sipa pa, lumangoy sa dugo.
Napaisip sila kung ano ang ngalan
ng batang lumalaki na nga sa tiyan.
Hanggang pumasok kay Nanay, sa isipan
niya, tatak nga ng pagiging Noranian.
Si Nora Aunor na kaniyang idolo,
doon gustong itulad ang pangalan ko.
Nora nga ang tumapos sa pagtatalo
sa kung ano ang tawag sa batang bago.
Subalit nagulat na nga lang ang lahat,
pagkat lalaki ang biglang sumambulat.
Balak na pangalan ay hindi na lapat,
kaya sa papel, Noah ang isinulat.