Matagal-tagal na din mula nung huli akong nagtipa. Hindi ko alam. Nagbago na ata ako. Nagbago na ata ang buhay ko. Siguro puspos lang ako sa kamalasan ng mga nagdaang-araw, marahil nakapagpapabaya na 'ko, baka nakatadhana lang talaga ang mga dapat maganap.
Matagal-tagal na din mula nung huli akong maglitanya. Hindi ko alam. Nauubusan at unti-unti na kasing nagiging hangin ang pag-asa ko. Pag-asa ko sa mga pamatay na Prop, sa panigil-hiningang Math 11. Pag-asa ko sa buhay. Sa buhay sa Peyups, sa buhay bilang isang labingpitong anyos na naghahangad mapabilis ang daloy ng tadhana. Hindi ata ako makapagtatapos ng tama, hindi ata ako makapagtatapos ng wasto.
Matagal-tagal na din mula nung huli akong mag-inarte at maglabas ng sama ng loob. Hindi ko alam. Masaya naman ako sa buhay ko ngayon. Masaya ko kasi malapit nang matapos ang isang semestre na dapat ng kalimutan. At ang tanging inaantay ko na lang, ay kung ano ang magiging kapalaran, at kung ano ang susunod na hakbang.
Matagal-tagal na din mula nung huli akong tumingin sa sarili ko. Hindi ko alam. Hindi na ako marunong mag-saya, bukod sa palagiang paglalaro nang nakakasamang Dota, wala na akong ginagawang iba para lumigaya, o mangiti, wala na akong gustong gawin pa. Hindi ko na nabibigyan ng pagkakilanlan ang sarili ko, hindi ko na binibigyan ng pag-asa na umunlad at mapaunlad ng panahon.
Matagal-tagal na din mula nung huli akong maging ganito. Hindi ko alam. Pero maginhawa ang pakiramdam ko.